Ni: Quincy Cahilig
NAKATUON ngayon ang pansin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbusisi at pag-imbestiga sa mga maanomalyang kontrata sa pagitan ng pamahalaan at mga pribadong kumpanya, ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III.
Kung nakalusot noon, hindi na umano papayagan ngayon ng pamahalaan ang mga kontrata na mayroong mga probisyon kung saan lugi ang gobyerno. Sa katunayan, mayroon na silang nakitang mga kasunduan na gayon ang nakasaad, partikular na sa isang real estate contract.
“In fact, we have one that we found. Something that has been more than 40 years old,” sabi ni Dominguez sa isang panayam ng media. Subali’t hindi na nagbigay ng karagdagan pang detalye ang kalihim.
Tinututukan ngayon ng gobyerno ang ilang mga kontrata sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor para siguruhing patas ang mga probisyon at hindi magiging pasakit sa publiko. Kabilang sa mga kontratang ito ang sa water concessionaires na Maynilad, sa ilalim ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) ni Manny V. Pangilinan, at Manila Water ng Ayala Corporation.
Gusto rin ipabusisi ng Pangulo ang mga ibang kontrata gaya ng sa pagitan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) at Light Rail Manila Corporation (LRMC), consortium ng AC Infrastructure Holdings Corp. (na pagmamay-ari din ng mga Ayala), MPIC, at Macquarie Infrastructure Holdings (Philippines) Pte. Ltd.
Nakahanda na rin ang Kongreso na imbestigahan ang naturang concession agreement na nagkakahalaga ng PHP 65 bilyon.
Kamakailan ay tinawag ni Duterte na “onerous” ang kasunduan sa pagitan ng gobyerno, Maynilad, at Manila Water dahil pabigat umano sa taong bayan ang mga probisyon na nakapaloob dito, na umiiral mula pa noong 1997.
Binalaan pa niya na ipakukulong ang makapangyarihan at bilyonaryong mga negosyante na namumuno sa mga naturang kumpanya dahil sa kanilang pandarambong sa ekonomiya ng bansa.
“Pag nagkamali yang gagong yan, ipakukulong ko talaga sila. Huh. Kita mo maski anong insulto ko, hindi na sumasagot. Sigurado swak sila. Syndicated estafa,” wika ng Pangulo. “I want billionaires inside the prison.”