ESGS 2018 Fighting game cosplay 1st Runner-up.
Ni: Ez G.
PATINDI nang patindi ang pagsikat sa Pilipinas ng tinatawag na costume play o mas kilala sa tawag na cosplay. Kahit saang espesyal na organized events, hinding-hindi na nawawala ang mga cosplay performance na kinababaliwan ngayon ng hindi lang mga kabataan, pati na rin ng mga nakatatanda, buong pamilya, at higit sa lahat, ang mga young-at-heart.
Pinasikat ng pagco-cosplay ang mga karakter na dati-rati ay nakikita lamang sa mga comics, o napapanood sa mga science fiction at horror movies. Ika nga, character-coming-to-life ang naging resulta ng pagsikat ng cosplay. Sa kasalukuyan, hindi na mabibilang sa daliri ang dami ng lumalahok dito.
Isa na si Orly Denzon ng Crossback Cosplay Shop sa masugid na tagapagtaguyod ng nasabing performance art. Sa mundo ng cosplay, mas nakilala siya sa karakter niyang Captain Jack Sparrow, hango sa pelikulang Pirates of the Caribbean.
“I started sa cosplaying noong year 2009,” sabi ni Orly. Mula sa pagsali-sali, hindi kalaunan ay siya na mismo ang gumagawa ng kaniyang mga costumes at ang mga kaakibat nitong mga weaponries or gadgets.
“Tight budget kami nung magsimula sa shop—kung may mapupulot na pyesa or may magbibigay, tanggap lang kami nang tanggap para mabuo ‘yung piece. Ang challenge kasi nasa pagbubuo, ‘yung paghahanap ng mga parts at pagpili ng tamang materyales, until you can complete it,” dagdag ni Orly.
ITINANGHAL na grand winner si Janine Audrey Reyes noong Toycon 2014.
For the love of cosplaying
Iba naman ang naging accomplishment ni Joel Delos Santos pagdating sa cosplaying. Ayon sa kaniya, sa pagitan ng 2004-2005 nagsimula siya bilang isang convention-goer lamang bago siya lumahok bilang isang cosplayer.
“Una kong sinalihan ‘yung Cosplay Tomasinotaku na ginawa sa University of Sto. Tomas. That was around 2005, I think. Paumpisa lang ako noon,” sabi ni Joel.
Tubong Maynila, ibang-iba na raw ang cosplays ngayon ayon kay Joel, kumpara noong nagsisimula pa lamang sila. “Dati ang materyales lang namin noon puro karton lang, wala pang rubber. Mas maswerte na nga ‘yung panahon ngayon mas madami na materials na pwede gamitin. Mas hi-tech na.”
Bagaman magkaiba ang introduction ni Orly at Joel sa cosplay, nagkakilala sila sa iisang layunin. Kwento ni Joel, “sa paglipat ko sa Antipolo doon ko nakilala si Orly at nakita ko ‘yung grupo, happy-happy talaga. Tapos naisip ko habang nagco-cosplay kami, bakit hindi kami mag-organize ng feeding program, at the same time mapasaya ‘yung mga bata.”
Maliban sa social responsibility aspect ng pagco-cosplay, may positive output din siya kung ang pagco-cosplay ay gagawin mong negosyo. “May mga cosplayers din na aside from cosplaying, nagiging craftsman na din—meaning gumagawa na din ng kani-kanilang mga costume, weapons at gadgets. At ‘yun ang binebenta nila. ‘Yung iba for rent ang negosyo.” Sabi ni Orly mula sa Crossback Cosplay Shop.
SA mundo ng cosplay, mas nakilala si Orly Denzon sa karakter niyang Captain Jack Sparrow na hango sa pelikulang Pirates of the Caribbean.
Cosplay bilang negosyo
Tinanong namin kung ang isang cosplayer ay sasabak sa negosyo ng cosplay crafting, maganda rin ba itong source of income?
“Maganda ang returns sa pag crafting, considering pati na nag-eenjoy ka sa ginagawa mo. Mostly dito sa crafting, your source of your inspiration is your imagination,” paliwanag ni Orly. At pagdating sa mga presyo ng costume? “Depende sa pinapagawang costume at materials na ginagamit. Usually when I give an estimated price for a full armor, it starts from five thousand up. Some may even fetch as high as 10 to 15 thousand pesos.”
“Sa weapons at gadget naman depende rin sa pagkayari at materyales, ‘yung mga simple lang usually we price them at P1,000,” sabi ni Orly.
Sino naman ang favorite nilang karakter na ganapin? Dalawa ang favorite character ni Joel —Si Hawkeye at si The Mask. Si Hawkeye ay miyembro ng Avengers at ang The Mask naman ay isang karakter sa pelikulang may parehong titulo na ginampanan ni Jim Carrey noong taong 1994.
Para kay Orly naman, sumikat siya at nakilala bilang si Capt. Jack The Sparrow. “Si Jack Sparrow na character gives me enjoyment. Nag-eenjoy ako na nakakapag-pasaya ng ibang tao. Madami rin kasing nakakakilala kay Jack Sparrow ng Pirates of the Caribbean.”
Take it from the ‘experts’
Base naman sa kwento ng cosplayer na si Janine Audrey Reyes, mas nagiging exciting ang mga cosplays as the years go by. “After starting cosplaying publicly at 2010 nagstop ako for a while then returned to cosplaying around 2014 then nagtuloy-tuloy na. Ang bawat cosplay para sa akin parang gig performance sa musical—matagal na pinapraktis ng banda niyo,” sabi ni Janine.
Sa tanong namin na memorable moment ni Janine, “Yung Asuna cosplay performance ng Toycon 2014, alam ko kasi sa sarili ko na so-so lang performance ko noon. Pero after a week, nakita ko online, nag-grand prize pala ako sa competition,” masayang pahayag ni Janine.
Sa mga nais sumubok ng cosplay, at magnegosyo, ito ang maipapayo nila Orly, Joel at Janine.
“Cosplay is Life for me… You meet new friends, earn money with it, learn new things with crafting, you get to travel to far places just because of cosplaying. Ituloy ninyo lang ang inyong dreams, be it as a cosplayer or a businessperson with cosplaying. Make other people happy as we make ourselves happy too,” payo ni Orly Denzon.
“Para sa mga starters i-enjoy ninyo lang ‘yung cosplay at mas maganda pa din ‘yung makatulong ka sa kapwa mo as a cosplayer. Suportahan natin ang isa’t-isa bilang cosplayer at suportahan din natin ang mga organizers ng event. At kapag may event, sumali tayo,” payo naman ni Joel Delos Santos.
“Cosplay is fun and challenging so go try cosplay. Tapos kapag na-inlove ka na sa hobby, remember to keep your life balanced—responsibilities, family, hobbies. I know these may sound so cliché pero kasi, madalas nakakalimutan natin kapag nag-eenjoy tayo nang masyado,” payo naman ni Janine Audrey Reyes.