Ni: Janet Rebusio Ducayag
ILANG tulog na lang at Pasko na naman! Maging simoy ng hangin, tugtuging pamasko, mga dekorasyong makulay ay siyang ating mabubungaran sa umaga at gabi sa panahon ngayon.
Dahil naririyan ang tradisyonal na bonus, marami ang nakakapag-isip ng sideline para pandagdag-kita na ipambibili naman ng pang noche buena at panregalo.
Masaya talaga ang Kapaskuhan! Ito ay hindi lang pambata, kundi maging sa mga may-edad na, na hindi nakalilimot maging bata paminsan-minsan.
Si Samantha Rebusio, isang grade 12 student sa IIH College sa Novaliches, Quezon City ay doble ang kayod ngayong magpapasko dahil sa paninda niyang Graham balls. “Kapag Pasko po, nilalagyan ko ng design ang tinda ko at inilalagay ko rin sa colorful boxes para mas attractive po panregalo,” ani Samantha, 16, taga Pangarap, Caloocan City. Doble rin umano ang kanyang kinikita sa panahong ito. Aniya’y pati mga titser ay umoorder sa kanya tuwing Pasko. Sa pamamagitan ng mobile o printed photos, ipinapakita niya ang design sa mga nagnanais umorder.
Kahit hindi Pasko ay pinagkukunan din ni Samantha ng panggastos ang pagtitinda niya ng Graham balls. “Pero wala masyadong design kung ordinary time lang. Parang mga balls lang talaga na may iba’t ibang toppings at colors,” paglalahad ng dalagita na kapwa walang hanapbuhay ang mga magulang at may apat pang nakababatang kapatid. Si Samantha ay nasa Top 10 ng kanyang klase at unang batch ng ipinatupad na K-12 curriculum ng DepEd.
Sa kabilang dako, isang ginang din ang punong-abala ngayong Kapaskuhan. Ayon kay Nerlyn Diamante, 47, malaking bagay ang natutunan niya sa dating pinagtatrabahuhang pabrika ng Christmas decors. Maging ang ordinaryong tuyong dahon ng mangga ay napapaganda niya at nagiging attractive na bahagi ng Christmas tree o house decors. Ibinebenta niya ito ng mula P25 pataas.
Marami pang iba’t ibang tuyong dahon ang kanyang napapakinabangan, katulad ng kawayan, avocado, guyabano.
Samantala, si Gayl Teodosio, 34, ay masasabing nakaluluwag na sa buhay subali’t sadyang mapanukso ang panahon ng Kapaskuhan. Ang biko niya ay mabiling-mabili kahit hindi na niya i-offer. “Sa kapitbahay lang ubos na,” ani Gayl na ang asawa’y isang OFW sa New Zealand. Isa pa lamang ang kanilang anak.
Sa isang taga-Calamba, Laguna ang Kapaskuhan ay nangangahulugan ng maraming pagkakaperahan. Ayon kay Marlon Lambating, maraming umoorder ng ready-made photo frame at nagpapagawa mismo ng oil portrait – solo man o family portrait. “Siyempre maraming pera ang mga tao, may extra silang panggastos sa kapritso katulad ng pagpakuha ng magandang litrato at pagpapa-frame nito,” pahayag ni Marlon, dating factory worker ngunit pagka- “endo,” o end of contract, hindi na nakakita ng trabaho kaya iba’t ibang sideline ang pinasok nito upang matugunan ang pangangailangan ng apat na anak. Ang asawang si Medelyn ang siyang may regular na trabaho sa isang pabrika rin na malapit sa kanilang tinitirhan.
Si Marlon at amang si Antonio Lambating ay parehong magaling magpinta kaya’t kapuwa abala pagsapit pa lang ng Disyembre. Ayon pa kay Marlon, maging ang pagtitinda ng buko pie at pineapple pie kung saan marami sa Laguna ay napasok niya rin para sa ikabubuhay ng pamilya.
Si Catherine Fajardo o Cathy, 35, ng Bacarra, Ilocos Sur ay nagsasabing feeling mayaman umano siya pagsapit ng Kapaskuhan. Bukod sa pagba-buy and sell ng mga ready-to-wear na kasuotan, kilala rin siya na magaling magluto. TESDA-certified si Cathy sa Cookery kaya’t ang kanyang iba’t ibang luto ay sadyang mabili. “Kailangan kong kumuha ng ekstrang tao kapag Pasko. Hindi ako magkandaugaga sa pagluto ng order na bila-bilao,” ani Cathy. Ang iba pang specialty niya ay empanada, morcon, barbecue, lumpia, puto.
Pagdating umano ng Enero ay kailangan nila ng “break” dahil sa nagdaang kapaguran kaya’t nag-a-out-of-town silang mag-anak.
Isa pa sa malakas na pagkakitaan ngayong Kapaskuhan ay ang paggawa at pagbenta ng mga give-aways. Magmula sa keychains hanggang sa mugs,
t-shirts, kalendaryo, caps, stickers, ito ang pinagkikitaan ng masigasig at masikap na entreprenyur na unang kinukuha ang order at hinihingan ng downpayment ang kustomer bago ito i-deliver. “Pinapaikot ko lang ang pera hanggang sa makakuha ng personal kong puhunan,” ayon kay Neriza Reyes, 41.
Mahirap umano ang walang puhunan ngunit nagagawa niyang magnegosyo kahit wala nito. “Tiwala lang ang puhunan ko. Huwag ka lang din masira sa tao,” pahayag ng ginang na may limang supling at isa lamang dito ang hindi pa nag-aaral. “Hindi ko nga rin matawag na buy and sell ang operasyon ko kasi hindi ko naman binibili muna bago ibenta,” natawang pahayag ni Neriza o Neri sa kanyang mga malapit na kaibigan.
Si Nenet Bayron naman ay may kakaibang ideya upang kumita ngayong Kapaskuhan. Ang paggawa ng puto ay maning-mani na sa kanya. Dumadagsa ang order sa mga panahong ito dahil sa maraming Christmas parties. Ibinebenta niya ito nang mula sa P250/bilao hanggang P800, depende sa bilang ng kakain.
Ayon kay Nenet, 34, may tatlong anak, malaking tulong ang Pasko sa kanyang pamilya lalo na’t mag-isa niyang itinataguyod ang mga bata. Sa ngayon ay namamasukan siya bilang cook sa isang karinderya sa Pres. Quirino Highway, Quezon City.
Diskarte lang ang kailangan ngayong Kapaskuhan. May perang puhunan o kahit laway lang kung ika’y maabilidad, tiyak na kikita ka!