Ni: Janet Rebusio-Ducayag
MAY isang coffee shop at noodle house sa Malate, Maynila na ngayon ay usap-usapan dahil sa ganda ng ambience nito bukod sa masarap na Japanese ramen.
Sadya ngang nakakatawag-pansin dahil na rin sa kakaibang disenyo nito – nangingibabaw ang personalidad ng may-ari nitong si Christian “Chris” Espiritu Enzo, 25 at ng kanyang idolong si Britney Spears. Ang kulay rosas na kapaligiran ay sapat na upang balik-balikan ang kakaibang coffee shop cum restaurant, na ito.
Si Chris ay isang multi-talented restaurateur. Siya ay isa ring travel blogger, artist at paddler. Ginawa na niyang regular na pasyalan ang Japan, kung saan ay kumukuha siya ng makabagong ideya upang lalong mapalago ang “In the Zone Ramen and Café” na matatagpuan sa 1867-Ma. Orosa, Malate, Maynila.
Ina ang ‘driving force’ sa pagnenegosyo
May isang taon na ang restawran ni Chris at lalo lamang siyang nagpupursigeng umasenso dahil ang ina umano niyang si Victoria “Vicky” Espiritu ang kanyang inspirasyon. “Siyempre ang asawa ko ring si Jennie at anak kong si Sean,” aniya, nguni’t sa nakita niya umanong pagiging hands-on businesswoman ng ina niya ang nagtulak sa kanya upang magkaroon ng sariling negosyo. Maliit pa siya ay mulat na umano eto sa kinagisnang negosyo ng ina – ang recruitment agency at noodle house.
Si Vicky ang unang nagtayo ng mura ngunit masarap na ramen house sa Malate at Ermita area, ayon kay Chris. “Pang-masa ang presyo ni Mama. Nakita ko rin kung paano niya pinalaki ang dati ay maliit lang na noodle house. Dati ay mga Japanese at local tourists lang ang dumadayo sa “Vest Ramen in Town” sa may Adriatico, nguni’t ito’y kilalang-kilala na sa Ermita at Malate. Nasunog pa umano ito noong 2016 subali’t nang muli itong itayo sa madaling panahon ay mas pinalaki pa.
Si Chris bilang tunay na artist
Si Chris ay graduate ng Multimedia Arts course major in graphics, visual and arts, kaya’t kitang-kita ang pagiging artistiko nito sa mga dekorasyon ng kanyang restawran, ganon din sa mga pangalan ng menu dito. Ang simpleng Japanese Tantan ramen ay tinatawag na “Baby One More Tan2,” mula sa pinasikat na kanta ng pop superstar Britney Spears na “Baby One More Time.” Ang violet ramen ay kilala sa tawag na “It’s Britney Bitch,” at maging ang ice cream ay may kakaiba ring tawag at flavor — Ice Cream and Shout, Creamynal at Banana Come Over. Halos lahat ay binigyan ng ‘twist’ ni Chris. Ang mga mabiling menu ay tinuturing na ‘greatest’ at ‘smash’ hits.
Maaring tawaging kakaiba o unique ang pananaw sa buhay at panlasa ni Chris na naniniwalang ang susi ng kanyang tagumpay sa negosyo at ibang hamon ng buhay at panahon ay ang pagkaroon ng pangarap, plano at pagsasakatuparan nito. “Masasabi kong matagumpay ako based doon sa natupad ko na goals at hindi pa lubusan dahil mayroon pa akong dapat isagawa o tuparin,” giit ni Chris, na ayon sa mga kaibigan at kustomer ay may mala-artistang hitsura at aura, dahil sa napakakinis nitong kutis. “I owe everything to God, my family and close friends,” pahayag ng batang entrepreneur.
Ngayon ay may 10 empleyado si Chris, na nagsasabing lalong lumalakas ang negosyo dahil sa blog ng kanilang boss sa you tube at facebook.
Ano ba ang hinaharap ng negosyo niya limang taon mula ngayon? Plano ng pamilya ni Chris na magbukas ng sangay sa may bahaging timog ng bansa ang matagumpay na “In the Zone.” Bukod umano sa pangarap na pagpalaki pa ng negosyo, nais rin ni Chris na makatulong sa pamamagitan ng pagbigay-trabaho sa maraming tao.
Ang kanyang ina ay kilalang philanthropist at charitable sa mga nangangailangan. “Sa ramen house ni Mommy, kahit sino yatang dumadaan at nagugutom ay pinakakain niya ng libre kaya ito rin, I believe, ang reason why she’s lucky in almost everything,” pagtatapat ni Chris.
Ayon kay Chris, ang isang kabataan na nais umasenso ay dapat lang na magtiwala sa sarili na kaya niyang gawin ang isang bagay; isakatuparan ito; tumulong sa mga nangangailangan; huwag makalimot sa Panginoon at igalang ang mga nakatatanda.
Isa pang hilig ni Chris ay ang pagiging travel blogger. Halos naikot na niya ang buong Pilipinas at ang bawa’t biyahe ay kanyang idinodokumento upang maibahagi sa iba lalo na sa mga travellers.
Aktibo rin siya bilang miyembro ng Philippine Dragon Boat paddlers, na makailang-beses nanalo sa mga international competitions.
Ang failure o pagsablay ayon kay Chris, ay palamuti o spice lang ng buhay upang lalong magsikap at umasenso, hindi lang para sa sarili kundi sa mga mahal sa buhay at mga taong nagmamahal sa atin. “Ang mahalaga, huwag tayong sumuko. Tuloy lang sa pakikibaka,” pagtatapos ng batang restaurateur.