EDITORIAL NI HANAH JANE SANCHO
TUNAY na kahanga-kahanga ang opening ceremonies ng 30th South East Asian Games na ginanap nitong November 30 sa Philippine Arena sa Bulacan.
Ito ang unang pagkakataon na ginanap sa isang indoor facility ang pagbubukas ng SEA Games. Umani ng maraming plus points ito mula sa audience lalo na ang mga mula sa ibang bansa dahil konbinyente ito para sa kanila at komportable sila sa panonood ng mga performances. Wala ring naging dull moment mula sa simula hanggang sa pagtatapos nito at nakita ito sa hiyawan at masigabong reaksiyon ng audience na hindi na magkamayaw na ipamalas ang suporta sa mga koponan ng bansang kalahok sa SEA Games.
Sa pag-awit pa lang ng Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha ng pambansang awit ng Pilipinas, naipamalas agad ang world class talent ng mga Pilipino. Ipinakita sa ating mga kapatid sa rehiyon ng South East Asia ang iba’t ibang katutubong sayaw mula Luzon, Visayas at Mindanao gaya ng Singkil na ipinagmamalaki ang kultura ng mga Maranao.
Ipinakilala naman sa mundo ang Sarimanok na isang iconic na ibon ng mga taga Mindanao na pinaniniwalaang nagdadala ng swerte. Pagdating sa kantahan, walang panama ang ibang bansa sa mga Pilipino kaya naman ito na ang pagkakataon para makilala ng mundo ang mga pinagpipitagang awitin ng Pilipinas mula sa kundiman na inawit ng mga kilalang singer hindi lamang sa Pilipinas maging sa labas ng bansa gaya nina Aicelle Santos at Christian Bautista.
Highlighted ang paglabas ng bahay kubo na nagsisilbing simbolo ng bayanihan sa bansa. Habang ipinamalas naman nina Iñigo Pascual at Elmo Magalona ang mga pinasikat na awitin ng binansagang King of Rap ng Pilipinas na si Francis Magalona. Maging si KZ Tandingan ay hindi nagpahuli sa pagpapamalas ng kaniyang world class talent na hinahangaan ng marami sa South East Asia.
Nagmala-Santacruzan naman ang tema sa parada ng mga atleta mula sa 11 bansa na kalahok ng SEA Games kasama ang kani-kanilang reyna na mga nagagandahang beauty queen ng Pilipinas. Ang contingent ng Brunei Darrusalam ang unang lumabas; pinalakpakan ito ni Sultan Hassanal Bolkiah na nanood sa front row katabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nanood ng opening ceremony. Si Miss Intercontinental 2018 Karen Gallman ang kanilang naging muse.
Sinundan ito ng mga bansang Cambodia at Thailand na nakagayak din ng kani-kanilang pambansang kasuotan at team costume. Si Miss Multinational 2017 Sophia Seronon ang nagsilbing muse ng Cambodia habang si Miss World 2013 Megan Young naman ang sa Thailand. Espesyal ang Thailand kay Megan dahil dito siya kinoronahan nang manalo bilang Miss World.
Hindi rin nagpatalo sa kanilang national costume at uniporme ang mga delegado mula sa Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Timor Leste at Vietnam kasama ang kanilang mga muse na sina: Miss Eco International 2018 Cynthia Thomalla, Miss International 2005 Precious Lara Quigaman, Miss Earth 2017 Karen Ibasco, Miss Earth 2014 Jamie Herrell, Miss Earth 2015 Angelia Ong, Miss Tourism International 2017 Jannie Alipoon at Miss Asia Pacific International 2018 Sharifa Akeel.
At nang ang Pilipinas na ang tinawag, hindi magkamayaw ang audience habang sinabayan ito ng pag-awit ng “Manila, Manila,” ang iconic song ng grupong Hotdog. Maging si Pangulong Duterte, Sen. Bato dela Rosa at iba pang opisyal ay napaindak sa awitin.
Suot ng mga pumaradang Pinoy athletes ang Barong Tagalog na dinisenyo ni Francis Libiran. Muse ng mga atleta ng Pilipinas si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach. Bilang pagwelcome sa mga delegado ng 30th SEA Games bumida ang awiting Kay Ganda ng Pilipinas na inawit ng sikat na broadway singer at aktor na si Robert Sena. Pormal namang idineklara ni Pangulong Rodrigo Dutere ang pagbubukas ng 30th SEA Games. Maliban sa mga performances, isa rin sa naging memorable na kaganapan sa opening ceremony ang muling pagbibigay pugay ng Pilipinas sa mga legendary athletes na naghatid ng karangalan sa bansa nang iparada nila ang South East Asian Games Federation Flag. Ito ay sina Lydia De Vega-Mercado ang kinilalang Asia’s Fastest woman sa loob ng walong taon, Akiko Thomson-Guevarra na nag-uwi ng pitong gintong medalya sa swimming SEA Games, si Eric Buhain na 15 beses na SEA Games Gold Medalist sa swimming, Alvin Patrimonio na apat na beses na PBA MVP at SEA Games Gold Medalist, Bong Coo na apat na beses nang itinanghal na world champion sa bowling, Efren Bata Reyes na apat na beses na itinanghal bilang world eight ball champion, Onyok Velasco na dalawang beses nakasungkit ng ginto sa SEA Games at Olympic Silver Medalist at Paeng Nepomuceno na anim na beses na world champion sa bowling.
Hindi rin makakalimutan ang world class performances nina Apl.de.ap, Jed Madela, Ana Fegi at TNT Boys. Nagpamalas naman ng breathtaking performance ang Ramon Obusan Folkloric Dance Group. Habang kinakanta ng mga internationally acclaimed singers ng bansa ang theme song ng SEA Games 2019 na We Win As One na isinulat ni National Artist Ryan Cayabyab at orihinal na kinanta ni Tony Award winner Lea Salonga ay isinabay ang Lighting of the Cauldron. Pinangunahan ito ni pambansang kamao at Senador Manny Pacquiao at World boxing champion Nesthy Petecio na ginanap sa New Clark City sa Tarlac. Breathtaking ang lighting ng cauldron na sinundan ng fireworks display.