JAO DAYANDANTE
POSIBLENG mag-unahan ang dalawang sikat na management team sa Amerika kung sino ang makakakuha ng kontrata sa susunod na laban ni Pinoy Ring Icon Sen. Manny Pacquiao.
Kasunod ito ng pagpirma ng kontrata ni Pacquiao sa Paradigm Sports Management habang umiiral din ang deal nito sa promotional aspect sa premiere boxing champions na kaalyado ni Retired Boxing Champion Floyd Mayweather Jr.
Habang hawak naman ng Paradigm ang MMA superstar na si Connor Mcgregor.
Agad namang nilinaw ni Arnold Vegafria, business manager ni Pacquiao, na wala namang conflict sa dalawa.
Naniniwala naman si Jake Joson, miyembro ng Team Pacquiao, na sinuman sa dalawang kompanya ang unang makakuha ng kongkretong deal ay pag-aaralan ito ng Pinoy Ring Icon kung sino ang tatanggapin.
Ayon kay Joson, sa edad ngayon na 41-anyos ni Pacman ay mahalagang makapili raw ito ng best deal lalo na at maaaring ilang laban na lamang ang natitira para sa kanyang career.