YNA MORTEL
PATULOY ang pamamayagpag ng Milwaukee Bucks kahit pasok na ito sa NBA playoffs matapos tuluyang pabagsakin ang Charlotte Hornets, sa iskor na 93-85.
Bumida sa panalo ng Bucks ang NBA MVP na si Giannis Antetokounmpo na nagtala ng 41 points, 20 rebounds at anim na assists.
Sa iba pang laro, muling minalas ang NBA defending champion na Toronto Raptors nang padapain sila ng Denver Nuggets, sa iskor na 133-118. Nanguna sa Nuggets si Nikola Jokic na may 23 points, 18 rebounds at 11 assists para sa kanyang ika-12 triple-double performance.
Ito na ang ika-41 panalo ng Denver habang napako naman ang Raptors sa 42-18 record.