HANNAH JANE SANCHO
KUMBINSIDO si Presidential Spokesperson Salvador Panelo na isa sa tinitingnang factor ni Pangulong Rodrigo Duterte ay kapag napatunayan nitong walang ginawang sapat na hakbang ang MWSS at mga water concessionaires para maresolba ang isyu ng water crisis sa Metro Manila.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, posibleng gagawa ng drastic move ang Pangulong Duterte.
“I suppose the fact that they have not undertaken corrected measures that will prevent the evolution of the upcoming crisis again be a factor that would make the president decide on drastic action against them,” pahayag ni Panelo.
Nagbabala rin ang tagapagsalita ng Palasyo na posibleng tanggalin ang kontrata ng mga water concessionaires at papanagutin dahil sa kawalan ng aksyon nito para maresolba ang problema sa kakulangan sa tubig.
“This is again shape up or ship out yan naman ang laging message ng Presidente,” aniya pa.
Una nang sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na ikinagalit ni Pangulong Duterte ang panibagong pagrarasyon ng suplay ng tubig sa mga residente ng Metro Manila.
Nanawagan naman sina Senador Bong Go, Francisco Tolentino at Imee Marcos na dapat mapanagot ang mga water concessionaires.
Magugunitang inatasan ni Pangulong Duterte ang panibagong pamunuan ng MWSS na rebyuhin ang kasunduan ng gobyerno sa dalawang water concessionaries, silipin ang anumang paglabag ng mga ito at papanagutin sa kanilang pananagutan.