ALERTO 24 oras na nagbabantay sa mga karagatan ng bansa ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard laban sa banta ng terorismo.
Ni: Quincy Joel Cahilig
Isa ang terorismo sa mga isyu na matagal nang kinakaharap ng gobyerno ng Pilipinas. Ang paghahasik ng kaguluhan ng iba’t-ibang mga bandido, communist, at extremist groups ay talaga namang nakakahadlang sa peace situation, bagay na mahalaga para sa mga investors na gustong mamuhunan sa bansa.
Batay sa Global Terrorism Index report na inilabas ng Institute for Economics & Peace (IEP), nasa pang-sampung pwesto ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang apektado ng terorismo noong 2018; kabilang ang Nigeria, Afghanistan, Syria, Pakistan, Somalia, India,Yemen, Egypt, Congo, Turkey, Libya, South Sudan, Central African Republic, Cameroon, Thailand, Kenya, Sudan, U.S., Ukraine, Mali, at Niger.
Siniguro naman ng Malacañang na seryoso ang pamahalaan sa paglutas sa banta ng terorismo at patuloy pang pinapalakas ang kakayahan ng militar at pulisya upang labanan ang mga pwersang naghahasik ng karahasan sa lipunan.
TINIYAK ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na seryoso ang Duterte administration sa pagsupil sa pwersa ng terorismo sa bansa.
“As one would expect, we are not taking terrorism lightly. Our goal is to totally eradicate rebellion by crushing it as well as providing better services and opportunities for all to achieve a state where there would no longer need for any uprising or armed struggle,” pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Sa kabila ng pagtutol ng ilang grupo, kasalukuyan pa ring umiiral ang martial law sa Mindanao matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation 216 bunsod ng paglusob ng Islamic State-inspired Maute group sa lungsod ng Marawi noong 2017. Ayon kay Panelo ang extension ng martial law sa rehiyon ay dahil sa patuloy na banta sa seguridad ng publiko, bagay na suportado naman ng maraming Pilipino.
Ilan pa sa anti-terrorism steps ng Pangulong Duterte ay ang pag-isyu ng Memorandum Order No.32, na nagpapalakas sa guidelines ng miltar at pulisya sa pagsugpo sa karahasan, at ang pagpapatupad ng Executive Order No.70, na nagtatakda sa pagbuo ng isang national task force para lutasin ang problema sa local communists at insurgencies.
PINAPAYUHAN ng mga government authorities ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak sa paggamit ng internet upang maiwasang ma-brainwash ang mga ito ng mga extremist groups.
PAGBIBIGAY PRIORITY SA PANGANGAILANGAN NG PNP AT AFP
Patuloy ang modernization programs ng Duterte administration sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) upang makasabay sa lumalakas din na kakayahan ng mga terrorist groups sa loob at labas ng bansa.
Kamakailan, inanunsyo ni PNP chief, General Oscar Albayalde ang pagbili ng pulisya sa mga motorized patrol boats at pag-recruit ng karagdagang tauhan para sa maritime operations ng PNP, nagbabantay sa mga borders mula sa pagpuslit ng mga bawal na gamot at pagpasok ng mga terorista.
“We are modernizing our maritime group. We have procurement last year and there will be a portion of our 2019 budget that will be allocated for the capability enhancement,” wika ni Albayalde.
Ayon naman kay Brigadier General Rodelion Jocson ng PNP Maritime Group, dumating na ang pito sa 28 gunboats na naaprubahan noong nakaraang taon at inaasahan ang pagdating ang nalalabi pang gunboats ngayong taon. Oorder din umano ang PNP Maritime Group ng karagdagan pang 18 gunboats at drones ngayong 2019.
Samantala, pinapalakas din ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kakayahan nito gamit ang PHP1.320 bilyon na pondong inilaan para sa pagbili ng speed boats mula sa U.S.
Apat sa 38-meter response boats ang paparating na sa bansa ngayong taon, na may bilis na 40 knots, na kayang habulin ang mga terorista at pirata sa mga karagatan ng Mindanao. Inaasahan na din umanong makukumpleto na ngayong taon ang 40 units ng 33-footer boats na kanilang inorder mula sa mga local shipbuilders.
Patuloy din ang natatanggap na suporta ng Pilipinas mula sa mga malalaking bansa na kaalyado nito tulad ng U.S. na nag-pledge ng PHP300 milyong ayuda para paigtingin ang intelligence operations laban sa extremist groups. Nagpahayag din ng suporta ang France, Russia, Japan, at China sa kampanya ng Pilipinas kontra terorismo.
“Terrorism knows no boundaries, politics, religion and creed. It is the new evil in the world that strikes at every country and every continent and all member-nations of the United Nations really should help and cooperate with each other to combat and crush terrorism,” wika ni Panelo.
MANATILING ALERTO SA ISIS
Habang isinusulat ang artikulong ito, kasalukuyang sinasagupa ng US-backed Syrian Democratic Forces (SDF) ang nalalabing caliphate ng Islamic State in Iraq and Syria (ISIS) sa isang village sa Baghouz. Sa loob ng ilang araw ng paglusob ng SDF at coalition warplanes, matagumpay nilang napasuko ang mahigit 4,000 na ISIS fighters kasama ang kanilang mga pamilya.
Dahil dito, natatanaw ng ilan ang nalalapit na pagguho ng naturang kampo ng mga extremist, na minsa’y naging singlawak ng Britain.
Subali’t kung natitibag na ang pwersa ng IS sa middle east, kasalukuyan din namang umuusbong ang panibagong pwersa nito sa ibang panig ng mundo. At ayon sa mga ulat, ito’y sa Mindanao.
Taong 2016 nang magsimula ang malawakang recruitment ng ISIS sa Mindanao sa pamamagitan ng online videos at marami-rami umano silang nahikayat sa loob at labas ng bansa. Taong 2017, ang mga militanteng sumanib sa IS na Maute Group ang lumusob sa Marawi, kung saan nakita rin na mayroong mga foreigners sa kanilang hanay. Matapos ang mahigit limang buwang bakbakan na kumitil sa buhay ng 900 insurgents, nagtagumpay ang pwersa ng pamahalaan ng Pilipinas. Nguni’t naniniwala ang ilan na reresbak pa ang IS sa bansa.
Nitong Enero, ginimbal ng kambal na pambobomba ang Jolo, Sulu, na kilalang balwarte ng Abu Sayyaf terrorist group, na sinasabing sumapi na rin sa IS. Mahigit 20 katao ang nasawi at marami ang sugatan sa naturang pagsabog.
Naunang inako ng ISIS ang naturang twin blasts. Nguni’t tinukoy ng pamahalaan na ang bandidong Abu Sayyaf ang may kagagawan.
Ayon kay Rommel Banlaoi, chairman ng Philippine Institute for Peace, Violence, and Terrorism Research, maraming financial resources ang IS at patuloy ang pagrecruit nila ng fighters.
“ISIS is the most complicated, evolving problem for the Philippines today, and we should not pretend that it doesn’t exist because we don’t want it to exist,” babala ni Banlaoi.
WAR ON TERRORISM, NAGSISIMULA SA TAHANAN
Sinabi naman ni Sidney Jones, director ng Institute for Policy Analysis of Conflict na nakabase sa Indonesia, tinatarget ng ISIS ang mga kabataan na gawing recruits.
“The government didn’t recognize its strength in attracting everyone from university-educated students to Abu Sayyaf kids in the jungle. Whatever happens to the pro-ISIS coalition in Mindanao, it has left behind the idea of an Islamic state as a desirable alternative to corrupt democracy,” aniya.
Kaya naman pinapayuhan ng isang socio-anthropology professor sa Philippine Military Academy (PMA) ang mga magulang na bantayang mabuti ang kan
ilang mga anak sa social media. Ayon kay Capt. Sherhanna Paiso, military science professor at chief ng education branch ng PMA, mahalagang malaman ng mga magulang kung sino-sino ang kausap ng kanilang mga anak sa social media gayon din ang mga tanda kung ang kanilang anak ay nahawahan ng radicalization, na ipinanghihikayat ng mga extremist groups sa mga menor de edad na may kakulangan pa sa critical thinking skills.
Aniya, kapag pinalitan ng isang bata ang kanyang profile picture na nakasuot ito ng maskara ng ISIS o ISIS flag, ibig sabihin ay naimpluwensyahan na ito ng radicalization.
“If you are in a group the promotes violence, there is a tendency for you also to become violent individual. Remember, prevention is always better than cure,” wika ni Paiso.
Payo din ng military prof na iwasan ang pag-stereotype sa mga Muslims bilang “terrorists” at “bombers” para maiwasang mahikayat ang mga Muslim youth na sumapi sa mga grupong nagpapasimuno ng karahasan.