Ni: Wally Peralta
NITONG nakaraang Disyembre 12, 2017 ay opisyal nang naging Mrs. Sibayan ang comedy queen na si Ai Ai delas Alas. Isang simple pero napaka eleganteng kasalan ang naganap. Piling-pili ang naimbitahan para makasaksi sa pag-iisang dibdib nina AiAi at mister na si Gerald Sibayan.
Sa mga invited guest para makiisa sa mag-asawa ay si Rep. Vilma Santos-Recto ng Batangas. Isa kasi si Ate Vi sa mga matatalik na kaibigan ni Ai Ai sa showbiz world kung kaya sa hindi pagsipot ng Star for Season sa mahalagang araw ng kanyang buhay ay tsikang nagtampo diumano si AiAi kay Ate. Vi
“Hindi naman!,” ang paunang pahayag ni Ate Vi.
“Tinawagan ko si Ai Ai, nagkausap naman. Actually, naka-ready na ako that time, may gown na ako na gawa ni Rene Salud, at naka-schedule na rin ako magmake-up sa aking make-up artist.”
“It’s just that day when I went home, talagang namaga ang tuhod ko. Sinabihan ako ng doctor ko na if I want to finish all my commitments for the week, I have to rest my knees for one night.”
“Finorward ko pa nga sa kanya ang advice ng doctor ko sa akin, at salamat naman naunawaan ako ni Ai Ai.”
Dinner dates with hubby….
Gayunpaman kahit pa naging okay na sila ni Ai Ai ay hindi naman papayag si Ate Vi na ganun-ganun lang iyon, siyempre may special treat siyang sinabi kay AiAi.
“Napag-usapan namin ni AiAi na magpa-private dinner na lang kaming apat, ako, si AiAi, ang mister niyang si Gerald Sibayan at mister ko, si Sen. Ralph Recto.”
Tao rin na nasasaktan…
Habang pinapahinga ni Ate Vi ang kanyang tuhod ay naging mabilis naman ang pagkalat ng tsika na diumano na inisnab niya ang kasalan ng kanyang kaibigan, at hindi naman lingid sa kaalaman ng Star for All Season.
“May nagsasabi nga na bakit ganun, bakit natapat? But what can I do, tao rin naman ako but then, I don’t care na rin kung anong sasabihin nila, kaibigan ko si Ai Ai, ang importante kami ng aking kaibigan ay nagkaintindihan.”
“Tao rin ako, minsan may nararamdaman din akong di maganda, nalulungkot din ako, nasasaktan at napapagod din ako.”
“Hindi ko naman kaya lahat yung mga activities na dumarating sa akin, bukod pa sa madalas ako bumibiyahe from Lipa to Batasan and vice versa. At pag hindi ko na kaya, pagbibigyan ko naman ang sarili ko.”
“Kasi naman pag nagkasakit ako, ako lang mag-isa.”
“I have to take care of myself, pag hindi na kaya ng katawan ko, magtampo na ang iba, what can I do.”
Dinedma ang payo ng doctor….
Saan ba naman kaya nagsimula ang sakit sa tuhod ni Ate Vi? At dumating pa sa time na nasaktan na siya ng todo sa kirot na hatid nito?
“Ito pa yung aksidente ko sa show ko dati na “Vilma”.”
“Dapat ooperahan ako sa nasirang parte ng tuhod ko. Pero hindi natuloy kasi nga huminto na ako sa show at buntis ako noon kay Ryan Christian. At papunta pa ako sa abroad para doon magbuntis, kasi maselan nga akong magdalang-tao.”
“Pero sinabi sa akin noon ng doctor ko na pag hindi na-operahan yung naaksidente sa tuhod ko, babalik at babalik daw ito. Dahilan na rin sa pagkahilig ko sa Zumba, ayun, medyo bumabalik na ata.”
Hanap muna ng time….
Isa sa maagang Christmas wish ni Ate Vi ngayon Holiday Season ay makapag-tour around the world kasama ang kanyang pamilya. Kailan kaya ito matutuloy?
“Hindi naman agad-agad, ha ha ha, pag sinabi naman na magbabakasyon around the world.”
“Ang sa amin lang ng pamilya ko, pag may time at may break, then, let’s go. Para may pahinga naman ako, lalo na ngayon 34 years old na ako, ha ha ha ha. Ganyan na ako magbirthday ngayon, last year 35 ako, kaya 34 years old ako ngayon. Ganyan talaga pag umabot ka na sa senior citizenship, paatras na magbilang ng edad, ha ha ha ha!” masayang tugon ni Ate Vi.
YES to Martial Law One Year Extension….
Isa si Ate Vi sa mga kongresistang nakiisa sa pinatawag ng Pangulong Rodrigo Duterte na joint session ng Kamara at Senado para sa kahilingan na mag-extend muli ng isang taon, starting Jan. 1 to Dec 31, 2018 ang Martial Law sa Mindanao. Ano naman kaya ang naging boto ni Ate Vi?
“I go for YES!”
“Kasi I’am a reservist, Lieutenant Coronel Reservist ako ng Air Force of the Philippines, simula pa lang noon Mayor ako ng Lipa City hanggang sa maging Governor ako ng Batangas. Malaki talaga ang passion ko sa mga Men in Uniform,” ang pagtatapos pa ng Star for All Season Vilma Santos.