Ni: Louie Montemar
HIGIT 17,200 na kaso ng tigdas ang naiulat ngayong 2018 sa ating bansa ayon sa World Health Organization (WHO). Kumpara sa datos noong 2017, nagpapakita ito ng nakababahalang pagtaas na 367 na porsyento.
Napakalaki na nang naging kontribusyon ng pagbabakuna sa kalusugan ng sangkatauhan. Halimbawa na lamang, dahil sa pagbabakuna, wala nang kaso ng smallpox at rinderpest na naitatala sa buong mundo.
Nagsimula sa pandaigdigang antas ang programa ng pagbabakuna sa Expanded Program of Immunization ng WHO noong 1974. Dahil sa mga pagkilos mula rito, halos wala ng polio at naging matagumpay ang pagkontrol sa tigdas sa lahat halos ng bansa.
Sa kabila nito at sa iba’t-ibang kadahilanan, marami pa ang dapat gawin upang mapaunlad at maitaguyod pang higit ang pagbabakuna. Humigit-kumulang sa 6.6 milyong bata ang namamatay bawat taon at mga kalahati ng mga pagkamatay na ito ay dulot ng mga impeksyon, kabilang ang pneumonia at diarrhea, na maaari naman sanang napigilan ng pagbabakuna.
Sa ating bansa ngayon, ano ang magpapaliwanag sa ganito katinding pagtaas ng bilang ng kaso ng tigdas?
May mga nagsasabing malamang na dahil ito sa takot ng mga magulang sa naging kaso ng Dengvaxia. Marami tuloy ang tumatangging pabakunahan ang kanilang mga anak. Maaari nga. Sino ba naman kasi ang hindi mag-aalala sa nababalita sa mga batang naturukan nito.
Kailangang maghigpit ang pamahalaan. Kailangan ng mahusay at matiyagang pagpapaliwanag mula sa ating mga doktor at opisyal ng Department of Health. Kailangan malabanan ang kung anu-anong maling pananaw at balitang kumakalat dahil sa usapin ng Dengvaxia at pagbabakuna.
Isa lang naman talaga ang kailangang bigyang-diin at maitama sa isip ng lahat — ayon sa mga pag-aaral mataas ang panganib ng sakit at iba pang komplikasyon gaya ng pagkamatay sa mga batang hindi nabakunahan.
Pumunta sa pinakamalapit na health center para mabakunahan ang ating mga anak. Bakunahan natin ang ating sarili laban sa kahangalan at kamangmangan.