Ni: Pol Montibon
KATULAD ng paniniwala ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos na isang away pulitika ang dahilan ng imbestigasyon ng kamara, sa umano’y maling paggamit ng pondo ng tobacco excise tax sa probinsiya ng Ilocos Norte para ipambili ng mga sasakyan na gagamitin para sa pagsasaka ng mga residente ng probinsiya, ganito din ang sentimiyento ni dating senador Bongbong Marcos kaugnay sa naturang isyu.
Sa isang statement sinabi ng dating senador na lumalabas na nagkakapersonalan na aniya ang mga taong parte ng kontrobersiya at ipinagtaka din nito kung bakit humantong pa ito sa malawak na pagtalakay sa kamara.
Sentro pa rin sa imbestigasyon ng kamara ang illegal release ng cash advance na nagkakahalaga ng 18 million pesos; kawalan ng koordinasyon sa Commission on Audit o COA sa release ng nasabing milyon pisong salapi at ang kawalan ng bidding sa naturang transaksiyon.
Giit naman ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos, wala naman daw masama sa kaniyang ginawa, ang mahalaga aniya ay walang nawala at nanatili pa ring intact ang milyon pisong salapi sa vault ng probinsiya.
Pero ayon kay Ilocos Norte Congressman Rodolfo Fariñas na may reklamo sa nasabing isyu, hindi nasunod ng probinsiya ang nasasaad sa batas na bawal ang cash advance dahil dito posibleng pagmulan ang korapsiyon ng mga local government unit sa bansa.