Louie C. Montemar
Nagsisimula nang magtapos ang mga unang batch ng mga estudyanteng produkto ng programang K-to-12 ng Department of Education (DepEd). Sa ilalim ng nakaraang administrasyon, pinilit talagang masimulan ang pagpapatupad nito.
Sa ngayon, may sampung taon na ng batayang edukasyon para sa mga batang Pilipino kumpara sa dating sampung taon lamang. Mas tugma ngayon ang laman ng ating mga programang pang-edukasyon sa elementarya at high school kung ihahambing sa iba pang sistemang pang-edukasyon sa buong mundo.
Inilatag ang programang K-12 dahil sa paglalayon ng ating pamahalaan na mas magkaroon ng pagkakataon ang ating mga mag-aaral na maging handa sa patuloy na pag-aaral o upang makapagtrabaho sa ibang bansa kung nanaisin nila. Mas madali rin para sa mas marami pang mga banyaga na ituloy ang kanilang pag-aaral dito sa atin sa ilalim ng sistemang K-to-12. Sa ilalim kasi ng programang K-to-12, dadagdagan ang bilang ng taon (dalawa) ng pag-aaral gaya ng sa maraming bansa, at babaguhin ang laman ng kurikulum upang ibilang ang mga makabagong kaalaman at mapatupad ang isang sistema ng pagtuturo na naghuhubog (sana) sa isang mapanuring isipan, mga batayang kasanayan sa paggawa, at naaayon sa pangangailangan ng isang makabagong mundo.
Ngayong taon mismo, ilang libong mag-aaral na rin ang nakapagtapos na bilang Senior High School students. Sa kurikulum ng senior high school, makakapili ang mga mag-aaral ng espesiyalisasyon sap ag-aaral. Kung nais nila ang diin sa siyensiya bilang laman ng kanilang pag-aarla, halimbawa na lamang, makapapasok sila sa STEM (Science, Technology and Mathematics) track. May tracks sa humanities, social science, technology and livelihood o vocational technology, at iba pa.
Magandang ideya sana sa pangkalahatan ang laman ng K-to-12. Nangangailangan nga lamang ito ng mahuhusay na guro at magandang kooperasyon ng pribadong sector upang mapatupad. Malaki rin siyempre ang naging pangangangailangan nito sa mga karagdagang building at silid-aralan at iba pang lohistika.
Sa ideyal, handa na dapat sa kalakhan ang mga nakatapos ng K-to-12 na magtrabaho na kung nais nila. Hindi naman talaga kailangan para sa lahat ng mamamayan na makatuntong pa ng kolehiyo upang pumasok sa pormal na mundo ng paggawa at kasanayan. Ang kolehiyo ay para sana sa karagdagang pag-aaral na lamang, ispesyalisasyon, at pananaliksik.
Nag-aalala lamang ngayon ang ilan kung handa na nga ba ang mga istudyanteng nagtapos ng senior high school upang maging mga mangggawa, empleyado, o entrepreneur. Isang samahan ng mga business leaders ang kalian lamang nagsabi na tila hilaw pa rin ang mga bagong nagtapos ng K-to-12.
Sa ganang akin, dito higit na papasok ang pangangailangan sa pag-unawa at kooperasyon o aktibong pagsuporta ng pribadong sector. Dapat naman talagang binubukas ng mga nagmamay-ari ng negosyo ang kanilang mga organisasyon sa mga mag-aaral ng K-to-12, halimbawa na, at maging on-the-job (OJT) o “immersion site” sila ng mga paaralan sa ilalim ng programang K-to-12. Kung sa ngayon, sa tingin nila hilaw pa ang mga nagsipagtapos, baka naman kailangan nilang sinupin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa lokalidad kung saan naroon ang kanilang negosyo. Tulungan sana nila mga paaralan upang mapayaman pa ang programang pang-edukasyon at matulungan ang ating mga guro.