PAGSASAAYOS ng daan ng DPWH.
Ni: Gene Flores
MATAPOS makapasa sa pagbasa ng House of Representatives, tuluyang lumapit sa pagkabuwag ang Road Board.
Ayon kay Majority Leader Rolando Andaya Jr., agad dadalhin sa Senado ang panukala para sa pagbuwag kapag tuluyang naaprubahan sa kongreso.
Siniguro nito na dodoblehin nila ang trabaho upang maisabatas ang Road Board Abolition Bill.
“We will still work double time and have this tax measure, as amended, sent to the Senate by Monday. The plenary will take cognizance of the particular measure and we will introduce the amendments and recognizing it as a tax measure, and then putting in the proper amendments for the Senate to tackle.”
Bago pa man dumating sa Senado ang panukala nagpalabas na ng suporta ang Senado para rito mula sa Viber message na pinadala ni Senador Migz Zubiri.
ANO ANG ROAD BOARD?
Taong 2000, buwan ng Hunyo 27 nang pinirmahan ng dating pangulo na si Joseph E. Estrada ang Republic Act 8794 o ang An Act Imposing a Motor Vehicle User’s Charge On Owners Of All Types of Motor Vehicles. Sa ilalim ng batas na ito ay ang Motor Vehicle User’s Charge o MVUC kung saan kokolektahin ito at babayaran ng mga may-ari ng motor vehicle maging pangpribadong gamit, inaabangan at pang-gobyernong sasakyan.
Dahil sa RA 8794 nabuo ang Road Board na pinapangunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) chief kasama ang mga miyembro nito na binubuo ng mga sekretarya ng department of finance, department of budget at transportation. Mayroon ding tatlong representante mula sa mga motorist at transport organizations.
Napupunta naman ang mga buwis na nakukuha sa special trust accounts mula sa National Treasury kung saan 80 porsyento ay napupunta sa Special Road Support Fund samantalang limang porsyento ang para sa Special Local Road Fund para sa mga lokal na pamahalaan at 7.5 porsyento and napupunta sa Special Vehicle Pollution Control Fund.
Dapat ilaan ang mga nakokolekta mula sa Road Board upang mapanatili at maiayos ang mga national at probinsyal na daan maging ang mga road drainage, road safety devices at traffic light.
NANGUNA si dating House speaker Pantaleon Alvarez sa paghain ng panukala upang buwagin ang Road Board.
KORAPSYON SA ROAD BOARD
Ngunit nababalot umano ng graft at korapsyon ang Road Board ayon mismo sa dating House Speaker Pantaleon Alvarez na siya ring nagsumite ng panukala para buwagin ito.
Ayon sa kanya, humihingi umano ng 20 porsyento sa mga proyekto ang mga ito at kapag tinanggihan ay kukuha sila ng ibang kontraktor para sa proyekto.
Dumipensa naman ang Road Board sa akusasyon ng dating House Speaker at pinaiimbestigahan ang naturang pangyayari.
Dahil dito, naging buo ang desisyon ng mga mambabatas upang buwagin ito na tila nauulit lamang ang gawain ng DPWH.
Ngunit ayon kay Senador Aquilino “Koko” Pimentel III hindi natatapos sa pagbuwag ng Road Board ang solusyon, aniya papaaimbestigahan pa rin ang mga hindi ayon na gawain at korapsyon nito na nagtulak sa mga mambabatas upang tanggalin ito.
Ayon sa kanya, nararapat lamang na humanap ng ebidensya laban sa Road Board matapos ang akusasyon na magreresulta umano sa pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyales nito.
NAGMUMULA sa mga motorista ang buwis na ginagamit pangpondo sa ilang proyekto sa kalsada.
SPECIAL FUND AALISIN SA NATIONAL TREASURY
Sa ilalim ng bagong panukala, mapupunta pa rin sa national treasury ang MVUC ngunit hindi aalisin na ang mga special fund na pinaglalagyan nito.
Ayon kay Senador Zubiri nasa Kongreso na ang desisyon kung paano nila ito ia-allocate ngunit tiniyak niya na mapupunta pa rin ang iba sa pagsasaayos ng daan.
“Ibibigay naman lahat sa National Treasury so bahala na sa Kongreso kung paano i-allocate.”
Nakasaad dito na ang MVUC ay didiretso na sa general fund at ang mga proyekto na pinopondohan ng MVUC ay i-itimized sa taunang General Appropriations Act.
Ang galaw na ito ay maglilimita na lamang sa tatlong ahensya, ang DPWH, DoTr at DENR.
PANGAKO NG PANGULO SA BICOL MULA SA MVUC
Bagama’t tanggap ng nakakarami ang pagbuwag sa Road Board, umapela sa isang pahayag si Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte na ilaan ang ilang pondo mula rito patungo sa pagresolba ng pagbaha sa Bicol na pinangako umano ni Pangulong Duterte sa pagbisita nito sa lugar matapos ito ragasain ng bagyong Usman.
“However, I am appealing to the would-be bicam panel to consider in its upcoming deliberations the President’s directive and set aside a share of the multibillion-peso collections from the MVUC for flood-mitigation projects in the Bicol River and elsewhere in the flood-prone region,” sabi nito.
Ayon pa kay Villafuerte, malaking tulong ang pagtigil sa baha sa rehiyon lalo na’t nasa ika-anim umano ang Camarines Sur sa top rice-producing provinces sa bansa.
“We could easily become number 2 or number 3 if the chronic floods will become a thing of the past,” aniya.
PAGLALAAN NG PONDO MULA MVUC
Dahil tila hindi na mapipigil ang pagbuwag sa kontrobersyal na Road Board, nananatili pa ring usapin ang paglalaan ng pondo mula sa MVUC na inaasahan ng marami na magagamit at mailalaan sa mga mas produktibo at importanteng proyekto, tulad ng pagbawas ng problema sa trapiko, at drainage para sa mga bahaing lugar na syang lubos na nakakaapekto sa pang-araw araw na buhay ng mga tao.