ADMAR VILANDO
NAKATAKDANG bigyan ng ultimatum ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang mga alkalde sa Metro Manila para linisin ang mga public road sa anumang sagabal sa kanila-kanilang mga lugar.
Ayon kay Año, nais niya na bago mag-Setyembre o mismong sa Setyembre ay malinis na ang lahat at na-reclaim ang mga public road na kabilang sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DILG.
Sinabi ng kalihim na ibibigay niya ang direktiba sa mga City Mayor at administrators ngayong araw sa kanilang isasagawang pakikipag-usap sa mga ito mamaya.
Batid naman ni Año na posibleng humingi ng palugit ang mga alkalde at mapalawig ang kanyang nais ibigay na ultimatum.
Sinabi ni Año na nais niyang maalis mula sa mga pampublikong kalsada ang mga vendor, basketball courts at maging ang mga barangay hall at police precinct.
Nagbabala din ang kalihim na may kapangyarihan ang DILG na mag-imbestiga laban sa local government officials na hindi magpapatupad ng city ordinace kabilang na ang tamang paggamit ng public road at sidewalks.