Ni: DV Blanco
NOONG nakaraang Setyembre 21, 2018 muling ginunita ng sambayanan ang isa sa pinakamadilim na kabanata ng kasaysayan ng buong bansa — ang pagdeklara ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ng batas militar. Nilagdaan ang Proclamation 1081 noong Setyembre 21, 1972 ngunit nagimbal ang sambayanan nang inihayag ito sa isang mensahe sa telebisyon noong Setyembre 23, dalawang araw matapos itong lapatan ng selyado ng Pangulo.
Ang araw na iyon ay panimula sa mahabang yugto ng pagsasailalim ng lahat ng mamamayan at buong bansa mula Apari hanggang Jolo sa batas militar — sa rehimeng diumano’y gumagamit ng dahas, pananakot, pamumuwersa, karahasan at panlilinlang.
Nilalayon ng artikulong ito na tangkaing sagutin ang mga sumusunod na katanungan:
* Bakit nga ba i-dineklara ng dating pangulong Marcos ang batas miltar?
* Ano ang mga mas malalim na dahilan kung bakit ito ipinatupad?
* Ano ang mga kaparaanan at “ideolohiyang” ginamit para ito ay maisakatuparan?
* Ano ang mga aral at mensaheng iniwan ng batas militar sa ating demokratikong lipunan na dapat nating matutunan at mapahalagahan upang ito ay hind muli pang maulit at maiwasan ang historical revisionism.
May dalawang diskurso o naratibo na magpapaliwanag kung bakit-dineklara ng dating pangulong Marcos ang batas military —ang perspektibo ni Marcos at ang perspektibo ng kanyang mga kritiko. Unahin natin ang naratibo ni Marcos. Para sa kanya, ang batas militar ay nararapat na i-deklara para iligtas ang bansa sa lumala at lumalakas na banta ng insureksyon at rebelyong nagmumula sa mga rebeldeng pinamumunuan ng maka-kaliwang Communist Party of the Philippines, National Democratic Front at New People’s army (CPP-NDF-NPA) sa pamumuno ni Jose Maria Sison, Bernabe Buscayno at Satur Ocampo ganun na rin ang umiigting na rebelyon sa Mindanao sa pamumuno ng Moro National Liberation Front (MNLF) ni Nur Misuari at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa ilalim naman ni Hashim Salamat. Dinagdagan pa ito ng mga matinding kalamidad na dulot ng malakas na bagyo, pagbaha, at pagkasira ng mga pananim na dulot ng kalikasan.
Sinamahan pa ang mga nabanggit ng magkakambal na trahedya ng Plaza Miranda bombing at ang diumano’y pag-ambush sa sinasakyang kotse ng noo’y ministro ng Tanggulang Pambansa na si Juan Ponce Enrile. Ang Plaza Miranda Bombing ay naganap noong Agosto 21, 1971 sa lugar ng tinuturing na Hyde Park ng Pilipinas na nasa harapan ng simbahan ng Quiapo sa Maynila. Inihagis doon ang isang granada habang nagdaraos ang Liberal Party ng miting de avance para sa kanilang mga kandidato sa pagka senador. Maraming namatay na mamamayan noon, kabilang ang ilang batikang photo journalist at tumamo ng malubha at matinding sugat sina Senador Jovito Salonga, John Osmena, Eva Estrada Kalaw, Gerardo Roxas, Ramon Mitra, at ilan pang lokal na opisyal ng Maynila. Hanggang pumanaw ang mga nabanggit, nakabaon sa iba’t-ibang parte ng kanilang katawan ang shrapnel mula sa sumabog na bomba. Ang namayapang Senador Salonga ang isa sa pinaka malubhang nasugatan at pinaniniwalaang milagro na siya ay nabuhay.
Ang claim naman ni Enrile na siya ay na-ambush noong gabi ng Setyembre 22, 1972 isang araw bago iproklama ni Marcos ang batas militar sa publiko, na kung saan si Enrile at ang kanyang drayber ay nasugatan ay usap-usapan na naman ngayon. Bagama’t ang pagbomba sa Plaza Miranda ay isinisisi at ibinintang kay Marcos, ito naman ay pinabulaanan mismo ni Senador Jovito Salonga at sa halip ay inakusahan niya batay sa kanyang maasahang impormante na si Jose Maria Sison ang siyang talagang puno’t dulo nito sa isang panayam ng Worldwide for People Power Foundation.
Ang tangkang umano’y pag-ambush naman kay Enrile ay nababalutan pa rin ng kabuktutan o katotohanan. Matatandaang inamin una ni Enrile noong kasagsagan ng EDSA People Power One Revolution na ang istorya ng pag-ambush sa kanya ay pawang palabas o gawa-gawa lamang nila ni Marcos para magkaroon ng malakas na batayan ang pagdeklara ng batas militar, subalit ito ay kanyang binawi sa kanyang talambuhay na inilunsad ilang taon lamang ang nakaraan. Samantala, kamakailan lamang itinanggi ng malapit na magsentenaryong si Enrile na ito ay kanyang nabanggit o nasabi man lang. (Ipagpapatuloy)