Babala ng mga eksperto, maraming mawawalan ng trabaho sa bansa kung hindi makakasabay ang ating mga manggagawa sa digitalization.
Ni: Quincy Joel Cahilig
MATINDI ang naging hamon ng inflation o ang bilis ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin at mga serbisyo sa bansa ngayong taon. Labis na sakit sa bulsa at paghigpit ng sinturon ang inabot ni Juan Dela Cruz sa kaliwa’t kanang pagsipa ng petrolyo, bigas, gulay, isda, at pamasahe, na dulot ng maraming aspeto tulad ng supply, presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, at mga bagyong nanalasa sa bansa.
Mabuti na lamang at kahit papaano ay unti-unti nang bumabalik sa normal ang mga presyo nitong nakalipas na mga araw, na bunga rin ng mga polisiyang pinatupad ng administrasyong Duterte.
Isang bagay din na nakapagpapatawid sa mga Pinoy sa mga ganitong hamon ang pagkakaroon ng maraming option ng pagkakakitaan at trabaho sa bansa.
Mula noong 2010, naging stable ang employment numbers ng Pilipinas batay sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ayon kay Labor Undersecretary Renato Ebarle, kada taon ay may average na 2.1 porsyentong pagdami ng bilang ng employment sa bansa.
“The number of employed persons exhibited a generally increasing trend since 2010 though the year-on-year growth was erratic,” wika ni Ebarle.
Nakikita ng DOLE na lalago pa ang employment sa bansa sa mga susunod na taon, na resulta umano ng pagsusumikap ng administrasyong Duterte na makapagbalangkas at makapagpatupad ng mga polisiya at programang mag-aangat sa estado ng labor force.
“The government is on the right track when it comes to enabling policies, such as the ease-of-doing business, implementation of the Build, Build, Build projects, among others,” dagdag pa ni Ebarle.
Nagpahayag ng ganito ang DOLE matapos lumabas ang Third Quarter Social Weather Stations survey kung saan nakasaad na 22 porsyento o 9.8 milyong adult Filipinos ang walang trabaho. Mas mataas ito sa 8.6 million o 18.7 porsyentong naitala nitong Hunyo.
BABALA ng mga eksperto, maraming mawawalan ng trabaho sa bansa kung hindi makakasabay ang ating mga manggagawa sa digitalization.
BUSINESS FRIENDLY PH
Naniniwala naman ang Malacañang na malaking tulong ang magagawa ng pagiging business friendly ng Pilipinas para sa mga nais na makapagtayo ng mga negosyo– Pinoy man o dayuhang negosyante.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, halos walang tigil ang pagsusumikap ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa paghahanap ng mga paraan para pababain ang unemployment rate sa bansa. At isa sa mga mahahalagang polisiya na kaniyang ipinatupad ang Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business Act na naglalayong pabilisin ang processing time ng pagkuha ng business permit, construction permit, pagpapakabit ng linya ng kuryente at property registration.
Nakasaad sa RA 11032 na hindi dapat lumampas sa tatlong araw ang pagproseso ng mga simple business transactions, pitong araw naman para sa mga “more substantial transactions,” at 20 araw naman sa mga “highly technical transactions”.
Layunin din ng naturang batas, na nag-amyenda sa Anti-Red Tape Act of 2007, na burahin ang katiwalian sa lahat ng government agencies sa pamamagitan ng Zero-contact policy upang mas maging kanais-nais ang pagnenegosyo sa Pinas.
Dagdag ni Panelo na patuloy na isusulong din ng pamahalaan ang skills training para sa mga kabataan sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), na ngayon ay pinamumunuan na ni Director-General Isidro Lapeña.
Aniya, “By improving industry-relevant competencies of our youth, especially unutilized, unemployed, and underemployed school dropouts, and increase their opportunities for work experience through skills training,” wika ni Panelo.
SLOW AUTOMATION BANTA SA EMPLOYMENT SECURITY
Sa kabila nito, nagbabala ang ilang eksperto na kailangang pabilisin na ng bansa ang pag-shift sa automation at paghikayat sa mga negosyante na mag-invest sa artificial intelligence (AI) at ang skills upgrade ng mga manggagawa.
Ayon kay Asian Institute of Management senior data scientist Christian Alis, kung hindi ito maisasagawa sa lalong madaling panahon, nasa 900,000 na trabaho ang maaaring mawala, lalo na sa industriya ng Business Processing na isa sa may pinakamalaking ambag sa ekonomiya.
Aniya, medyo napag-iiwanan na kasi ang Pilipinas pagdating sa data science at digitalization kumpara sa ibang mga bansa.
“We’ve been able to talk to different companies in the region and one of the things they told us is we have fewer data infrastructure and fewer data scientists, and that this could lead to lost opportunities and lower competitiveness,” wika ni Alis.
Aniya, hinahanap ngayon ng mga kumpanya ang mga empleyadong may kakayahan sa data analysis at AI-enabled jobs, na sa ngayon ay hindi pa gaanong marami ang may taglay.
“Employers are now looking for a different skill-set. If we cannot provide that, they might look for those people in other countries,” babala ni Alis.
Ayon naman kay Depender Kumar ng accounting and consultancy company na Grant Thornton, kaya mabagal din ang automation sa bansa dahil nahihirapan ang ilang negosyanteng Pinoy na makasabay sa pagbabago ng teknolohiya.
“Your workforce is changing, your technology is changing, so it is slightly difficult to digest change. They could be doing this business for 30 years, 40 years, and suddenly the technology has come and asking them to change is really difficult,” he said.
Kailangang umanong matugunan ang naturang hamon sa pamamagitan ng pagsasanib-pwersa ng gobyerno at mga industry experts para maiangat ang applied science courses sa bansa, upang maihanda ang mga kabataan para sa pagbabagong ito ng industriya.