BANGKO Sentral ng Pilipinas, Insurance Commission at Securities and Exchange Commission kabilang sa mga financial regulators sa bansa.
Ni: Jonnalyn Cortez
INAPRUBAHAN ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries kamakailan ang House Bill 8301 o Financial Consumer Protection Act na naglalayong alagaan ang kapakanan ng mga financial consumers sa gitna ng mga dumaraming serbisyo at produkto na inaalok sa bansa.
Bibigyan nito ng karapatan ang mga financial regulators tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Insurance Commission (IC) at Securities and Exchange Commission (SEC) upang siguraduhing protektado ang bawat karapatan ng financial consumers.
FINANCIAL consumer act layuning protektahan ang mga financial consumers sa bansa.
Pangangailangan ng ganitong batas
Sinabi ni Leyte Rep. Henry Ong, na siyang chairman ng komite, na ang paglaganap ng pandaigdigang krisis sa pananalapi ay naging hudyat ng kahalagahan ng pagkakaroon ng isang epektibong proteksyon para sa mga mamimili sa mga serbisyong may kinalaman sa pananalapi.
“Consumers were ultimately exposed to the risks brought about by the failure of financial institutions,” dagdag nito. “The evolution of the financial landscape where there is an increasing number of complex financial products and services coupled with rapid technological change highlight the need for financial consumer protection.”
Bunsod nito, paalala ni Ong na mas madaling mabiktima ang mga financial consumers ng mga panloloko at pang-aabuso.
Inamin naman ni BSP Director Pia Bernadette Roman-Tayag na may kakulangan sa mga mekanismo na sumisiguro sa proteksyon ng mga financial consumers dahil may sari-saring klase ng serbisyo ang mga financial institutions na hinahawakan ng iba’t-ibang financial regulators.
Paliwanag naman ni Ong na kailangan ng regulatory authority na makabago at patuloy na umaantabay sa mga pagbabago at tools na mas madaling gamitin para sa isang epektibong proteksyon sa mga mamimili. Sinabi niyang ito ang mga nakapaloob sa House Bill 8301.
“Kapag ganap nang naisabatas ang Financial Consumer Protection bill, agad nang makakahingi ng tulong ang publiko sa BSP, SEC, at IC para sa anumang reklamo kontra sa mga kumpanya at kanilang pinansyal na produkto at serbisyo,” pangako nito.
Tinukoy din ni Ong na ang pangangailangan ng pagtatatag ng isang komprehensibong financial protection regime, kung saan pinagsama-sama ang financial inclusion, financial education, mabuting pamamahala at epektibong pangangasiwa, ay shared responsibility ng mga regulators, mamimili, at stakeholders.
HENRY Ong, pinaliwanag ang nilalaman ng financial consumer act.
Pagsunod sa alituntunin
Sa ilalim ng bill, kinakailangang idokumento ng mga kumpanya o financial service providers ang dahilan ng kanilang pagtatakda ng presyo sa bawat produkto. Kailangan din nitong siguraduhin na mananatiling protektado ang datos ng kanilang mga kliyente.
Bilang mga regulators, may karapatan ang BSP, SEC at IC na gumawa ng kanilang mga sariling alituntunin, mangasiwa ng surveillance off-site at on-site.
“We now have a specific provision under this bill that we can use to go after financial providers taking advantage of financial consumers,” sabi naman ni IC Legal liaison officer Denis C. Cabucos bilang pagsuporta sa nasabing batas. “I think it’s high time to have a separate consumer protection framework for consumers of financial products.”
Dagdag naman ni Ong, kailangang mabigyan ang mga regulators ng kapangyarihan na magbigay ng cease and desist orders na hindi na kinakailangan pang dumaan sa isang pagdinig upang maiwasan ang pagkakaroon ng malalang pinsala sa mamimili.
Sakop ng bagong batas
“House Bill 8301 empowers consumers and regulatory agencies. Consumers can dissect bundled products and pricing details, and are given a cooling off period during which they can cancel or return the contract entered into without penalty, not including the processing fees,” paghahayag ni Ong.
Magtatakda ang nasabing batas ng isang financial consumer protection assistance mechanism kung saan maaaring tugunan ng mga provider ang mga reklamo, hiling at iba pang alalahanin ng kanilang mga kliyente. Layunin din nitong siguraduhin na naangkop sa pangangailangan ng mga mamimili ang mga inaalok ng kumpanyang financial products. Kasama rin sa batas ang cooling-off period upang isaalang-alang ang halaga at peligro sa pagbili ng isang partikular na produkto.
“A financial person is expected to adopt a clear cooling-off policy, as may be prescribed by law or by rules and regulations issued by the relevant financial regulator upon its determination that a cooling-off period is necessary for a particular product subject of regulation by such financial regulator,” nakasaad sa naturang batas.
Pagkakalooban naman ng karapatan ang mga financial regulators ng rulemaking, surveillance and inspection, market monitoring at enforcement powers na siyang may mga kaugnayan upang proteksyunan ang mga mamimili.
Siniguro naman ni Ong na may kaukulang alituntuning kasama ang naturang batas upang siguraduhing gagamitin ng mga regulator nang tama ang kanilang mga kapangyarihan.
“It is the policy of the State to ensure that appropriate mechanisms are in place to protect the interest of financial consumers under the conditions of transparency, fair and sound market conduct, and fair, reasonable and effective handling of financial consumer disputes, which are aligned with global best practices,” paliwanag nito.
Layunin din ng Financial Consumer Protection Act na ilagay ang mga investment advisers sa ilalim ng regulatory jurisdiction ng SEC.