Ni: Louie Montemar
ANG slogan na Build, Build, Build! ay nakatuon sa pagpapatayo ng mga tinatawag na “hard infrastructure” o pisikal na bagay na kailangan sa isang modernong lipunan, gaya ng mga tulay, kalye, at linya ng telepono.
Sa kanyang mensahe sa badyet noong Hulyo pang 2017, sinabi mismo ni Pangulong Duterte na halos isang-katlo ng 2018 Pambansang Badyet ang para sa imprastraktura.
Ayon sa mga nag-aaral sa pag-unlad ng mga bansa, nagdudulot ng mas mabilis na daloy ng kalakalan ang imprastraktura ng transportasyon (mga kalsada, airport, riles, port, at logistics). Ang information at communication technology (ICT) naman ay nagpapaunlad din sa kalakalan, dahil ang bilang ng mga linya ng telepono, mga mobile na telepono, access sa broadband, mga gumagamit ng internet, at mga secure na internet server ay may positibong epekto sa negosyo, kapwa sa mga exporter at importer.
Dapat lamang bigyang-diin na ang lahat ng epektong ito ay tinitignan nating positibo kung gumaganda rin ang kalidad ng buhay ng karaniwang mamamayan. Isang positibong pagbabago para sa karaniwang tao ang pagkakaroon ng trabaho na may mas magandang pasahod dahil sa Build, Build, Build. Sa ilalim nga nito, napakaraming kakailanganing manggagawa.
Subalit kumusta nga ba ang mga construction workers na naeempleyo sa mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build? Ilan na bang construction workers ang nagkatrabaho sa ilalim nito? Gaano ba katotoo ang sinasabi ng pamahalaang kulang pa raw tayo sa mga construction workers para rito kaya kailangang magpapasok tayo ng libu-libong manggagawang Tsino? Nabalita pa ngang sa ilang proyekto, habang 500 piso ang arawang kita ng isang Pilipinong manggagawa, nasa 3,000 piso naman daw ang sa mga Tsino?
Kung may katotohanan ang mga balitang ito, dapat lang na tanungin natin, saan tayo talaga dadalhin ng Build, Build, Build? Inutang natin ang malaking pondo para rito mula sa Tsina, tapos mga Tsino rin ang na-eempleyo? Para ba talaga kanino ito?