MGA mangingisda sa Capiz sa pagbubukang-liwayway.
Ni: Kristine Joy Labadan
BINANSAGANG Seafood Capital of the Philippines ang Capiz dahil sa 80-kilometro nitong baybayin at malawak na mga lati na madaling gawing lawang palaisdaan. Kasalukuyan itong may hawak ng titulo ng isa sa pinakamasaganang palaisdaan at pangunahing tagapagbahagi sa industriya ng agwamarina ng Pilipinas.
MGA PINOY SA AGRI-NEGOSYO
Natural na marami ang naghahanap ng maayos na trabahong may magandang kita. Ang iba’y nakikipag-sapalaran pa sa ibang bansa upang makuha ito. Sa konteksto ng ating maliliit na magsasaka at mangingisda, marami sa kanila ang nagsusumikap magbanat ng buto at bilang resulta’y hindi pa rin nakakaranas ng de-kalidad na buhay na karapat-dapat silang magkaroon. Isa dapat sa tunay na pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno at ng mga negosyante ay ang pagbabago sa senaryong ito at ang paghikayat sa ating mga magsasaka sa kasalukuyan na magkaroon ng sapat na kaalaman at interes sa pagni-negosyo.
Ang agri-negosyo ay tampok na ngayon para sa mga nagpasimula at naging esksperto sa larangan na ito’t marami na’ng nagtagumpay dahil sa kanilang dedikasyon rito. Ngayon, marami sa ating mga kababayan ang pinapakinabangan ang bunga ng kanilang pagsisikap at inaani ang kanilang tagumpay mula sa pagaagri-negosyo.
Ilan sa mga katangi-tanging Pinoy na matagumpay sa larangan ng pagaagri-negosyo ay sina Joel Magsaysay (Ilog ni Maria), Edith Dacuycuy (Refmad Farms), Senen Bacani (La Fuerta, Inc.), Arsenio Barcelona (Harbest Agribusiness Corp.), Jose Mercado (Merlo Agricultural Corporation), Joseph Calata (Calata Corporation), Jeffrey Lim (JSJ Goat Farms), Charita Puentespina (Puentespina Orchids and Tropical Plants Inc.), Desiree Duran (Duran Farm and Agribusiness Center), Paris Uy (Live Green International, Inc.), Philip Cruz (Herbanext) at Martin & Pilamar Ozaeta (Gemsun Marketing).
MALAKAS ang benta ng mga produktong gawa sa kabibe, ayon sa mga taga-Capiz.
PANGKABUHAYAN NG MGA TAGA-CAPIZ
Kaugnay nito ay ang kaangkupan ng lugar para sa agrikultura at agwakultura kung kaya naman isa rin ito sa pangunahing pinagmumulan ng trabaho ng mga taga Capiz. Maski ang paggawa ng damit, mga kasangkapan, pag-proseso ng pagkain at gamit ay pinagkakakitaan ng mga tao sa bawat barangay doon.
Sa kabilang banda, kilala rin bilang maraming pinaggagamitan at eleganteng pang-disenyo ng tahanan mapa-loob o labas man ang kabibe ng Capiz. Ito’y isang pinakaimportanteng parte ng kultura ng mga taga-roon at sa katunayan, ito’y hindi lang kilala sa lugar kundi maging sa buong Pilipinas at sa buong mundo. Maaari rin itong maging pang-regalo at naitatambal sa mga lampara, bintana, kurtina, kwintas at plorera. Ang mga ito’y isa lamang sa maraming kamangha-manghang yaman ng Capiz.
HATID NA TULONG
Walang pag-iimbot at mahuhusay — ganito kung paano nais ilarawan ni Suzette Vivar, isang manunulat, ang mga Filipino sa mga ibang nasyonalidad.
Ayon sa isa niyang panayam, naobserbahan niya raw na madalas makatanggap ng kritisismo ang mga Filipino nitong nakaraan at naisip niyang kahit papaano’y bigyan ang mundo ng ibang perspektibo tungkol sa mga kababayan.
Kaugnay ng pagnanais na ito ay inilathala ni Vivar ang kanyang librong pinamagatang Close to Perfection sa Makati City.
Nakapaloob sa librong ito kung paano ilahad ni Vivar ang mga kwento ng mga Filipinong doktor, inhinyero, negosyante, abugado, at mga gurong nagbibigay inspirasyon na mangarap at magsikap sa mga gustong abutin sa buhay.
Ayon pa sa manunulat, bagamat lahat ng kwento ng kanyang mga paksa ay nakapanghihikayat, binanggit ni Vivar na natatangi para sa kanya ang kwento ni Ambassador Jose Antonio.
“While writing the story of the ambassador, I could sense that he looks at everything in a different way, he always finds something positive even when most people are thinking negatively, like during the EDSA revolution when everyone was panicking, he puts up his business, he is a game changer,” ani Vivar.
Si Antonio ang espesyal na delegado sa Estados Unidos at Pangulo ng Century Properties Group. Pinangunahan niya rin ang pagtatayo ng Trump Tower at Century City, Acqua Iguazu, Acqua Livingstone, Milano Residences, Century Spire, Forbes Media Tower at Paris Beach Club sa Azure Urban Resort Residences. Siya rin ang tagalikha ng Revolution, isang serye ng pabrikadong istrakturang gawa ng ibang taga-disenyo tulad ng Daniel Libeskind, Sou Fujimoto, at Lenny Kravitz na naka-base sa Manila.
PAGKUHA ng mga magsasaka ng Agcococ, Tapaz, Capiz ng kalutak, isang klase ng bigas.
GAWAD KALINGA NG CAPIZ
Isa pa sa kwentong interesante para kay Vivar ay ang kay Tony Morente, tagapamahala ng Gawad Kalinga (GK) Capiz.
Ayon sa pahayag ni Vivar, nabanggit raw ni Tony ang tungkol sa kanyang pinamamahalaan na layong magturo sa mga magsasaka at mangingisda na maging mga negosyante. Nagulat raw noon si Vivar sa pagtataka kung paano ‘yon magiging posible kung buong buhay ng mga taga-Capiz sila’y nagsasaka at nangingisda. Ipinakita ni Tony ang kanyang paraan at sa huli’y napahanga na lamang si Vivar.
Bilang namumuno ng Gawad Kalinga ng kanilang lugar, sinisiguro ni Morente na ang mga tumatanggap ng pagtuturo sa bawat tahanan ay magagawang makapag-hanapbuhay sa pamamagitan ng negosyo na ipinagkakaloob sa kanila upang makapaglaan sila pabalik sa pundasyon at makatulong pa sa ibang miyembro nito.
“So, I offered to collaborate with GK through the launching of my coffee table book to inspire people and help the farmers and fisherfolk,” kwento ni Vivar.
Pinagdiinan ni Vivar na ang buhay ng mga Filipino ay hindi magiging perpekto sapagkat darating at darating ang mga hamon sa anumang pagkakataon. Nabanggit niya na ang pamagat ng kanyang aklat ay nagpapahayag ng paglalakbay ng isang Pinoy sa pag-abot ng kanyang mga pangarap at pagbibigay inspirasyon sa iba sa kabila ng mahirap na proseso.
“There will always be problems here and there so the most that you can do is go close to your dream, perfecting your dream, once you’ve perfected your dream you just can’t stop, you still go on so you can help others,” dagdag pa niya.
Kung susuriin, hindi lamang mismo ang bayang Capiz at ang mayamang kalikasan nito ang dapat hangaan bagkus ay maging ang mga mamamayan nito na siyang pinakamahalagang susi ng pagpapayaman ng lugar.