Pinas News
NITONG nakaraang linggo lamang ay naranasan sa iba’t ibang parte ng Luzon tulad ng Bulacan, Bataan, Pampanga, Laguna, Cavite , Batangas kasama na ang Metro Manila, ang mga pagbaha dulot ng magkasunod na bagyong “Maria” at “Henry”.
Bagama’t ang mga nasabing bagyo ay hindi tuluyang tumama sa lupa o nag landfall, naranasan pa rin ng ating mga kababayan ang malakas na pagbuhos ng ulan na tumagal ng mahabang oras kasabay pa nito ang high tide na lalo pang dumagdag sa matinding pagbaha sa ka-Maynilaan at iba pang karatig pook.
Maraming paaralan ang nagdeklara na walang pasok ganun na rin ang ilang opisina at ahensya ng pamahalaan at ilang pribadong kompanya. Ilan sa ating mga kababayan ay kinailangang ilikas at ilipat sa evacuation centers para masagip ang kanilang buhay sa banta ng lumalaking tubig sanhi ng walang tigil na pag-ulan at pag-apaw ng ilog sa ilang bayan at lalawigan.
Ang mga pangyayaring ito ay hindi na bago sa karanasan ng mga Pilipino. Ito ay maliit na pagsubok lamang kung ito ay ating ihahaham-bing sa sakunang idinulot ng bagyong “Yolanda,” “Ondoy” at “Pablo” kung saan mara-ming buhay ang nawala, mga ari-arian ang nawasak at mga pananim na nasira.
Ngunit ang mahalagang tanong ay: Maiiwasan ba natin ang pagdating ng mga bagyo sa ating bansa? Marahil ay hindi dahil ang mga bagyo ay isang bagay na hindi natin kayang kontrolin dahil ito’y kalikasan na nakabatay sa pisikal, topograpikal at heograpikal na mga kadahilanan. Bagama’t puwedeng ma-forecast, matiyagan at sundan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical, Services Administration (PAGASA) kung gaano ito kabilis, kalakas at kalaki, wala silang kakayahan na pigilin o palihisin ang bagyo sa kadahilanang ang Pilipinas ay isang arkipelago o isang kapuluan na na napaligiran ng West Philippine Sea at Pacific Ocean kung saan ang bagyo ay namumuo at kumikilos.
Ayon kay Greg Bankoff (2003) sa kanyang librong “Cultures of Disaster: Society and Natural Hazard in the Philippines”, bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang mga kalamidad tulad ng bagyo, lindol at pagputok ng bulkan.
Subalit ang mas mahala-gang tanong ay kaya ba nating paghandaan ang pagdating ng mga bagyo? Ang malinaw na sagot ay oo. Dahil ang paghahanda ay isang bagay na nasa ating pagiisip, pakiramdam at pagkilos na tayo ay may kontrol at pagpapasya. Dito pumapasok ang pagbabago tungo sa isang pamumuhay na matatag o ang sinasabing culture of resilience.
Naputanayan na nating mga Pilipino na kaya nating bumangon sa ano mang uri ng pagsubok o kalamidad na dumaan sa ating buhay at bahagi ng kakayahang ito ang pagiging handa (disaster preparedness). Kaya’t hindi nating kailanganang baliwalain ang mga disaster drills, workshops at trainings ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ganun na rin ng mga paaralan at kompanya upang masigurong tayo’y la-ging handa at ligtas sa banta ng sakuna.
Lagi nating tandaan ang mga paghahanda at pagsasanay na ito ang magiging susi sa ating kaligtasan, kasiguruhan at katatagan.