INAMIN ni Atty. Jude Sabio na siya ay ginamit lamang ng mga kalaban ng administrasyon para siraan si Pangulong Rodrigo Duterte gamit ang ICC case at ang viral video na “Ang Totoong Narcolist.”
Sinabi ni Atty. Jude Sabio, ang kontrobersyal na abogado na nagsampa noong 2017 ng kaso sa International Criminal Court o ICC laban kay Pangulong Duterte dahil sa nagaganap na patayan noon sa Davao City at ng war on drugs ng gobyerno, ay isinalaysay nito kung paano siya nagamit ng grupo ni dating Senador Antonio Trillanes para siraan ang presidente.
Ayon kay Sabio, ang kasong isinampa sa ICC laban kay Duterte at ang 2019 viral video na “Ang Totoong Narcolist” kung saan lumantad ang isang nagngangalang Bikoy na nag-akusa sa ilang miyembro ng pamilya Duterte at ilang malalapit dito na may kaugnayan sa kalakalan ng iligal na droga ay bahagi ng “smear campaign” para pabagsakin ang pangulo.
Ani Sabio, kinausap siya noon ni Trillanes para hawakan ang kaso ni Peter Jommel Advincula o alyas Bikoy subalit hindi ito natuloy.
Nainsulto raw kasi si Sabio nang tanungin ito ni Trillanes kung updated pa ba ang Mandatory Continuing Legal Education o MCLE nito bilang abogado kaya hindi nito nahawakan ang kaso ni Bikoy.
Nasira din aniya ang tiwala ni Sabio kay Trillanes nang banggitin nito noon sa isang privilege speech sa Senado na hindi dumaan sa vetting si Bikoy na nangangahulugan na hindi verified ang mga sinabi nito sa “Ang Totoong Narcolist” video.
Samantala, bukod kay Trillanes, nakasalamuha rin ni Sabio noon sina detained Senator Leila de Lima at si Fr. Albert Alejo kaya masasabi nito na ang Liberal Party ang nasa likod ng mga paninira laban sa pangulo.
Kumpiyansa naman si Sabio na mapapawalang-saysay ang kaniyang official communication sa ICC dahil malinaw na “politically motivated” ang kaso laban kay Duterte at hindi ito nakabatay sa prinsipyo ng International Criminal Court na the interest of justice.
Bagama’t hindi na mapipigilan ang pag-usad ng ICC case ng pangulo sa kabila ng withdrawal ni Sabio, iginiit nito na sana manaig ang justice interest ng ICC at makita na politically motivated lamang ang mga paninira laban sa pangulo.