Ni: Edmund C. Gallanosa
May ipagbubunyi ang mga Pilipino sa pagpasok ng taong 2023 matapos mapalanunan ng Pilipinas ang bidding para sa right to host ng FIBA World Championship.
Malaking karangalan ngang maituturing ang ganapin ang FIBA World Championship sa bansa, ito kasi ang ‘Olympics’ ng basketball sa buong mundo. Sa tiyaga at malasakit ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa pangunguna ng Chairman Emeritus Manny V. Pangilinan, SBP President Al Panlilio, Gilas Pilipinas Head Coach Chot Reyes, nakuha ang hosting rights laban sa bid ng Russia, Turkey at ang tandem ng Argentina-Uruguay, at nanaig ang Pilipinas kasama ang Japan at Indonesia.
Maganda ang balakin nina SBP President Al Panlilio, sampu ng kaniyang katuwang sa Samahang Basketbolista ng Pilipinas. Ani Panlilio, mag-oobserba sila nang maigi sa 2019 FIBA World Cup upang malaman nila ang magiging tama at maling hakbang sa pagdaos ng torneong iyon para sa hinaharap.
Kung tutuusin, kayang pataubin ng Pilipinas ang attendance record ng FIBA na tumala lamang ng 35,000 katao. Confident ang SBP lider na mauungasan ito, sa tulong ng ating mga kababayan. Sa laro pa lamang ng Meralco kontra Ginebra sa PBA nuong game 6 nang nakaraang Governor’s Cup, tumala ang attendance na umabot sa 54,000 ang nanood. Kaya naman ani Panlilio kayang kaya itong ulitin dito sa Philippine Arena ng Bocaue, Bulacan.
Bakit Pinas sa FIBA 2023?
Makailang beses nang ipinamamalas ng Pilipinas ang pagkakataong kaya natin mag-host ng mga malalaki na torneo at international, dito sa ating bansa. Ang ‘Thrilla in Manila’ noong 1975, SEA Games at ASEAN Games, Miss Universe Pageant, at ngayon, ang FIBA World Championship.
May apat na mabibigat na dahilan kung bakit karapat-dapat na ang Pilipinas ay mag-host ng mga ganitong international tournament. Dalawa sa rason na ito, ay kayang maglaman ng 20,000 hanggang 25,000 katao sa isang kargahan ang Mall of Asia Arena sa Pasay City, at ang Smart-Araneta Coliseum sa Quezon City. Ang ikatlong dahilan, ay ang pagkakaroon ng Pilipinas ng pinakamalaking indoor arena sa buong mundo, ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan na kayang maglaman ng 55,000 katao.
Ang ikaapat ay ang ‘Pusong Pinoy’ pagdating sa basketball. Isama mo pa ang hospitalidad ng mga Pilipino lalo na sa mga dayuhan. Ika nga ni Presidential Spokesman Harry Roque ng Malacañang, ito ang pinaka-magandang pagkakataon na maipakita ng mga Pinoy ang kanilang pagmamahal sa isports na ito at kung paano natin suportahan ang ating mga manlalaro ng basketball.
Kaya ba ng mga Pinoy?
Malaking pagsubok ito sa koponan ng bansa. Noong taong 1954, tumala ng bronze medal performance ang Pilipinas sa FIBA World Championship, na pinamumunuan ng pinoy superstar player na si Carlos Loyzaga. Hanggang sa kasalukuyan, ang bronze medal finish ng Pilipinas ang may hawak pa rin ng best record finish ng isang asian country sa FIBA World Championship, kalaban ang mas higit pang magagaling na manlalaro mula sa mga bansa sa America at Europa.
Bago pa man ang record na iyon, tumala pa rin ng ika-limang pwesto ang Pilipinas sa 1936 Summer Olympics, the best finish by any team na galing sa Asya. At maski sa kasalukuyan, hawak pa rin ng Pilipinas ang pinakamaraming win record sa pagsali sa Olympics para sa isang asian country.
Pride ng Pinoy ang FIBA 2023
Malaking pasasalamat kay Manny V. Pangilinan, kung hindi dahil sa kaniyang pagtitiyagang palaguin ang Gilas program sa tulong ng SBP, malamang wala sa atin ngayon ang prestihiyosong paghost ng FIBA World Cup. Paunti-unti dahil sa kaniyang pagmamahal sa basketball at sa ating bansa, nanunumbalik ang kasiglahan sa larong ito at nawa’y makamit na natin ang pinakasasabikang gold medal sa FIBA World Cup.
Tatatak sa kasaysayan ng Pilipinas ang FIBA 2023, at tatatak sa isip ng tao ang nagawang ito ni MVP. Ani nga ni Keifer Ravena, mapalad tayong meron isang taong tulad niya sa buhay ng mga Pinoy.
“We’re just blessed to have MVP as our backer. He really dedicated himself to winning the bid for us.”
Habang abala ang organizers para sa 2023, hindi naman nagpapabaya ang Gilas team sa pagbuo ng pambansang koponan para torneong ito. Sa kasalukuyan, puspusan ang paghahanap at pagdidiskubre ng tamang kombinasyon para sa miyembro ng mga palabang Pinoy na bubuo ng Philippine basketball team. Sino-sino kaya? Abangan na lang susunod na kabanata!