Pinas News
ISA sa maraming usapin ngayon ang pagbitiw ng bansa sa International Criminal Court (ICC). Sabi ng ilang komentarista, kailangang mas patatagin ang sistemang pangkatarungan sa bansa sa harap ng pagbibitiw na ito, upang matiyak na may tamang pagpapatupad ng mga batas ng bansa.
Kung anuman ang ating opinyon sa ICC at sa pagbibitiw natin dito, sang-ayon man tayo sa pagbibitiw o hindi, malamang namang magkakaisa tayo sa isang bagay—ang pagpapatatag sa barangay justice system o sistemang pangkatarungan ng barangay na isang elemento ng kabuuang sistemang pangkatarungan sa bansa.
Sa sistemang pangkatarungan ng barangay, may Lupong Tagapamayapa at nakaupo dito ang chairman o tagapangulo ng barangay. May sampu hanggang dalawampu pang kasapi ang lupon. Karaniwang binabago ang kasapian nito tuwing ikatlong taon. Hindi sila nakatatanggap ng kabayaran maliban sa maliit na honoraria, allowance, at iba pang bagay na pinahihintulutan ng batas o barangay, munisipyo, o ordinansa ng lungsod.
Dumadaan dito ang mga hindi pagkakasundong sibil at kriminal na may posibleng sentensiya ng pagkabilanggo ng isang taon o mas mababa pa, o may multa na limang libong piso o mas mababa. Sa mga barangay kung saan ang karamihan ng mamamayan ay kabilang sa isang grupo ng katutubong Filipino, ang mga tradisyunal na mekanismo ng pagtatalo, gaya ng isang konseho ng mga matatanda, ay maaaring magsilbing kapalit sa sistemang pangkatarungan ng barangay.
Ang magandang balita — sa kalakhan ay gumagana naman ang sistemang pambarangay na ito. Bilang paglalarawan, naiulat sa isang pag-aaral na noong taong 1998, may 279,115 na mga pagtatalo sa mga barangay na naitala. Sa bilang na ito, 236,452 (84%) ang natugunang kaso. Sa isa pang pananaliksik, napakita rin na may positibong pananaw ang mga komunidad hinggil sa barangay justice system.
Lisanin man natin ang ICC, hindi naman nawawala ang pagpapahalaga nating mga Filipino sa katarungan at magiging mas mahalaga pa nga ito sa ngayon upang matiyak ang katarungan para sa lahat, lalo na silang mga nasa gilid at laylayan ng lipunan.