PARA sa mood na hindi maganda, puntahan na ang Van Gogh is Bipolar sa Maginhawa.
Ni: Crysalie Ann Montalbo
KABI-KABILA ang pagod, stress, pagpupuyat mula sa santambak na gawain sa paaralan at maging sa trabaho. Kaya nararapat lamang na paglalaanan ng sariling oras hindi lang ang pamilya, mga kaibigan, kasintahan kundi higit sa lahat, ang iyong sarili.
Kung gusto mong takasan ang mga suliraning hindi mo na halos mabilang ay bumangon at ihanda ang sarili sa lugar na magbibigay ng ginhawa sa nakakapagod mong araw.
Iapak ang iyong mga paa kapag ikaw ay nakababa na sa PHILCOA sa Quezon City at pumunta sa Maginhawa Street. Tinitiyak kong hindi ka magsisisi.
Mahihirapan ka hindi dahil sa maraming pagpipilian, kundi sa hindi ka makapili kung saan sa Maginhawa unang pupunta dahil ang lahat ay talagang gugustuhin mong puntahan. Kaya ang pinakamagandang gawin bago ka tumungo doon ay ihanda ang iyong sarili at siyempre ang bulsa.
Nakakaakit ang destinasyon na ito, talagang magtatatalon ang iyong puso. Mula sa mga kainan na gumagamit ng tema na kinuha mula sa mga pelikula at seryeng iyong sinuportahan sa mga panahong nakatengga ka sa bahay, tulad na lamang ng Nook’s Cafe, na kung saan ang inspirasyon ay mula sa pelikula-serye na Harry Potter. Pati rin ang Westeroast Cafe na hinango sa popular na teleserye sa HBO, ang Game of Thrones.
MAKIBAHAGI na sa mundo ng Hogwarts dito sa Harry Potter themed na Nook’s Cafe.
DITO sa Westeroast Cafe ay pwede niyong pag-usapan ang inyong iniidolo sa TV-Series na Game of Thrones.
Kung gusto mo namang maglaro habang kumakain ay dapat mo nang ayain ang iyong mga kaibigan, pwedeng sa Laruan Atbp Cafe o kaya’y sa Snacks and Ladders. Dito ay marami kayong pagpipilian pagdating sa board games.
Hilig mo ba ay art at pagkuha ng mga larawan? Ihanda mo na rin ang iyong sarili sa mga cafe na talagang magtutulak sa’yo na puntahan ito. Tulad na lang ng Artsy Cafe, Artesania Mnl, Pittore Cafe at ang Caffegraphy na makakatulong sa’yo upang mas maipalago mo pa ang iyong galing sa pagguhit o pagpinta, pati sa anggulo ng pagkuha ng mga litrato.
Nais mo bang maging malaya? Pumunta na sa Van Gogh is Bipolar na matatagpuan rin sa Maginhawa Street. Dito ay makatitiyak na malaya ka. Ito ay isang resto na nagbibigay ng espasyo para sa mga taong nakararanas ng hindi magandang araw at pati sa mga taong may problema sa kalusugan ng isip. Ito ay talagang para sa lahat.
Iilan lamang iyan sa mga halimbawa ng pwedeng mapuntahan sa Maginhawa. Pero marami ka pa ring makikitang atraksyon o ‘di kaya’y mga kainan na talagang pupukaw ng iyong atensyon.
Sa lugar na puno ng ingay at gulo, may lugar na magbibigay sa’yo ng ginhawa. Ginhawang makapagdudulot sa’yo ng saya at bubusugin ka sa magandang karanasan at alaala. Huwag nang mag-atubili pa, tara na sa Maginhawa.