Louie C. Montemar
MASYADO nang mabigat ang pasanin ng masang konsyumer sa walang pigil na pagtaas ng mga pangunahing bilihin sa merkado. At ngayon, dadagdag pa sa gastos ang panukalang pagtaas sa rates ng FIT-All?
Ano ba ang FIT-All na iyan? Para saan ba iyan? Feed-in-Tariff Allowance o FIT-All ang halagang sinisingil sa ating mga konsyumer para sa mga renewable energy projects o mga proyekto sa likas-kayang teknolohiya (sustainable technology) sa sektor ng enerhiya. Halimbawa nito ang paghango ng solar energy o kuryenteng likha mula sa sinag ng araw. Pondong insentibo ito na napupunta sa bulsa ng mga kompanyang pang-enerhiya.
Ang FIT-All rate ay tumataas na nang higit sa anim na beses mula apat na sentimo kada kilowatt hour (kWh) noong 2015 hanggang 25 sentimo kada kWh simula Hunyo 2018. Ngayon ay nakabinbin ang petisyon upang dagdagan pa ito hanggang umabot sa 29 sentimo/kWh.
Bakit kailangang siguruhin ng lahat, sa pamamagitan ng FIT-All, ang kita ng mga korporasyon? Hindi ba dapat naman ay tumataya lamang sila sa potensiyal na laki ng kanilang maaaring kitain sa kalaunan? Masyado naman yatang maswerte ang mga may-ari ng mga kompanya ng renewable energy, lalo na iyong malalaking kompanya. Tayo ba dapat ang nagbabayad kung malugi ang kanilang negosyo?
Nakakadismaya talaga at tila insulto pa sa naghihikahos nang konsyumer ang panukalang dagdag-paniningil sa FIT-All.
Kailangan natin ng mas siguradong suplay ng kuryente sa tamang halaga. Di natin kailangan ang mga pangakong suplay na walang kasiguruhan at mas matataas na paniningil na malamang ay mapupunta lamang naman sa bulsa ng iilan.
Baka ang mas dapat ipanukala ngayon ay ang pag-aaral kung saan na nagamit ang mga dating nasingil na halaga sa FIT-All. Kumusta na ba ang mga proyekto sa renewable energies lalo na ang mga sinimulan at pinondohan ng pamalaan? Sana ay maglabas ng ulat at paglilinaw ang pamahalaan sa bagay na ito.