Payo ng mga eksperto, kailangan maiparamdam sa taong nakararanas ng depresyon na hindi siya nag-iisa upang malabanan ang suicidal thoughts. Larawan mula sa Pixabay
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
MASASABING mas health conscious na nga ang mga Pinoy ngayon. Madami nang nauusong mga health product at marami nang nagsusulputang mga workout facilities. Ang mga ito ay tinatangkilik ng madla upang mapanatiling masigla at malusog ang pangangatawan para maiwasan ang iba’t-ibang mga sakit.
Sa kabila nito, tila di nabibigyan ng karampatang importansya ng maraming Pinoy ang pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan dahil sa “stigma” na nakakapit dito. Sa loob ng mahabang panahon, naging paniniwala ng marami na kapag ang isang indibidwal ay nagkaroon ng mental problems, hinahatulan siya ng lipunan bilang isang “sira ulo” at kahihiyan ng kaniyang pamilya.
Marahil dahil sa ganitong paniniwala, tumataas ang bilang ng mga nakakaranas ng mental health issues, partikular na ang depresyon, dahil marami ang nagdadalawang isip na idulog ang kanilang problema sa mga psychologist at psychiatrist dahil sa takot na mabansagang “baliw.”
SERBISYO PARA SA LAHAT
Sinasabing ang Pilipinas ay isang masayahing bansa nguni’t sinasabi ng mga datos, maraming Pinoy din ang nakakaranas ng matinding kalungkutan.
Ayon sa Department of Health (DOH) nasa 3.5 milyong mga Pinoy ang may mental health condition, at ang intentional self-harm ang pang-siyam na nangunguna sa dahilan ng pagkamatay sa mga 20-24 taong gulang sa bansa.
Sa pag-aaral naman ng World Health Organization (WHO), lumabas na 16 porsyento ng mga estudyante 13-15 taong gulang ang naisipang magpakamatay. Samantalang nasa 13 porsyento ang aktwal na nagtangkang magpakamatay noong 2017.
Tumaas din ang suicide rate sa mga kalalakihan sa 3.59, mula 0.23 per 100,000, samantalang umakyat sa 1.09 mula 0.12 per 100,000 naman sa kababaihan batay sa nakalap na datos mula 1984 hanggang 2004.
Dahil sa mga numerong ito, minabuting isabatas ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Republic Act 11036 o Philippine Mental Health Law noong Hulyo 2018. Layunin ng batas na makapagtatag ng isang national mental health policy upang lubos na mapangalagaan ang kalusugang pangkaisipan ng mamamayan.
ISINABATAS ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Republic Act 11036 o Philippine Mental Health Law noong Hulyo 2018.
Larawan mula sa PCOO
Sa ilalim ng naturang batas, ihahatid ang libreng mental health services sa barangay level upang mas maabot ang mga nangangailangan nito, lalo na yaong mga mahihirap.
Nakalakip din sa batas ang pagtaguyod sa mental health education sa mga paaralan at mga opisina, suicide intervention at prevention, at ang paggabay sa mga kabataan.
“This demonstrates the seriousness of the government and its partners to uplift the mental health of the population and ensure the welfare and rights of those with mental, neurological and substance use disorders,” wika ni Health Secretary Francisco T. Duque III.
Nitong Enero nag-isyu ang DOH ng implementing rules and regulations (IRR) para sa National Mental Health Act. Siniguro ni Duque na matutugunan ng ibinalangkas na IRR ang pangangailangan ng mga may sakit sa pag-iisip at matutulungan din ang kanilang mga pamilya. Sa pamamagitan umano nito mawawakasan ang stigma na pinapasan ng mga may mental health disorders.
“We want to send a message to those living with mental health issues that you are not alone. We are committed to giving you the support you need,” wika ni Duque.
Dagdag ng Health Secretary, bibigyang prayoridad muna sa ngayon ang pagbibigay ng libreng serbisyo sa mga mahihirap hanggang sa makalikom ng pondo, na manggagaling sa sin taxes, para mabigyan ng libreng mental health services ang lahat.
Aminado si Duque na marami pa ang hindi naaabot ng naturang serbisyo, kasama rin dito ang kakulangan pa sa facilities.
“Although we have made steps to extend help for those living with mental health conditions through the National Mental Health Policy, many Filipinos still do not get the help they need,” aniya.
Sa kabila nito, naniniwala si Duque na sa kalauna’y gaganda rin ang serbisyong ito ng DOH dahil sa malaking suporta ng Duterte administration sa naturang programa.
CRISIS HOTLINE, BUKAS NA
Bahagi ng pagpapaigting ng mental health services ay ang pagbubukas ng crisis hotline na matatawagan ng mga may mental health concerns. Ito ay sa ilalim ng National Center for Mental Health.
“The hotline aims to send a message to those with mental health issues that they are not alone. It’s okay to not be okay,” ayon kay Duque.
Aniya, maaring tawagan ng sinomang nakakaranas ng depression, suicidal thoughts, substance abuse, sexual abuse, gender identity issues, at iba pang problemang pangkaisipan ang mga numerong ito: 0917-899-USAP (8727) at 0917-989-8727. Nakahandang sumagot ang mga trained respondent ng DOH anumang oras, anumang araw.
“There is hope. Recovery is possible and there should be no shame in getting help,” binigyang diin ni Duque.
SUICIDE SYMPTOMS, DAPAT MATUKOY
Sa kabila ng availability ng mental health services, ipinapayo ng DOH na mahalagang matukoy din ang mga warning sign kung ang isang kaibigan o mahal sa buhay ay may planong mag-suicide.
Ayon sa pagsisiyasat, sa halos 90 porsyento ng suicide cases kinakitaan ng mga warning signs ang mga biktima gaya ng kakaibang mga gawain, pagiging mapag-isa, pagkawala ng interest sa mga aktibidad na dating kinagigiliwan. Sa pagtukoy ng mga ito, maaring mailigtas ang isang may suicidal thoughts.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, layunin ng National Mental Health Act na tulungan ang mga nakakaranas ng mental health conditions lalo na ang mga mahihirap, sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng serbisyo sa barangay level.
Payo ng DOH, kung makita ang mga warning signs, kailangan maiparamdam sa taong nakararanas nito na hindi siya nag-iisa. Ito ay sa pamamagitan ng pakikinig sa kanyang mga daing. Huwag din dapat maging judgmental sa kaniyang pinagdadaanan.
Mahalaga rin maunawaan na may iba pang mga dahilan ng depresyon ng isang tao, gaya ng chemical imbalance resulta ng pagbaba ng bilang ng ilang neuro-transmitters, gaya ng serotonin at norepinephrine, sa katawan.
Ang serotonin ay isang hormone na kilala bilang “happy chemical” na nakakaapekto sa mood ng isang tao. Samantalang ang norepinephrine ay chemical na inilalabas ng nervious system pangkontra sa stress. Kapag hindi naging balanse ang lebel ng mga ito sa katawan ng isang tao, maaring maapektuhan ang takbo ng kanyang pag-iisip. Sa ganitong klase ng depresyon, maaring magreseta ang doktor ng mga gamot o magsagawa ng lunas.