Ni: Eugene B. Flores
MAPAPANUOD pa rin maglaro sa Dallas Mavericks ang pamilyar na numerong 41 sa parating na NBA 2018-2019 season nang muling pumirma ng one-year, five million dollar contract ang NBA superstar na si Dirk Nowitzki.
Sa pagpasok ng season, maglalaro si Nowitzki ng kanyang ika-21 season sa Mavericks, pinakamahaba ng isang manlalaro sa isang koponan. Sa kasalukuyan, tabla sila ng kapwa future NBA Hall of Famer na si Kobe Bryant na naglaro ng 20 season sa Los Angeles Lakers.
Naglaro siya ng 77 beses noong nakaraang season, pinakamarami sa loob ng nakalipas na tatlong taon sa kaniyang karera. Hindi na ito nakalaro sa pagtatapos ng season dahil sa kaniyang ankle surgery ngunit inaasahan namang fully recovered na ito sa pagsisimula ng susunod na season.
Nakapagtala ng 12 points per game at 5.7 rebounds per game si Nowitzki, pinakamababa niyang mga numero mula ng kanyang rookie season subali’t matinik pa rin ang kanyang shooting kung saan nasa 40.9% ang kanyang 3-point shot percentage, 89.8% mula sa free throw line at 45.9% ang kanyang field goals.
Sa kasalukuyan, nasa ika-anim na pwesto si Nowitzki sa NBA all-time scoring list na may 31,187 points, ang nag-iisang overseas player na umabot sa 30,000 point mark. Tiyak namang kadaragdagan pa ito sa parating na season at maari niyang malagpasan para sa ika-limang pwesto ang NBA Legend na si Wilt Chamberlain na may 31,419 points.
Ang tirang naglista kay Nowitz, ang natatanging overseas player naka-iskor ng 30K sa NBA.
INSPIRASYON SA MGA KASALUKUYANG MANLALARO
Dahil sa mga narating nito sa loob ng 20 taon, naipakita na niya sa buong mundo na karapat-dapat maiukit ang kaniyang pangalan sa kasaysayan ng liga. Naging inspirasyon din sa marami ang 40 years old na manlalaro. Isa sa mga naimpluwensyahan nito ay ang New York Knicks star na si Kristaps Porzingis “He was an idol for me growing up and still is. Hopefully I have a chance to learn from him one day and actually get together with him in the gym and learn from him. Ask him as many questions I can and take as much as I can because obviously he won’t be in the league forever.” Parehong nasa seven feet tall ang dalawa kung kaya’t inihahalintulad sa ngayon ang laro ni Porzingis sa idolo nitong si Nowitzki at dahil din sa kaniyang deadly shooting.
Malaki ang epekto ni Nowitzki sa mundo ng basketball, isa siya sa nagbago ng laro para sa mga malalaking manlalaro na kadalasa’y kumukuha ng puntos sa ilalim ng ring.
“Extremely difficult. Extremely difficult to play against Dirk. One of the most gifted players to ever come into this league. He changed the game for bigs. He gave us opportunity outside of the box. His legacy speaks for itself. Not only one of the greatest overseas players, but one of the greatest players in general. Huge fan of Dirk. I love a big man skill and he is the prime definition of that. Like I said, his legacy speaks for itself.” wika ng dating New Orleans Pelicans center Demarcus Cousins na ngayo’y maglalaro para sa Golden State Warriors.
Hindi pa rin mapigilan ang one-legged fadeaway ni Dirk Nowitzki, na ginagaya na rin ng ibang manlalaro.
ANG ALAS NG DALLAS
Kapag binanggit ang Dallas Mavericks, nakakabit dito ang pangalang Dirk Nowitzki na nagsilbing mukha ng koponan sa loob ng dalawang dekada. Taong 2011, naibigay niya ang kauna-unahang kampyeonato ng Dallas Mavericks matapos daigin ang Miami Heat na kinabibilangan ng NBA Superstars Dwyane Wade, Lebron James at Chris Bosh sa NBA Finals. Kalakip nito ay tinanghal siya bilang Finals MVP.
Nakilala si Nowitzki sa kanyang angking laki, pagiging scorer, at ang kanyang trademark move na one-legged fadeaway shot na isa sa unstoppable signature move sa NBA. Maraming manlalaro ang pinag-aralan at idinagdag sa kanilang laro ang galaw ni Nowitzki. Ilan sa mga ito ay sila Kobe Bryant, Kevin Durant at Lebron James.
Marami na ang nakamit ni Nowitzki suot ng uniporme ng koponan. Kabilang dito ang 13 beses sa All-Star game, apat na beses bilang All-NBA first team, 2007 NBA MVP at 50-40-90 club member, NBA three-point shootout Champion noong 2006 at iba pang pagkilala.
Bukod sa mga nakamit nito sa NBA, nagpamalas din siya ng husay sa international games kung saan tinagurian siyang FIBA World Cup MVP noong 2002 at FIBA EuroBasket MVP taong 2005.
Hindi maikakaila na ang mga ito ay nagsisilbing lakas ng mga kabataang umiidolo kay Dirk Nowitzki, at ang makita pa siyang maglaro ng isa pang taon ay tiyak na magpapasaya sa mga ito.