Ni: Louie C. Montemar
KINIKILALA sa ilalim ng Anti-Bullying Act (Republic Act 10627) sa ating bansa ang tinatawag na bullying. Isa itong porma ng pang-aapi o pang-aabuso na nagaganap maging sa loob ng ating mga paaralan. Para sa mga magulang, labis na nakababahalang isipin na maging sa loob ng mga paaralan ay may banta sa kalagayan ng ating mga kabataan.
Malinaw sa batas na ang pang-aapi o pang-aabuso ay higit pa sa pisikal na pinsala tulad ng pagsuntok, pagtulak, o pagsipa. Kabilang din dito ang emosyonal at mental na pang-aabuso na nagdudulot ng emosyonal o sikolohikal na kaguluhan sa isang bata.
Kabilang din sa hinaharap sa batas ang cyber-bullying. Tama naman dahil ang maraming mag-aaral ay may access na sa internet at mobile devices.
Binasa kong muli ang nabanggit na batas dahil kamakailan lang napanood ko ang isang online video tungkol sa isang batang lalaking tila nabiktima ng bullying. Nasuntok at nasipa ng makailang ulit ang bata ng isa pang mas maliit pa ngang bata sa loob ng isang banyo.
Sinasabi ng mga tao na dapat ihinto ang pagbabahagi ng nasabing video upang protektahan ang mga menor-de-edad na kasangkot sa insidente. Hindi ko ibinahagi ang video ngunit sigurado akong wala na ngayong paraan upang itigil ang pagkalat ng meme na iyon — oo, ang isang video naman ay isa ring meme. Sa katunayan, may apa’t na iba’t ibang online videos ng pananakot at paglaban na kasangkot ang batang “sumikat” sa pagbubugbog sa viral na video.
Ngunit ano nga ba ang maaari talagang makapigil sa bullying? Ayon sa pinakahuling istatistika, lalo lamang tumataas ang bilang ng mga nauulat na biktima ng bullying. Nasa 80 porsyento ng lahat ng mga teenager sa bansa ang sinasabing nakaranas na nito.
Ito na lamang ang aking paghuhugutan ng opinyon sa usaping ito — tatlong beses na akong nakaranas ng pambubully. Isang kaso ang natapos dahil agad kong sinabi sa aking ina ang tungkol dito. Ipinaalam naman ng aking mahal na nanay sa ina ng batang bully ang naganap at doon na iyon natapos.
Ngunit ang totoong buhay ay hindi laging simple at kaaya-aya at ang ilang mga bully ay tunay na marahas. Ang iyong Nanay naman ay di-laging nasa paligid upang sumuporta sa iyo. Bukod pa rito, ang ilang mga bata’y walang mga tunay na tumatayo para sa kanila kaya ano na ang gagawin ng isang batang naabuso at naapi? Magtiis?
Ang dalawang iba pang kaso ng pang-aapi o pang-aabuso kung saan nasangkot ako sa aking kabataan ay nagtapos sa mga duguang ilong. Hindi ilong ko ang naging duguan.
Sa madaling salita, ang bawat bata ay dapat matuto o maturuan upang lumaban at ipagtanggol ang kanyang sarili kung kinakailangan.