Ni: Ma. Leriecka Endico
ANIMNAPU’T limang ginto, labing-apat na pilak at tatlong bronse – sinong makatatalo sa manlalangoy na mayroong 82 kabuuang bilang ng medalya mula sa iba’t ibang kumpetisyon sa buong mundo?
Matagumpay na natupad ni Micheal Phelps, sikat na manlalangoy mula America, ang kanyang pangarap na gumawa ng sariling pangalan sa kasaysayan ng isports. Ang kanyang nakalap na mga medalya ay tila isang hamon sa mga atletang patuloy na inaabot ang kani-kanilang pangarap sa kani-kanilang larangan.
Ipinanganak si Micheal noong ika-30 ng Hunyo 1985 sa Baltimore, Maryland. Siya ang ikatlo at bunsong anak ni Fred Phelps, isang atleta at state trooper, at ni Debbie Phelps na isang punong-guro. Sa tulong ng kanyang dalawang babaeng kapatid na si Whitney at Hilary, namulat si Micheal sa larangan ng paglangoy. Ito ay matapos sumali ng dalawa sa U.S Olympic Team noong 1996.
Sa kasamaang palad, si Michael ay mayroong Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD). Gayunpaman, hindi ito naging hadlang sa kanyang pagkatuto kahit hindi ito birong hamon sa kanya. Bilang batang manlalangoy, nakaranas din ng takot si Michael na ilublob ang kanyang ulo sa ilalim ng tubig bilang bahagi ng ensayo. Dahil dito, hinayaan muna siya ng kanyang guro na magpalutang lutang sa tubig, kaya naman hindi na nakapagtataka na backstroke ang kanyang unang natutunan at nahasa.
Ang kanyang taas na 6’4” at bigat na 200 pounds ang kanyang naging kalamangan sa larangan ng paglangoy. Dahil sa kanyang tangkad, mas nagkakaroon siya ng mas mabilis na usad sa tubig. Pambihira rin ang haba ng kanyang braso na mayroong lapad na 6’7” na tila nagsisilbing sagwan sa kanyang mga kompetisyon.
Pinakabatang Amerikanong Manlalangoy sa Olympics
Sa edad na 15 anyos, nakilala si Michael bilang pinakabatang Amerikanong manlalangoy na sumali sa Olympic Games. Noong 2001, gumawa ng world record si Michael sa 200-meter butterly bilang pinakabatang lalaking manlalangoy sa kasaysayan. Nakuha niya ang kanyang kauna-unahang international medal noong 2001 World Championships sa Fukuoka, Japan. Simula noon, ay sunod-sunod na ang pagkapanalo ng manlalangoy at patuloy ang pagkamit ng medalya nito sa iba’t ibang palaro.
Gumawa ito ng bagong rekord sa 2002 U.S. Summer Nationals sa Fort Lauderdale, Florida para sa 400-meter individual medley, 100-meter individual butterfly at 200-meter individual medley. Sa parehong kompetisyon noong 2003, siya mismo ang tumalo sa sariling rekord at inangkin ang 400-meter individual medley sa ilalim ng 4:09.09.
Nakapasok si Micheal sa 2004 Summer Olympics matapos talunin muli ang sariling record sa ilalim ng 4:08:01 noong U.S Trials. Nagsimula siyang maging Superstar noong 2004 Olympic Games sa Athens, Greece matapos manalo ng walong medalya kung saan anim ang ginto at dalawa ang bronze.
Mga kontrobersiya
Kakambal ng kasikatan ang mga kontrobersiyang kanyang inabot sa kanyang kabataan. Ilang linggo matapos ang tagumpay sa Athens, nahuli si Michael sa kasong pagmamaneho ng lasing sa Salisbury, Maryland. Ito ay matapos ang hindi niya paghinto sa pulang stoplight. Siya ay minultahan ng $250 sa ilalim ng 18 buwang probasyon. Bagamat tinawag niya itong “isolated incident”, inamin niyang ito ay nakakadismaya bilang atleta.
Isa pang insidente ay ang pagkakahuli sa kanya sa parehong kaso sa Baltimore, Maryland. Humingi ito ng tawad sa pamamagitan ng Twitter at sinabing “I understand the severity of my actions and take full responsibility.”
Naga-anunsyo rin si Michael ng pagreretiro matapos ang ilang kompetisyon noong 2012. “It’s tough to put into words right now, but I finished my career how I wanted I,” aniya.
Pagbangon at Pagtatapos
Sa kabila ng mga kontrobersiyang ito, tila hindi matiis ni Michael ang lumaban sa paglangoy. Noong ika-29 ng Hulyo 2016, opisyal na bumalik si Michael sa industriya nang siya ay maging kauna-unahang Amerikanong lalaking manlalangoy na nakakuha ng lugar sa limang grupo ng Olympics. Nakapasok ng 2016 Rio Olympics si Michael matapos manguna sa men’s 200-meter butterfly sa U.S. Olympic trials.
Hindi binigo ni Michael ang America nang sungkitin ang kanyang ika-19 na Olympic Gold Medal sa Rio noong Agosto 7, 2016. Nagpakitang gilas ang manlalangoy sa men’s 400 freestyle relay at patuloy na nagsikbat ng gintong medalya sa 200-meter butterfly at 4×200 meter freestyle relay.
Matagumpay na tinapos ni Michael ang karera sa edad na 31 at nakamit ang kanayang ika-23 gintong medalya sa Olympics para sa America.
“Being able to close the door on this sport how I wanted to – that’s why I’m happy now,” sabi ni Michael matapos ang Rio “Just being able to finish this way is special because now I’m able to start the next chapter in my life.”
Aniya, handa na siyang magretiro at nasa mas mabuting mental na kondisyon na ngayon, kumpara sa mga nakalipas na taon. Si Michael ngayon ay masayang kasama ang kasintahan na si Debbie at anak na si Johnson. Bukod sa paglalangoy, nakapagsulat din si Michael ng dalawang libro, Beneath the Surface: My Story (2008) at ang No Limits: The Will to Suceed (2009).