MATAPOS napatalsik sa pwesto bilang Chief Justice ay tila hindi pa tapos ang kontrobersya o sigalot sa buhay ni Atty. Maria Lourdes Sereno.
Ngayon naman ay sinasabing may anomalya daw sa proseso ng pagbili ng Korte Suprema sa luxury vehicle bilang service vehicle ni Sereno noon.
Ito ay batay sa nilalaman ng audit observation memorandum ng Commission on Audit na ipinadala kay acting Chief Justice Antonio Carpio. Nakasaad sa apat na pahinang memorandum ay tinukoy ng COA na ang pagbili sa Toyota Land Cruiser na nagkakahalaga ng P5.1 million ay taliwas umano sa itinatakda ng Republic Act No. 9184 o Government Procurement Reform Act at sa Internal Rules and Regulations nito.
Ayon sa COA, ang presyo ng SUV na P5.1 million na ginamit bilang batayan sa approved budget for the contract (ABC) nang walang market analysis para matukoy kung ito ang pinaka-paborable sa Korte Suprema ay labag din umano sa Revised Internal Rules and Regulations ng Republic Act 9184.
Ito raw ay dahil napagkaitan o nawalan kasi ng pagkakataon ang iba pang mga suppliers na makasali sa bidding.
Tinukoy pa sa memorandum ang naantalang pagsusumite ng kontrata sa resident CoA Auditor na dapat ay ginawa sa loob ng limang araw mula nang malagdaan ang kontrata.
Ang kopya ng kontrata na may petsang May 2, 2017 ay naisumite lamang noong November 28, 2017 at kulang pa sa mga mahahalagang dokumento gaya ng detalye ng approved budget for the contract, detalye ng contract cost, certification mula sa pinuno ng Bids and Awards Committee Secretariat kaugnay ng paglalathala para sa public bidding at kopya ng na-upload na notice of award, notice to proceed at contract of award sa Philippine Government Electronic Procurement System.
Base sa pinakahuling impormasyon ay naisoli na ni Sereno sa Korte Suprema ang nasabing sasakyan noong June 20.
Samantala kasabay ng naging pinal na desisyon ng Korte Suprema sa quo warranto case noong June 19 ay nagsimula na rin ang pagbilang sa 90-araw para mapunan ang nabakanteng pwesto bilang Punong Mahistrado.
Kasabay din nito ay inatasan na ng Korte Suprema ang Judicial and Bar Council na madaliin ang proseso ng nominasyon at aplikasyon ng mga nagnanais na maging susunod na Punong Mahistrado.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na tumatayo ring isa sa mga ex-officio member ng JBC na pinaplantsa na ng en banc ang proseso ng pagpili ng susunod na Chief Justice.