HANNAH JANE SANCHO
MAARI pa ring mag-operate ang ABS-CBN kahit mapaso ang kanilang prangkisa sa susunod na buwan ng Marso.
Ayon kay House Committee on Legislative Franchises Vice Chairman Antonio Albano maaaring ituloy ng ABS-CBN ang operasyon hanggang 2022 kahit hindi pa naaaprubahan ng Kongreso ang franchise renewal application nito.
Ito ay dahil nakahain na umano ngayon sa 18th congress ang application ng naturang media giant para sa kanilang franchise renewal.
Sa ngayon, labing isang panukalang batas para sa franchise renewal ng ABS-CBN ang nakabinbin sa House Committee on Legislative Franchises.
Nitong nakaraang Lunes, naghain ng quo warranto petition ang Office of the Solicitor General laban sa Lopez-Led Media Company dahil sa mga paglabag diumano nito sa batas.
Samantala, nakahandang tumulong ang Department of Labor and Employment sa libu-libong empleyado ng ABS-CBN sakaling mahinto ang operasyon nito.
Tiniyak ni Labor Seceretary Silvestre Bello III na handa silang suportahan ang nasa 10, 000 empleyado at talents na pwedeng mawalan ng trabaho oras na mapilitang mapahinto ang operasyon ng giant network.
Sa isang panayam, sinabi ni Bello na maaari nilang bigyan ng trabahong may minimum na pasahod ang mga mawawala ng trabaho na empleyado ngayon ng ABS-CBN at bigyan ng tulong pangkabuhayan sa pamamagitan ng mga utang.
Ayon kay Bello, sa ngayon ay naghahanda na ang DOLE ng panandaliang tulong pinansyal para sa libu-libong manggagawa nito.
Umaasa naman si Bello na huhugutin ng posibleng bagong may-ari ng ABS-CBN ang mga dating empleyado kung tuluyang maputol ang kanilang prangkisa.