Ni: Kristine Joy Labadan
BINANSAGANG “Seafood Capital of the Philippines” ang Capiz dahil sa 80-kilometro nitong baybayin at malawak na lupain at mga lati na madaling gawing lawang palaisdaan. Kasalukuyan itong may hawak ng titulo ng isa sa pinakamasaganang palaisdaan at pangunahing tagapagbahagi sa industriya ng agwamarina ng Pilipinas.
Mga Pinoy sa agri-negosyo
Natural na marami ang naghahanap ng maayos na trabahong may magandang kita at marami ang nakikipag-sapalaran pa sa ibang bansa upang makuha ito. Marami sa ating maliliit na magsasaka at mangingisda ang nagsusumikap magbanat ng buto ngunit sa harap nito, di pa rin nila natatamo ang maayos na kalidad ng buhay na nararapat sa kanila. Isa sa dapat na pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno at ng mga negosyante ay ang pagbabago sa senaryong ito at ang paghikayat sa ating mga magsasaka na magkaroon ng sapat na kaalaman at interes sa pagni-negosyo.
Ang agri-negosyo ay isang sektor pangkabuhayan na may malaking potensyal para sa marami sa ating mga kababayan. Marami na ang sumubok dito at nagtagumpay dahil sa mga bagong kaalaman na bukas sa kanila at dala na rin ng kanilang dedikasyon. Ngayon, marami sa ating mga kababayan ang pinapakinabangan nila ngayon ang bunga ng kanilang pagsisikap at umaani sila ng tagumpay sa agri-negosyo.
Ilan sa mga katangi-tanging Pinoy na matagumpay sa agri-negosyo ay sina Joel Magsaysay ng Ilog ni Maria; Edith Dacuycuy, Refmad Farms; Senen Bacani, La Fuerta, Inc.; Arsenio Barcelona, Harbest Agribusiness Corp.; Jose Mercado, Merlo Agricultural Corp.; Joseph Calata, Calata Corp.; Jeffrey Lim, JSJ Goat Farms; Charita Puentespina, Puentespina Orchids and Tropical Plants Inc.; Desiree Duran, Duran Farm and Agribusiness Center; Paris Uy, Live Green International, Inc.; Philip Cruz, Herbanext; at Martin at Pilamar Ozaeta Gemsun Marketing.
Kabuhayan ng mga taga Capiz
Kaugnay nito ay ang kaangkupan ng lugar para sa agrikultura at agwakultura kung kaya naman isa rin ito sa pangunahing pinagmumulan ng trabaho ng mga taga Capiz. Maski ang paggawa ng damit, mga kasangkapan, pag-proseso ng pagkain at gamit ay pinagkakakitaan ng mga tao sa bawat barangay doon.
Pamoso rin ang kabibe ng Capiz sa maraming gamit nito sa eleganteng disenyo ng tahanan mapa-loob o labas man. Ito’y isang pinakamahalagang bahagi ng kultura ng mga taga-roon. Ito rin ay kilala hindi lang sa lugar na iyon kundi sa buong Pilipinas at sa buong mundo. Kasama rin ang Capiz shell sa/mga disenyo ng mga lampara, bintana, kurtina, kwintas, plorera at iba pang mamahaling gamit. Ang kabibi ng Capiz ang isa sa mga natatanging yaman ng bayan ng Capiz.
Hatid na tulong
Walang pag-iimbot at mahuhusay — ganito ang paglalarawan ni Suzette Vivar, isang manunulat, sa mga Filipino kumpara sa ibang nasyonalidad.
Ayon sa isa niyang panayam, naobserbahan daw niya na madalas makatanggap ng kritisismo ang mga Filipino nitong nakaraan at naisip niyang kahit papaano’y bigyan ang mundo ng ibang perspektibo tungkol sa mga kababayan.
Kaugnay ng pagnanais na ito, inilathala ni Vivar ang kanyang librong pinamagatang “Close to Perfection” sa Makati City.
Sa librong ito, inilahad niya ang mga kwento ng mga Filipinong doktor, inhinyero, negosyante, abugado, at mga gurong nagbibigay inspirasyon sa mga kababayan na mangarap at magsikap nang malayo ang maabot sa buhay.
Ayon pa sa manunulat, bagamat lahat ng kwento ng kanyang mga kinapanayam ay nakapanghihikayat, sinabi ni Vivar na natatangi para sa kanya ang kwento ni Ambassador Jose Antonio.
“While writing the story of the ambassador, I could sense that he looks at everything in a different way, he always finds something positive even when most people are thinking negatively, like during the EDSA revolution when everyone was panicking he set up his business, he is a game changer,” ani Vivar.
Si Antonio ang espesyal na delegado sa Estados Unidos at pangulo ng Century Properties Group. Pinangunahan niya rin ang pagtatayo ng Trump Tower at Century City, Acqua Iguazu, Acqua Livingstone, Milano Residences, Century Spire, Forbes Media Tower at Paris Beach Club sa Azure Urban Resort Residences. Siya rin ang tagalikha ng Revolution, isang serye ng pabrikadong istrakturang gawa ng ibang taga-disenyo tulad ng Daniel Libeskind, Sou Fujimoto, at Lenny Kravitz na naka-base sa Manila.
Gawad Kalinga ng Capiz
Isa pa sa kwentong interesante para kay Vivar ay ang kay Tony Morente, tagapamahala ng Gawad Kalinga Capiz.
Ayon kay Vivar, nabanggit ni Morente ang tungkol sa kanyang kompanya na layong magturo sa mga magsasaka at mangingisda na maging mga negosyante. Nagulat raw noon si Vivar at inisip kung paano ‘yon magiging posible kung buong buhay ng mga taga-Capiz sila’y nagsasaka at nangingisda. Ipinakita ni Tony ang kanyang paraan at sa huli’y napahanga si Vivar.
Bilang isang namumuno ng Gawad Kalinga ng kanilang lugar, sinisigurado ni Morente na ang mga natuturuan sa bawat tahanan ay magagawang makapag negosyo sa tulong na ipinagkakaloob sa kanila ng sa ganoon ay makabagbalik sila sa pundasyon at makatulong pa sa ibang miyembro nito.
“So, I offered to collaborate with GK through the launch of my coffee table book to inspire people and help the farmers and fisherfolk,” kwento ni Vivar.
Pinagdiinan ni Vivar na ang buhay ng mga Filipino ay hindi magiging perpekto sapagkat darating at darating ang mga hamon sa anumang pagkakataon. Nabanggit niya na ang pamagat ng kanyang libro ay nagpapahayag ng paglalakbay ng isang Pinoy sa pag-abot ng kanyang mga pangarap at pagbibigay inspirasyon sa iba sa kabila ng mahirap na proseso.
“There will always be problems here and there so the most that you can do is go close to your dream, perfect your dream, once you’ve done that, you just can’t stop, you will go on so you can help others,” dagdag niya.
Kung susuriin, hindi lamang mismo ang bayang Capiz at ang mayamang kalikasan nito ang dapat hangaan bagkus ay maging ang mga mamamayan nito na siyang pinakamahalagang susi ng pagpapayaman ng lugar.