EUGENE FLORES
NAGLABAS na ng paunang pondo ang European Union o EU na ilalaan para sa humanitarian aid ngayong taong 2020.
Ayon sa EU ay nasa 900 milyon euros o 998 milyon US dollars ang ilalaan nila para matulungan ang iba’t-ibang bansa na nakararanas ng iba’t-ibang krisis sa kasalukuyan.
Bagama’t mas mababa ang budget ngayon kumpara noong 2019 kung saan umabot ito ng record-breaking 1.6 bilyon euros, tinitiyak nilang marami pa rin ang matutulungan nito lalo na ang mga bansa sa Africa at sa Middle East.
“Even though conflict remains the main cause of hunger and displacement, its impact has become seriously worsened by climate change,” wika ni EU commissioner for crisis management Janez Lenarčič.
“Europe has a responsibility to show solidarity and support for those in need. Our assistance depends on full humanitarian access so aid organizations can do their life-saving job,” dagdag nito.
Tantya ng paggagamitan ng pondo
Para sa mga programang papalawigin at papalakasin sa Africa, maglalaan ang EU ng nasa 444 milyon US dollar; nasa 383 milyon US dollar naman ang mapupunta sa Middle East sa harap ng krisis sa Syria, mga refugee sa mga kalapit-bansa at maging ang kritikal na kondisyon ngayon sa Yemen.
Makakatanggap din ng tulong ang mga bansa sa Asya at Latin America ngunit hindi kasing-laki ng ibang lugar kung saan matindi ang krisis na nararanasan.
Aabot umano sa mahigit 80 bansa ang matutulungan ng humanitarian aid budget ng EU.