Ni: Louie Montemar
SA LOOB ng apatnapung taon, isangdaan at dalawampung libong buhay na ang nakitil. Hindi bababa diyan ang naging malaki at kalunos-lunos na halaga ng hidwaan sa Mindanao. Labis-labis na itong dahilan para subukan naman natin ang lahat para sa kaunlaran at kapayapaan.
Ngayong Enero 21, nakasalang sa isang plebisito ang ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL). Kabilang dito ang mga bayang nasasakupan ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) at ang mga lungsod ng Cotabato at Isabela sa Basilan. Sa Pebrero 6 naman gaganapin ang plebisito para sa mga botante sa Lanao del Norte (maliban sa lunsod ng Iligan), sa anim na bayan sa North Cotabato, at iba pang lugar na nagpetisyong mapabilang sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao o BARMM na siyang papalit sa ARMM.
Kung maaprubahan ito sa plebisito, ang BOL ang batas na magsisilbing balangkas ng pamamahala sa isang binagong ARMM. Inaasahang ang BOL ay magpapalawak at magpapalalim pa sa pagpapatupad at pagsasabuhay ng awtonomiya sa mga piling bayan ng Mindanao.
Ayon sa Pangulo, kung matanggap ang BOL sa plebisito, susunod niyang hakbang ang pakikipagpulong kay Nur Misuari na tinuturing niyang kaibigan. Sa tingin niya, makatutulong si Misuari at ang kanyang mga tagatangkilik sa pagtitiyak na maayos ang magiging pagpapatupad sa BOL. Para sa Pangulo, isang napakahalagang salik para sa kaunlaran ng Mindanao ang nasabing batas. Mapapansing ito ngayon ang mas idinidiin niya kesa sa pagbabago ng Konstitusyon para sa isinusulong na federalismo.
Sa huling paglilimi, ang pangarap na awtonomiya ng ating mga kapatid na Mindanaoan ay isang pagnanais na maihubog ang isang maunlad na Mindanao. Kung maitulak nga at mapatupad ang BOL, baka nga hindi na kailanganin pa ang isang pagbabago ng Konstitusyon para maisulong ang kaunlaran sa katimugan.
Bakit nga ba hindi natin subukan ang BOL? Sa limitadong paraan, nakita nating gumana naman ang ARMM para sa ibang pamayanan. Baka naman sa BOL at sa pinaigting na pagsuporta ng iba’t ibang grupong nagtutulak ng pagbabago sa Mindanao —may mga grupo pa nga ng retiradong sundalo na sumusuporta sa BOL —mas dumaloy nga ang ginhawa para sa nakararami.
Suportahan natin ang ating mga kapatid at kababayang Mindanaoan. Pakinggan natin ang hiling ng Pangulo. Bigyan natin ng pagkakataong maipatupad ang BOL.