LOUIE MONTEMAR
MARAMING pagbabagong nailatag na o patuloy na itinutulak sa ating mga pamantasan upang itaas pa ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Sa kaso ng mga state colleges and universities o SCUs, tila mas matindi ngayon ang ekspektasyon na umayos sila dahil sa “libreng edukasyon” (walang tuition fees) na nakukuha ng kanilang mga mag-aaral. Sayang nga naman na ililibre ang edukasyon, subalit hindi naman maayos ang kalidad nito at mahina ang pagkatuto ng mga kabataan.
Sa pagsasaayos ng mga pamantasan, karaniwang lumalabas ang usapin ng manwalisasyon—ang pagtatakda ng mga nakasulat na hakbangin sa pagpapatakbo ng institusyon. Sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) kung saan nagtuturo ang inyong lingkod, may mungkahing dress code ngayon para sa mga mag-aaral. Mungkahing maging bahagi ito ng isa sa mga administrative manuals ng pamantasan.
May pagkwestiyon ang ilang mag-aaral sa nasabing mungkahing patakaran.
Sa ganang akin, bakit nga ba kami gumagawa ng ganyang alituntunin? Tila gumawa lamang tayo ng isyung hindi naman dapat usapin. May kung anu-ano pa tuloy naibabato sa administrasyon ng pamantasan.
May mas mahahalagang usaping dapat harapin ang PUP. Dapat bigyang-pansin na walang pag-aaral na malinaw na nag-uugnay sa pagkakaroon ng dress code ng isang institusyon sa pagtaas ng kalidad ng edukasyon o pagkatuto ng mga mag-aaral nito—sa pagkakaalam ko, walang dress code para sa mga mag-aaral sa UP at Harvard.
Sa mismong kaso ng PUP, may mga mag-aaral kaming talagang ‘di makapagdamit ng maayos dahil sa kasalatan. Wala ngang pamasahe man lang ang iba, kailangan pa ba nila ngayong alalahanin kung ano ang kanilang susuutin?
Wala sa kaayusan ng suot ng tao ang kanyang pagkatao. Paano ngayon ang ilang mga katutubong Filipino—baka babagsak sila sa karaniwang sukatan ng “disenteng kasuotan” dahil hindi lang sila naka-shorts, nakabuyangyang pa ang mga dibdib? Sa init nga ng panahon sa ngayon, hindi ba parang mas tamang magsando na lang at shorts tayo?
Naniniwala akong kung mauuna ang mga faculty sa ating mga pamantasan na magdamit at kumilos nang maayos sa klase, gagaya ang karamihan sa mga mag-aaral kahit walang dress code. Monkey see, monkey do. Let’s be better monkeys before we impose on our chimps.