Pinas News
MAINIT na usapin ngayon ang pagbabago ng anyo ng pamahalaan mula sa unitary-presidential government tungo sa federal-pre-sidential government nga-yong natapos na ang pa-nukalang bersyon ng Consultative Commission na naatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na gumawa ng pagaaral, pagsusuri at magpalabas ng kaakibat na rekomendasyon kung ano ang dapat na laman at kata-ngian ng bagong Saligang Batas na magiging batayan ng isinusulong na Federalismong Pilipinas. Ang nasabing Consultative Commission ay pinamunuan ng dating Punong Mahistrado ng Korte Suprema, Reynato Puno, kasama ang 21 na kasapi na kumakatawan sa iba’t ibang sektor ng lipunan — mga batikan at kinikilalang abogado, akademiko, huwes, pulitiko, negosyante at iba pa.
Ilan sa mga rekomendasyon ng nasabing consultative commission ay ang pagsasabatas ng anti-political dynasty law, pagpapalakas ng mga partidong politikal, pagbuo ng 18 federal regions kasama na ang Bangsamoro at Kordilyera, pagtakbo ng presidente at bise-presidente sa iisang partido at pagtatalaga ng presidente ng bise-presidente bilang miyembro ng gabinete sa awtomatikong paraan, pagtakda na dapat nakatapos ng kolehiyo ang nagnanais na tumakbo bilang pangulo. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga samu’t saring panukala at suhestiyon ng komisyon na dapat rebisahin o amyendahan sa Saligang Batas upang ito ay marapat na tawaging federal na konstitusyon.
Malinaw na ang consultative commission ay inatasan lamang na magsagawa ng konsultasyon, pagaaral at pagsasaliksik kung paano rerepasuhin or reribisahin ang Saligang Batas, subalit ang kapangyarihan na baguhin at amyendahan ito ay nasa mandato at poder pa rin ng Kongreso ng Republika ng Pilipinas na binubuo ng mga kongresista at senador. Samakatuwid, inaasahan na ang ilan sa mga panukala ng consultative commission ay hindi tanggapin o babalewalain depende sa kung ano ang magiging bersyon ng Kongreso batay sa resulta ng mga debate, deliberasyon at diskusyon ng mga kongresista at senador sa hapag ng Kongreso.
Halimbawa, pwedeng hindi magkatugma ang consultative commission sa determinasyon kung ilang rehiyon ang bubuo sa isang Federal Philippines — para sa consultative commission ay 18 samantalang sa Kongreso ay mas kaunti rito. Isama pa natin ang u-sapin hinggil sa anti-political dynasty at anti-pork barrel provisions na mahigpit at malakas na pinanukala ng consultative commission, ngunit posible namang gawing matamlay o mahinang batas ng Kongreso lalo na’t kung ito ay makakaapekto sa kanilang kapakanan bilang mambabatas sa aspeto ng kanilang kapangyarihang mamahala at kakayahang pondohan ang mga proyektong sa isip nila ay magpapaunlad sa mga lalawigan o kanayunan na sakop ng kanilang paglilingkod.
Ano man ang pagkakaiba ng bersyon ng consultative commission sa bersyon ng Kongreso? Sa bandang huli ay kailangang mamayani ang pambansang interes, mas tumingkad ang pampublikong kapakanan at higit sa lahat hayaang ang makabayan, makatao at maka-Diyos na kalooban ang magwagi sa paggawa ng bagong Federal na Saligang Batas. Bilang mamamayan at bilang Pilipino, patuloy tayong magbasa, makinig, maging mapanuri, magmatyag at manalangin tungkol sa isyung Federalismo, dahil ito lamang ang ating magiging salik o batayan sa pagsagot kung ito nga ba ang magaangat sa atin mula sa kahirapan at magsusulong sa ating bansa tungo sa kaunlaran.