Tahimik at matagumpay ang unang byahe ng Coradia iLint.
Ni: Eugene B. Flores
PATULOY na lumalala ang sitwasyon ng mundo tungkol sa usapin ng polusyon. Isa sa pangunahing nagdudulot nito ay ang diesel engines.
Ginagamit ang diesel sa maraming bahagi ng mundo lalo na sa Third World dahil ito ang maituturing na isa sa pinaka-epektibong enerhiya sa pagpapatakbo ng mga makinarya, sasakyan at elektrisidad sa buong mundo. Isa rin sa dahilan kaya palasak ang gamit nito ay dahil mas mababa ang halaga nito sa gasolina.
Ngunit kaakibat ng malaking ginagampanan ng diesel sa pagpapatakbo ng industriya ay ang matinding epekto nito sa kapaligiran at kalusugan.
May mga pananaliksik na nagtuturo sa diesel na isa sa mga sanhi ng kanser, respiratory problems at cardiovascular diseases sa mga manggagawa o mga taong exposed sa diesel fumes. Apektado rin nito ang tubig, hangin at lupa.
Subalit hindi pa kayang iwaksi ang paggamit ng diesel. marami pang taong mamamalagi ang diesel sa maraming bansa. Kakailanganin pa rin ng ilang sektor ang diesel sa susunod na mga taon kung kaya’t lalong manganganib ang ating kapaligiran.
LABAN KONTRA POLUSYON
May nakikitang solusyon ang mga Aleman sa hamong ito. Kamakailan lamang bumiyahe sa unang pagkakataon mula sa istasyon ng Bremevorde sa Lower Saxony ang dalawang Coradia iLint o hydrogen trains na papalit sa mga diesel train dito.
Ang kulay asul na hydrogen train ang bagong tatakbo sa ruta na nagdudugtong sa bayan ng Cuxhaven at Buxtehude na may layong 62 milya o 100 kilometro. Karaniwang binabagtas ito. ng mga diesel train. Tuluyang ilulunsad ang bagong teknolohiya sa 2021 kung saan 14 pa na hydrogen train ang tatakbo mula sa istasyong ito.
Mahalagang hakbang ito ng gobyerno ng Germany upang labanan ang lumalalang polusyon sa hangin.
Marahil, may mas malalim na dahilan kung bakit asul ang napiling kulay para sa hydrogen train. Malamang may reference ito sa “blue flame,” ang pinakamalinis at pinakaepektibong apoy hindi lamang para sa pagluluto kundi sa manufacturing process din.
Ang kompanyang TGV-maker Alstom ang siyang gumawa ng tren na pinatatakbo ng hydrogen
“The world’s first hydrogen train is entering into commercial service and is ready for serial production,” wika ni Henri Poupart-Lafarge, CEO ng Alstom.
Nakatakda namang magbayad ng 81.3 milyon euro o $95 milyon ang estado ng Lower Saxony para sa proyektong ito.
Ito’y bahagi ng advocacy ng bansa na higit na gamitin ang mga renewable fuel at bawasan ng malaking porsyento ang polusyon sa taong 2050.
Tinawag nilang “Energiewende” ang policy na ito. Ang Energiwende ay naglalayong gumamit ng green power sources mula sa dating nuclear at coal power.
Maaliwalas ang loob ng hydrogen train.
HYDROGEN TRAIN
Paano at ano ang nagpapatakbo sa hydrogen train? Mayroong fuel cells sa bubong ng tren at may tangke ng hydrogren sa loob. Pinaghahalo ang hydrogen at oxygen upang magkaroon ng elektrisidad para patakbuhin ang tren.
Dahil sa ganitong pamamaraan, tanging tubig at singaw (steam) lamang ang ilalabas ng tren sa atmosphere kumpara sa mga tren na pinagagana ng diesel na bumubuga ng usok na kung minsan ay itim na.
Ayon sa kompanya ang isang tangke ng hydrogen ay kayang magamit para makatakbo ang tren ng 1,000 kilometro katulad din ng kayang takbuhin ng diesel train.
Nasa 87 milya kada oras o 140 kilometro kada oras ang pinakamabilis na takbo ng hydrogen train at lubhang mas tahimik kumpara sa dating diesel train.
Naiipon naman sa ion lithium batteries ang mga enerhiyang hindi nagagamit ng hydrogen train sa normal na pagbiyahe nito.
Plano ng gobyerno ng Germany na mapatakbo na ang lahat ng hydrogen train sa 2022.
PRESYO AT SERBISYO
Sa mga nabanggit na katangian ng bagong teknolohiya mas mahal ang halaga nito ngunit tiniyak naman ng Alstom na madali itong patakbuhin.
“Sure, buying a hydrogen train is somewhat more expensive than a diesel train, but it is cheaper to run,” wika ni Alstom project manager Stefan Schrank.
“In line with our aim to facilitate a global transition to a low-carbon transport system, Alstom has pioneered several sustainable mobility solutions. The Coradia iLint is a perfect illustration for our commitment to designing and delivering innovative and environmentally-friendly solutions,” pahayag ng Alstom sa kanilang website.
INTERES MULA SA IBANG BANSA
Nagpakita ng interes ang mga karatig bansa sa pagbili ng hydrogen train. Kabilang sa mga bansang ito ay ang Denmark, Canada, United Kingdom, Norway at Italy.
Sa kabilang banda naman, kumuha rin ng eco-friendly buses sa ibang bansa ang Germany upang paigtingin ang laban nito sa pagpapababa ng polusyon sa bansa.
ADVANTAGE AT DISADVANTAGE
Bagama’t isang magandang hakbang ang proyektong ito, mayroon pa ring advantage at disadvantage ang paggamit ng hydrogen bilang fuel sa pagpapatakbo ng tren.
Sagana at renewable ang hydrogen kung kaya’t hindi ito mahirap makuha gayon din ang napakalakas nitong enerhiya.
Isang malaking kalamangan nito, hindi ito nakadadagdag sa polusyon na nagdudulot ng climate change ngunit kinakailangan pa rin ang fossil fuels. Ang fossil fuel ay isang non-renewable energy surce na taliwas din sa kanilang nais na green power sources.
At kapalit naman ng mataas na presyo ng hydrogen train — ito ay low maintenance at mas matagal ang itatakbo kaysa sa diesel train.
Patuloy na lumalawak ang mga teknolohiya sa iba’t-ibang panig ng mundo at inaasahan na ang mga ito ay magresulta ng higit na pagpapabuti ng kapaligiran, komunidad at higit sa lahat maisusulong ang mas kaigaigayang kalidad ng pamumuhay sa lahat ng aspeto.
Isang malaking hamon sa kasalukuyan ang global warming at climate change, ang paglikha ng mga gamit at sasakyang pinatatakbo ng renewable energy sources ay isang malaking tulong at hakbang upang mabigyang lunas ang lumalalang sakit ng kapaligiran.