Ni: Quincy Joel V. Cahilig
KAAGAPAY ng libu-libong mga Pinoy komyuter sa Metro Manila at sa mga probinsiya ang bus. Bukod sa jeep at tren, ito pa rin ang pangunahing mass transportation system na nagdadala ng mga tao tungo sa iba’t-ibang destinasyon, lalo na sa mahabaang pagbiyahe.
Sa kabila nito, tinukoy ng awtoridad na kabilang ang mga bus sa mga sanhi ng maraming aksidente sa daan. Base sa datos ng Metro Manila Development Authority (MMDA), nasa 434 ang namatay at 19,374 ang nasaktan sa National Capital Region (NCR) sanhi ng mga aksidente sa kalsada noong nakaraang taon.
Iniinspeksyon ni LTFRB Chairman Martin Delgra III ang Dimple Star bus na nahulog sa bangin sa Sablayan, Occidental Mindoro nitong Marso na kumitil sa buhay ng 19 na pasahero.
Bagama’t mas mababa ang naturang bilang kumpara noong 2016, kung saan 446 ang namatay at 20,876 ang nasaktan, masasabing marami pa rin ang mga nadisgrasya noong 2017.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng pagkakasangkot ng mga pampublikong bus sa mga sakuna ay ang commission basis na sistema ng pasweldo sa mga bus driver at kundoktor, na nagtutulak sa mga ito na mag-agawan sa mga pasahero at paspasan ang pagmamaneho upang maka boundary, na di alintana kung nalalabag na ba nila ang mga batas sa kalsada, para lamang may maiuwing sweldo pantugon sa mga pangangailangan nila at ng kanilang pamilya.
Land Transportation Franchising and Regulatory Board member Atty. Aileen Lizada
Ang sistemang ito rin ang sinisisi ni Atty. Aileen Lizada, board member ng Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB), sa pabalagbag na estilo ng pagmamaneho ng maraming bus driver para masigurong may sapat na kikitain araw-araw. Bukod dito, nalalagay din aniya sa alanganin ang kalusugan ng mga driver at konduktor dahil sa mahabang oras ng pagtatrabaho. Isipin mo na lang kung gaano kahirap sa katawan at pag-iisip ang mabababad sa mala-pagong na trapiko sa Metro Manila.
“Their commission is based on the number of riders they pick up. Kaya ang mga driver gustong mas marami silang riders at mas maraming trips. Because of this, buses are no longer safe and convenient for the riding public. In the long run talo rito ang mga bus drivers lalo na ang mga pasahero,” saad ni Lizada.
Noong Enero 2012, ibinaba ng LTFRB ang Memorandum Circular No. 2012-001 na nag-oobliga sa mga operators ng public utility buses na kumuha ng Labor Standards Compliance Certificates. Ang hindi makakatugon dito ay maaring bawian o hindi mapagkakalooban ng panibagong certificate of public convenience para ituloy ang pagbibiyahe ng kanilang mga bus.
Kasunod nito, nag-isyu naman ang DOLE ng Department Order No.118-12 patungkol sa memorandum circular ng LTFRB na nagbibigay ng computation para sa fixed at performance-based na pagpapasweldo sa driver at kundoktor.
Noong Pebrero 2012, nag-isyu ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) ng operational guidelines na susundin para ipatupad ang naturang panibagong wage system, alinsunod sa department order ng DOLE.
Subalit hindi agad naipatupad ang mga naturang memo dahil naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang mga samahan ng PUB operators, ang Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP), ang Southern Luzon Bus Operators Association, Inc. (SO-LUBOA), ang Inter City Bus Operators Association (Interboa), at ang City of San Jose del Monte Bus Operators Association (CSJDMBOA). Giit nila, labag sa karapatang ibinibigay ng Saligang Batas sa mga operators ang mga ibinabang order ng LTFRB at DOLE.
HATOL NG KORTE: ITIGIL NA ANG BOUNDARY
Pagkatapos ng mga hearing sa loob ng anim na taon, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng mga operators. Base sa ruling ng pinakamataas na hukuman, na inakda ni Associate Justice Marvic Leonen, nabigong patunayan ng mga petitioners o bus operators sa korte na kontra sa Saligang Batas ang department order ng DOLE at ang memorandum circular ng LTFRB.
Binigyang diin din ng Korte Suprema sa en banc desisyon nito na may “quasi-legislative powers” o kapangyarihang magbalangkas ng rules and regulations ang mga nasabing ahensya, kabilang dito ang pagpapatupad ng fixed rate salary para sa mga bus driver at kundoktor.
Ipinaliwanag din ng Korte Suprema na hindi labag sa due process ang mga hakbang na DOLE at LTFRB dahil layunin nitong iangat ang kabuhayan ng mga driver at kundoktor, at para rin ito sa kaligtasan ng mga commuters.
“The boundary system puts drivers in a ‘scarcity mindset’ that creates a tunnel vision where bus drivers are nothing but focused on meeting the boundary required and will do so by any means possible and regardless of risks… This scarcity mindset is eliminated by providing drivers with a fixed income plus variable income based on performance,” nakasaad sa desisyon.
“The fixed income equalizes the playing field, so to speak, so that competition and racing among bus drivers are prevented. The variable pay provided in Department Order No. 118-12 is based on safety parameters, incentivizing prudent driving,” dagdag pa nito.
KITA NG MGA TSUPER, TIYAK SA BAGONG WAGE SCHEME
Base sa ipapatupad na part-fixed-part-performance-based scheme, ang fixed wage ay pagkakasunduan ng bus operator at ng driver at kundoktor, at hindi ito dapat bababa sa mimimum wage na itinakda sa bawa’t rehiyon. Sa kasalukuyan, ang minimum wage sa Metro Manila ay ₱512.
Bukod dito, makakatanggap na din ang mga driver at kundoktor ng overtime pay, night shift differential, service incentive leave, premium pay, 13th-month pay, holiday at service incentive leave.
Magkakaroon na rin ng performance-based wage component, na magbabase sa iba’t-ibang performance tulad ng laki ng kita, sa pagiging ligtas ng pagbiyahe, at kung gaano kaunti ang traffic violations.
DOLE, MAHIGPIT NA MAGBABANTAY
Isa sa mga pangunahing mass transport system sa bansa ang bus, na tinatangkilik ng libu-libong mga komyuter araw-araw.
Ayon kay Director Teresita Cucueco, tututukan ng DOLE ang pagpapatupad ng bagong sistema ng pagpapasweldo ng bus operators para tiyakin na gaganda nga ang kundisyon ng pagtatrabaho para sa mga driver at kundoktor.
“The department order ensures income security for the bus drivers and conductors, as well as improves the working conditions in the bus transport sector. We will continue our monitoring on the implementation and compliance, as mandated,” sabi ni Cucueco.
Aniya, bibigyan din sila ng mga social benefits, kaya maiiwasan na ang mga disgrasya sa kalsada na dulot ng habulan at agawan sa pasahero.
Dagdag ni Cucueco, nakatakda silang makipagpulong sa mga regional directors ng ahensya upang pag-usapan ang pagpapatupad ng Department Order 118-12.
”We plan to meet with the regional directors and we will raise the Supreme Court decision implementing the fixed and performance-based pay,” aniya.
Samantala, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng gasoline at maintenance costs, sinabi ni Alex Yague, executive director ng PBOAP na susunod sila sa desisyon ng Korte Suprema.
Ngunit, sinabi rin ni Yague sa isang panayam, “Wala po tayong magagawa kundi sumunod, pero ang magiging epekto po niyan, maraming magsasara na bus company.”