Hannah Jane Sancho
NANINDIGAN si Pang. Rodrigo Duterte na hinding-hindi ito tatalima sa pagpapaimbestiga ng bansang Iceland sa umanoy nagaganap na mga extra judicial killings o EJK sa bansa.
Sa ekslusibong panayam sa “Give Us This Day” program sa Davao City ni Doctor Fellow Rev. Pastor Apollo C. Quiboloy, galit na sinabi ng pangulo na walang karapatan ang Iceland na paimbestigahan ang “war on drugs” ng pamahalaan.
Punto pa ng pangulo, gumagana at walang problema ang justice system ng bansa kaya wala itong nakikitang bigat para humarap sa anomang foreign panel investigation.
Matatandaan na ang Iceland ang nag-sumite ng resolusyon sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) na nagpapaimbestiga sa war on drugs ng pamahalaan.
Samantala, inilahad ng pangulo ang mga aasahan ng publiko sa susunod na natitirang kalahating taong panunungkulan nito sa bansa.
Aniya tuluyang ibabalik nito ang karapatan ng mamamayang Pilipino na magkaroon ng kalye at parke na ligtas mula sa anumang krimen.
Tiniyak din ng presidente na mababawasan pa ang kaso ng iligal na droga na siyang nagdudulot ng krimen.
“I would return the right to use the streets and alleys I have made my mark very clear there are less drugs in the streets both side east and western,” saad ng pangulo.
Target din ng pangulo na mas mapababa pa ang pandarambong at korupsyon na umiiral sa gobyerno.
“I cannot cope up with the corruption in the government sometimes I feel helpless and hopeless even in the cabinet,” ayon pa sa pangulo.
Maliban dito, mayroon pang 4,000 appointments na kailangang pirmahan ng chief executive para mapunan ang mga bakanteng pwesto sa pamahalaan.
“Meron pang mga bakante. Maybe because of my training as a lawyer that before I sign, I have to read and it takes time just reading a voluminous paper,” ayon kay Duterte.
Plano rin ni Pangulong Duterte na permanenteng buksan ang Sulu bilang barter trade kasabay ng pagsiguro na walang tahasang pagpupuslit.