SA labas pa lang, kapansin-pansin na ang tema ng restoran.
Ni:Ailleen Lor
LIKAS sa ating mga Pilipino ang hilig sa pagkain. Kaya naman maraming ang nae-engganyong pasukin ang food business. Oo nga’t mahilig kumain ang nga Pinoy, pero hindi pa rin maiiwasan na kadalasan naghahanap pa rin ng bagong panlasa. Aminin man natin o hindi, isa sa malaking puntos sa isang restoran ang magandang tema nito.
WALANG PASAPORTE, WALANG PROBLEMA
“Fasten your seatbelt, we are about to take off,” ito ang mala-travel experience na hatid ng bagong restoran na kinahuhumalingan ngayon, ang PASSENGER SEAT na matatagpuan sa Marikina City. Nabuo ang konsepto nito dahil sa pinagsamang passion for travel at pangarap na maging flight attendant ng may-ari nito.
“Nag isip kami ng negosyo na pwede naming i-combine yung dream at passion, kaya nabuo ang Passenger Seat,” ayon sa manager nito na si Raphael Asuncion.
Ang Passenger Seat ang kauna-unahang airplane-themed restoran sa Marikina. Magmula nang buksan ito sa publiko noong Setyembre 23 nang nakaraang taon, ay naranasan na agad ng mga diners ang hindi malilimutang mala VIP/business class experience nila rito. Patuloy ang pagtangkilik ng mga food lovers sa restoran kaya naman bilang pasasalamat sa kanila, nagkaroon ito ng seat sale para sa kanilang unang anibersaryo.
Hindi naging madali ang unang paglipad ng Passenger Seat. May mga pagkakataon na may mga nagduda, hindi nagtiwala na maaabot nila ang matamis na tagumpay na kanilang nakakamit ngayon. Ngunit sa tulong ng kanilang mga loyal na kustomer, malayo at naging matayog na ang lipad ng Passenger Seat.
ANG mala-eroplanong set-up sa loob ng Passenger Seat Restaurant.
AROUND THE WORLD
Hindi maipagkakaila na talagang pinag-isipan ang tema ng restoran hanggang sa menu nito. Kukumpleto sa iyong VIP/business class experience ang kanilang mala around the world menu. Una na rito ang Tagaytay Bulalo at Batangas Lomi. Gigising din sa taste buds ang kanilang ipinagmamalaking Nacho Chips na mula sa Mexico flight. Narito ang ilan pa sa kanilang menu ang iba’t ibang lugar sa Pilipinas gaya ng Bacolod, Dagupan, Davao, Roxas, Gensan, Ilocos, Palawan ang kanilang best seller na Cebu at hindi rin magpapahuli ang ipinagmamalaking Manila. Ang menu ay binubuo ng tatlong kategorya: Single Flight, Boodle Flight at ang Ala Carte.
Ang mga dessert sa Passenger Seat ay hindi rin mahihindian. Nariyan ang kanilang pinagmamalaking Singaporean inspired ice cream sandwich, Milo Dinosaur, Ube-Gabi with Cheese, Yemacheese with yema bits, Chocnut with chocnut bits at marami pang ibang palate teasers.
At kumumpleto naman sa mga flights ang pagbubukas sa publiko ng kanilang International Flights.
ANG mala around the Philippines menu ng restoran.
PASOK SA LISTAHAN
Malaki ang naitulong ng social media apps gaya ng facebook at instagram. Dahil dito, mabilis na nakahikayat ng mga pasahero ang Passenger Seat. Instagrammable ang mismong lugar, kaya naman marami ang mga pasaherong naging malikhain mag-isip. Nariyang may nagdala ng mismong maleta at kanilang pasaporte para kumpleto ang kanilang picture-taking. Dagdag pa rito, ang restoran ay pet-friendly. Hindi mangangamba ang diner na iwanan ang kyut na si Mingming at ang makulit na si Bantay, dahil sa Passenger Seat, sila din ay bida.
Hindi naging madali ang pagtayo ng Passenger Seat pero makikitang masusing pinag-planuhan ito. Maraming mga bagay na isinaalang-alang. Ayon sa https://www.thebalancesmb.com, ang pagtatayo ng restoran ay hindi madali. Kailangan isaalang-alang ang sumusunod: kakaibang menu, lugar na pagtatayuan ng restoran, at kakaibang konsepto nito. Kung ikaw naman ay nagsisimula pa lamang sa negosyo, mas mainam na ugaliin ang pagpopost sa social media sites gaya ng Facebook at Instagram dahil higit itong nakakatulong sa paghikayat ng mga kustomer. Malaking tulong din ang mga komento ng mga kustomer na maka-ilang beses nang nakapunta sa iyong restoran.
Ang pagkakaroon ng mababait at maasikasong staff naman ang isa rin sa dapat pagtuunan ng pansin kung nais na balikan ng mga diners ang masarap na menu ng restoran. Hindi nagpahuli ang Passenger Seat sa aspetong ito; maayos ang serbisyo ng kanilang staff at maraming thumbs-up na ang kanilang natanggap.
“May mga nakuha kaming mga reviews na mababait yung mga staff namin at very accommodating kaya naman with those kinds of comments mas lalo pa naming pinagbubutihan,” ayon kay Asuncion.
Hindi madali ang mag-isip ng kakaibang tema para sa isang restoran pero hindi naman magiging komplikado kung ito ay iyong pag-iisipan at pag-aaralang mabuti. Kaya ano pa ang iyong hinihintay, tayo na’t dayuhin ang kakaibang restoran na ito sa Marikina. Ang Passenger Seat ay matatagpuan sa Blk 2 Lot 25 Aquilina St. Sto Nino Marikina City. Bukas ito mula 11:00 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi, Lunes hanggang Huwebes at 10:00 ng umaga hanggang 12:00 ng madaling araw, Biyernes hanggang Linggo.