Paano magagapi ang grupo ni Thanos at mababawi ang Infinity Gauntlet ang pangunahing tanong ng mga nagsanib na pwersa ng “Earth’s mightiest superheroes” at ng “Galaxies’ best” sa pagbabalik ng ikalawang yugto ng Avengers: Infinity War
Ni Edmund C. Gallanosa
Maghanda na sa pagdating ng mga pelikulang ito. Bagama’t nagsimula na ang panahon ng mga superheroes, mas lalong kinasasabikan ang pagdating ng ilan sa kanila na dati-rati’y bida lamang sa komiks. Ang ilan ay lalaban nang solo, ang iba naman ipapakilala sa takilya sa unang pagkakataon. At Isa sa pinaka-malaking pag-resbak rin ng kalipunan ng mga superheroes ang pinaka –aabangan ng marami.
Nag-uunahan sa takilya ang dalawang lider ng mga lumikha ng comics superheroes—ang Marvel Studios at DC Comics. Pinasikat ng Marvel sina Iron Man, Thor, the Hulk, at ang mga X-Men, samantalang sina Superman, Batman at Robin, the Flash, Green Lantern at iba pa ay sa DC Comics. Makailang-beses ng nagkaroon ng ‘crossover’ ang dalawang comics creators, subalit hindi pa ito nangyayari sa pelikula. At sigurado naman itong inaabangang mangyari ng napakaraming comic fans sa buong mundo.
Kaya´t lalong umiigting ang kasabikan ng mga Marvel at DC comic aficionados sa mga parating na pelikula. Babanggitin natin ang ilan sa pangunahing pinakakaabangang pelikula sa 2019.
Untitled Avengers: Infinity War part 2 (Marvel Studios)
“Together we can stop Thanos…” ‘Yan ang katagang binitawan ni Thor para mabuhayan ng loob ang mga kasama niyang team Avengers at iba pang super-heroes na nagsanib pwersa upang talunin ang gauntlet-bearer na si Thanos. Bigo man sila, huwag mag-alala dahil madami pang sorpresa at twists na magaganap sa darating na ikalawang bahagi ng Avengers: Infinity War. Sa Mayo 2019 balak ipalabas ang ikalawang bahagi, at maraming katanungan ang nag-hihintay na masagot tulad ng mga sumusunod: Nasaan sina Hawkeye at Ant-Man sa Infinity War, at kung bakit hindi sila nasali sa labanan; Sasali ba ang mga X-Men laban kay Thanos? Mabubuhay ba ang ilang bida na nasawi sa laban kay Thanos, at sino kaya ang makakatalo kay Thanos habang hawak niya ang Infinity Gauntlet?
Bonus trivia: Si Josh Brolin na gumanap na Thanos sa pelikula ay siya ring gumanap na X-Men Mutant na si Cable sa DC Comics na pelikula na Deadpool 2.
Godzilla: King of Monsters
Gawa ng Legendary Pictures kasama ang Warner Bros. at hindi man galing sa Marvel o DC, marapat din banggitin ang susunod na Godzilla movie sapagkat kung aksyon at thrill ang pag-uusapan, siguradong uungusan nito ang naunang Godzilla movie noong 2014.
Sa Mayo 2019, kakalabanin naman ni Godzilla ang hindi lamang isa, kundi tatlong legendary monster-titans na noon pa man ay naninirahan na sa kailaliman ng daigdig. Isa si Mothra, isang ancient giant na kalahating kaiju — Japanese word para sa strange creature — at kalahating moth. Kung makikitaan siya ng bagsik laban kay Godzilla o bait ‘yan ay malalaman sa paglabas ng pelikula. Abangan din ang monster na si Rodan, isa ring kaiju na isang prehistoric pteranodon. At huli, si King Ghidorah, isang dambuhalang ancient dragon-beast na may tatlong ulo. Sino ba naman ang hindi mag-aabang sa ganitong super-sized battle sa 2019.
Bonus trivia: Bago pa man ang pagsasapelikula ng Godzilla vs the 3 monster-titans na ito, pinagplanuhan ang dream battle sa pagitan ni Godzilla at King Kong. Kung babalikan ang Kong: Skull Island (2017) at Godzilla (2014), makikita ang koneksyon ng dalawang ito dahil sa grupo ng secret operatives na Monarch. Ilang taon na lamang ay siguradong magkakasubukan ang dalawang ito sa takilya.
Babalik sa takilya ang pinaka matagumpay na pelikula ng isang female superhero ng DC Comics na si Wonderwoman sa Nobyembre 2019 at siguradong papatok nanaman ito sa takilya.
Wonder Woman 1984 (DC Comics)
Sino ba naman ang hindi mag-aabang sa sequel ng Wonder Woman, itinuturing na pinaka matagumpay na female-superhero movie ng 2017. Napakaganda ng review ng pelikulang ito na pinagbidahan ni Gal Gadot, na humataw ng 92% positive rating sa mga pangunahing kritiko tulad ng Rotten Tomatoes.
Trivia pa more? Tunay ngang “wonder woman” si Gal Gadot sapagkat kung hindi alam ng nakakarami, nagdadalang-tao si Gadot noong ginagawa ang pelikulang Wonder Woman. Opo, tama ang basa ninyo—buntis siya noon habang shooting ng pelikula at hindi niya ito ipinaalam dahil ayaw aniya na magkaroon daw ng special treatment sa kaniya ang buong film crew. Wonder woman talaga hindi ba? Ikakasa ito sa Nobyembre 2019.
Captain Marvel (Marvel Studio)
Huwag maglilito — ang Marvel Studios at DC Comics ay parehong may Captain Marvel na superhero. Sa Marvel Studios, Si Captain Marvel ay dating kilala bilang Ms. Marvel (opo, siya po ay babae). Kilala bilang Carol Danvers kapag siya ay ordinaryong tao at naging miyembro siya ng iba’t ibang superhero team, kabilang na ang Avengers. Sa pagdating ng ikalawang bahagi ng Avengers: Infinity War, may posibilidad na makakatuwang nila si Capt. Marvel laban sa grupo nila Thanos. Maganap man ito o hindi, abangan nalang natin sapagkat ito ay nanatiling sorpresa hanggang sa ngayon. Inaasahang ipapalabas ang Captain Marvel sa Marso 2019.
Bonus trivia: Gaganap na Capt. Marvel si Brie Larson. Kung hindi kayo pamilyar sa kanya, siya ang bidang female photographer sa Kong: Skull Island (2017) na pinrotektahan ni King Kong.
Alaming maigi ang koneksyon ng pelikulang Big ni Tom Hanks at Tangled ng Disney sa kinasasabikang pelikula ni Zachary Levi at DC Comics na Shazam na lalabas sa Abril 2019.
Shazam! (DC Comics)
Ano ang koneksyon ng pelikulang Big ni Tom Hanks noong 1988 at ng Tangled ng Disney noong 2010 sa pelikulang Shazam!? Sirit? Kung nag-enjoy kayo sa pelikula ni Tom Hanks, siguradong mag-eenjoy kayo sa handog ng DC Comics version ni Captain Marvel. Isa siyang batang superhero sa katawan ng isang mala-Superman na lalaki—bilang Captain Marvel. Hawak niya ang power ng 6 na mythical beings, ang wisdom ni Solomon, lakas ni Hercules, stamina ni Atlas, power ni Zeus, tapang ni Achilles at bilis ni Mercury. Marami ang nagulat at nasiyahan sa paunang teaser trailer nito kaya naman sa nakakarami, numero uno ito sa kanilang wishlist na mapanood sa darating na Abril 2019. Bakit hindi ninyo tignan?
Bonus trivia ba kamo? Ano ang koneksyon ng pelikulang Tangled sa Shazam!? Si Zachary Levi na gumaganap bilang si Captain Marvel a.k.a. Shazam ay ang nag-boses sa karakter na Eugene sa pelikulang Tangled. At kaya kung nag-enjoy kayo sa kanyang karakter bilang Eugene, siguradong magugustuhan ninyo siya bilang Shazam!