Pangulong Duterte hinihikayat ang mga mamumuhunan sa bansa.
Ni: Jonnalyn Cortes
Nakatakdang itayo ang Crypto Valley Asia (CVA), isang bagong fintech o financial technology at crypto hub, sa Cagayan Special Economic Zone and Freeport Philippines (CSEZFP) sa Northern Luzon. Alinsunod ang pagtatayo nito sa adhikain ng gobyerno na pagyamanin ang isang fintech ecosystem at hikayatin ang mga kompanyang internasyonal ng blockchain na magtayo ng pwesto sa bansa.
Itatatag ang CVA sa pagtutulungan ng Northern Star Gaming and Resorts Inc. (Northern Star) at Cagayan Economic Zone Authority (CEZA). Magkakaroon naman ito ng tatlong bahagi.
Sa ngayon, nakasigurado na ng mga internasyonal at rehiyonal na kompanya ang Northern Star na siya namang pupwesto sa itatayong CVA. Nakapangako rin ito ng gross investments na nagkakahalaga ng $100 milyon sa susunod na 10 taon.
Isang fintech at crypto hub ang Crypto Valley Asia na itatayo sa Pilipinas.
ANO ANG CRYPTO VALLEY OF ASIA O CVA?
Magiging tahanan ng mga bagong fintech companies na naglalayong magtatag ng kanilang mga operasyon sa Cagayan Special Economic Zone at Freeport ang Crypto Valley of Asia.
“CEZA welcomes the launch of the Crypto Valley of Asia as a critical infrastructure that will serve to attract more foreign investors and global fintech players to CEZA and the Philippines. The Philippines can become one of the major off-shoring destinations for fintech and blockchain related work,” ani CEZA CEO Secretary Raul L. Lambino.
Layunin ng CVA na itulak ang paglago ng ekonomiya sa Northern Luzon at pagyamanin ang umuunlad na network ng mga kumpanya ng fintech dito.
Lilikha rin ng maraming trabaho ang pagdating ng CVA sa Pilipinas sa pamamagitan ng BPO na maglilingkod sa pandaigdigang fintech at mga sektor ng crypto currency.
Magsisilbi rin itong katalista sa inaasahang pag-unlad ng ekonomiya sa buong Cagayan Valley hanggang sa iba pang parte ng Northern Luzon.
“Crypto Valley of Asia and CEZA will put the Philippines on the global map of fintech and blockchain. Similar to other progressive jurisdictions such as Zug of Switzerland, we will create an environment that fosters innovation, entrepreneurship and critical skills development thru education and BPO training. With strong global partners that have confirmed entry into our master-planned development, we are confident of the continued momentum in positioning the Philippines as the leading destination for blockchain off-shoring,” wika ni Enrique Gonzalez, chairman ng Northern star.
CEZA CEO Sec. Raul L. Lambino photo: Lambino malugod na tinanggap ang pagtatayo ng Crypto Valley Asia sa Philippines’ Cagayan Special Economic Zone and Freeport.
MGA SERBISYO AT PASILIDAD SA CVA
Magsisilbing backdrop ng CVA ang Sierra Madre Mountain. Bubuuin naman ng 25 establisyamento ang unang parte ng tinatawag na cyberpark. Itatayo ito alinsunod sa mahigpit na patakaran sa seguridad ng lisensyadong Overseas Virtual Exchange (OVE) sa CEZA.
Maghahandog ito ng mga serbisyo at pasilidad kagaya ng espasyo na maaaring gamiting tirahan at co-working tulad ng Common Ground ng Malaysia, incubation ng mga negosyo at acceleration hubs. Magbibigay din ito ng mga OVE at service providers para sa pandaigdigang crypto space.
Itatayo rin sa CVA ang isang Internet data center na kayang makipagsabayan sa buong mundo, mga crypto mining firms, self-contained power production facilities, isang modernong cyber security at risk assessment facility mula sa Horangi ng Singapore at Blackpanda ng Pilipinas.
Matatagpuan din dito ang Blockchain Academy sa pakikipagtulungan sa Hanwha ng Korea. Sinasabing ang pagtatayo ng akademyang ito ay ang pagsasakatuparan ng Memorandum of Understanding na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong bumisita ito sa naturang bansa noong Hunyo.
PAGHIHIKAYAT SA MGA MAMUMUHUNAN
Inilarawan naman ng panauhing pandangal na si Duterte sa kanyang pagsasalita ang kahalagahan ng paghihikayat ng mga investor na mamuhunan sa bansa.
“We should embrace investors to help generate jobs and lift people out of poverty. Let’s welcome the investors so we can show the world that this place is viable for business and investments,” aniya.
Binanggit din nito ang mga oportunidad na maaring idulot ng teknolohiya at ng mga pamumuhunan na maaaring makatulong sa marami pang bata na magkaroon ng pagkakataong makapasok sa eskwelahan.
“Children can pursue careers in technology and eventually, they can become the supervisors or managers here in CEZA,” dagdag pa ni Duterte.
Ilan nga sa mga mamumuhunan at director ng Northern Star ay si Enrique Y. Gonzales na chairman ng Northern Star, CEO ng IP Ventures, director ng Arthaland Corp at kasosyo ng SB Kaikaku Fund (Softbank). Kabilang din dito sina JJ Atencio na chairman ng Janarius Holdings and Ampersand na dating kilala na PCCI at Juan M. Borra III na director ng Tranzen, Menlo Renewable Energy Corporation (MENR) at Agus 3 Hydro Power Corp. Kasama rin dito si Jack Ser na nagtatag ng FundYourselfNow na kilalang nangungunang crypto currency platform sa Southeast Asia.
Nagpapatunay lamang ang alyansa ng mga kilalang dalubhasa sa industriya na ito na isang grupo ng mga negosyante na may matagumpay na track record sa larangan ng real estate, block chain technology, cryptocurrency, enerhiya at komunikasyon na posibleng maitayo ang CVA sa bansa.
Ang CEZA ay isang government-owned and controlled corporation (GOCC). Nakatalaga naman ito upang itatag, itaguyod, pamahalaan, at patakbuhin ang CSEZFP upang magamit bilang isang transhipment hub na may modernong daungan at paliparan. Mayroon din itong malawak na lupain para naman sa pagpapa-unlad ng industriya, komersyo at turismo.
Sa kabilang dako, tinuturing na isang internasyonal na gateway ang CSEZP na may iba’t-ibang napapanatiling industriya at may mga daynamikong aktibidad na pang-ekonomiya sa Asia-Pacific Region. Pinapasigla naman nito ang lokal na pag-unlad at inclusive growth sa Northern Philippines at mga kalapit na lalawigan.