Pinas News
KINUMPIRMA ng Department of Justice na hindi kunektado o walang pagkaka-ugnay ang magkakasunod na pagpatay sa dalawang mayor at isang vice mayor sa loob lamang ng limang araw.
Ito ay base sa resulta ng ini-syal na imbestigasyon na isinumite ng National Bureau of Investigation sa DOJ, dahil ang NBI ang inatasan na magsagawa ng parallel investigation o hiwalay na pagsisiyasat sa magkakasunod na tatlong krimen.
Maaalalang unang binaril si Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili nuong July 2 habang dumadalo sa kanilang flag raising ceremony. Sinasabing si Halili ay kabilang sa tinatawag na narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Kinabukasan naman ng July 3 ay napatay sa ambush sa Cabanatuan City ang mayor ng General Tinio, Nueva Ecija na si Ferdinand Bote. Kasama sa napatay ang kanyang driver na si Romulo Guillemer at kritikal ang lagay sa ospital ng security aide na si Romeo Edrinal.
Pangatlo, ang pag-ambush kay Vice Mayor Alex Lubigan ng Trece Martires City, Cavite habang binabagtas nila ang Trece Martires-Indang Road sa Barangay Luciano, Trece Martires City nito lamang July 7. Napatay rin ang kanyang driver na si Romulo Guillemer.
At bagamat may tama ng mga bala ay naisugod sa ospital at nabuhay ang security aide niya na si Romeo Edrinal.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na base sa resulta ng inisyal na im-bestigasyon ng NBI lumilitaw na hindi kunektado sa isa’t-isa ang tatlong krimen. Sa kabila nito ay inatasan na rin niya ang NBI na alamin kung may kaugnayan ba sa sinasabing destabilization plot laban sa Duterte administration ang nasabing mga insidente. Dahil dito ay marami ng mga local officials tulad ng mayors, vice mayors, governors, vice governors at iba pa ang humiling na sa na bigyan ulit sila ng mga detailed police escorts. Tinanggalan na kasi sila ng mga police escorts kamakailan, base sa utos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang sabi tuloy ng ilang kritiko ay tila lumalala na ang crime situation sa bansa? Dati daw kasi ay mga sibilyan o mga ordinaryong mamamayan tulad ng mga drug pushers ang napapatay ng mga pulis dahil nanlaban daw? Pero ngayon ay kapansin-pansin daw na mga matataas na opisyal na ang pinapatay bagamat hindi naman tukoy ng mga otoridad kung sino ang mga salarin at kung ano ang motibo? Bakit ganyan kalakas ang loob ng mga armadong grupo na pumatay ng mga opisyal at sa araw pa isinasagawa ang krimen, na hindi katulad sa mga nagdaang panahon na sa gabi o sa madaling araw? Nagkulang ba o may kapabayaan ba sa panig ng kapulisan? Masasabi pa ba na ligtas ang mga opisyal ngayon mula sa kamay ng mga armadong grupo o sindikato?