ISANG pangunahing pangangailangan ng tao ang pabahay. Subalit ang sapat na tirahan o pabahay ay higit pa sa bubong sa ulo ng isang tao. Ang sapat na pabahay ay nangangahulugan ng privacy at puwang, sapat na seguridad, sapat na bentilasyon, pailaw, mga pangunahing imprastrakturang pampamayanan, at lokasyon na malapit sa trabaho at mga pangunahing pasilidad.
Ang isang bahay ay tagapagpahiwatig ng kalidad ng buhay ng tao sa loob ng isang pamayanan. Susing salik ito sa paghubog ng mga kondisyong nagtutulak sa kanyang pagtamo ng mga mahahalagang layunin niya sa buhay gaya ng sa usapin ng edukasyon, kalusugan, kalinisan, at kaayusan sa isang pamayanan.
Sa mga umuunlad na bansa kabilang ang Pilipinas, ang isang bahay ay karaniwang isang lugar rin ng paghahanap-buhay. Kung sa pangkalahatan, mainam ang mga pasilidad sa pabahay, mas nagiging produktibo ang mga mamamayan.
Humihila ng produktibong pamumuhunan at nagtataguyod ng mga aktibidad pang-ekonomiya ang isang pamayanang may maayos na pabahay. Sa pagsisimula pa lamang, ang isang proyektong pabahay ay lumilikha ng higit pang oportunidad para sa trabaho.
Dahil sa mga konsiderasyong ito, talagang masasabi na malaking hamon ang hinaharap natin ngayon sa ating bansa. Sa isang kumperensiyang inorganisa ng Chamber of Real Estate and Builders’ Associations, Inc. (CREBA) sa Makati City noong isang taon, iniulat ni Senador Sonny Angara na “mula sa isang populasyon na halos 106 hanggang 108 milyong mga Pilipino, mga 4.5 milyon na [sa atin] ang walang tirahan at hanggang sa dalawang-katlo ng bilang na ito— o 3 milyon—ang narito sa Metro Manila.”
Nabanggit din ni Senator Angara na ayon sa isang pag-aaral ng University of Asia and the Pacific noong 2016, maaaring umabot sa 12 milyon ang kakailanganing bagong bahay sa susunod na dekada—kabilang dito ang mahigit sa anim na milyong yunit ng backlog mula 2001 hanggang 2015.
Ang kabalintunaan dito, habang lumalaganap ang real estate projects ngayon (halimbawa, napakarami ng condominium projects na sumusulpot sa Maynila), lumalaki pa rin ang bilang ng mga taong walang bahay.
Bilang paglalarawan nito, naiulat noong 2015 na may labis na hanggang sa 561,000 housing units para sa mga maykaya at nasa panggitnang antas at pataas sa kalagayang pang-ekonomiya. Sa kabilang banda, may kakulangang 6.67 milyong yunit para sa mga mahihirap nating kababayan.
Sa huling pagsusuri, makikitang napakaraming hamon ang hinaharap ngayon ng pamahalaan at ng bayan. Ngunit kung talagang pag-iisipan, ang pabahay ang isang susing usapin sa kaunlaran lalo na sa mga lumalaking lungsod at bayan. Sapul nito ang maraming usaping pangkaunlaran.
Dahil dito, kailangang kailangan natin ng istratehikong pamumuno sa sektor na ito. Sa laki ng hamon at pangangailangang pondo sa aspetong ito, kailangan ng isang programang tunay na pangmatagalan at panlahat—para sa bayan at hindi lamang para sa iilan.