Ni: Crysalie Ann Montalbo
SA kasalukuyang panahon, hindi pa rin biro ang araw-araw na gastusin kaya nais nating makapagtipid ngunit hindi rin naman natin hahayaang limitahan tayo sa mga bagay na gusto nating mabili at makuha.
Dito sa ating bansa, one-third ng kabuuang populasyon ay mga milenyal. At alam ng nakararami, sila ang pinakamalaking target ng mga kumpanya pagdating sa pagbebenta. Lagi itong nagbubukas ng maraming oportunidad sa mga kumpanya na magtayo ng mga tindahan na kukumbinsi sa bawat milenyal na bumili o tangkilikin ang kanilang mga produkto.
At dahil na rin sa takbo ng ekonomiya, karaniwan na sa mga Pinoy ang paghahanap ng mga budget-friendly store na talagang makakatulong sa pag-stretch ng ating kinikita. Nagiging numero-uno rin at tila dagdag puntos nga ang atraksyon na nagsisilbing stratehiya upang mas mahikayat pa ang mga mamimili na puntahan ito.
Kaya kung ikaw ay nabibilang sa mga mamimili sa bracket na ito, maaari ka nang magtungo sa mga tindahan na siguradong papatok sa iyo at sa pamilya, kasintahan at pati sa mga magkakaibigan.
Ating alamin at silipin ang mga ilan sa mga tipid stores na maaari mong puntahan:
ANG Miniso ay isa mga kilalang mall store na dinarayo ng mga milenyal ngayon.
MINISO Japan Store
Nadiskubre ang MINISO noong 2013 ng Chinese entrepreneur na si Ye Guofu at Japanese designer Miyaki Junya. Sa maikling oras ay nagbukas ang mahigit 1,800 stores sa 40 na bansa. Ayon kay Ye, ang MINISO ay isang negosyong may brick-and-mortar model na itinayo kasama ang e-commerce. Sa tulong ng mabuting pagsusuri sa kanilang mga kostumer at kakaibang atraksyon, nagawa nila itong maging kakaiba sa mga online store, ang magbigay ng magandang karanasan.
“Moreover, as a consumer myself, I deeply understand that consumers all desire a combination of high quality and low price, instead of low price and poor quality. And after going around Europe, America, Japan and South Korea, and learning from their retailing expertise, we established MINISO,” sabi ni Ye sa isang panayam.
Malaking bahagi sa pagtatayo ng MINISO ang kanilang temang minimalism o ang pagiging simple, hindi gaanong magarbo, na mabilis nman tinanggap ng mga konsyumer hanggang ngayon. Nagpapatunay rin ito na hinahabol ng mga mamimili ang simpleng istilo ngunit magandang kalidad na aayon sa kanilang perspektibo.
Nakapagpatayo na rin ng mahigit 20 stores ang MINISO dito sa Pilipinas. Sa loob ng MINISO ay may mga produkto na siguradong hahanap-hanapin ng mga mamimili lalo na sa mga naghahangad ng simple ngunit fashionable na kagamitan. Mayroon ditong mga health and beauty products, digital accessories, school and office supplies, mga panregalo at marami pang iba.
Bukod sa pagiging simple, layunin rin ng MINISO na magtamo ng mataas na kalidad ng produkto nang hindi hinahayaan malagay sa alanganin ang proteksyon ng ating kapaligiran. Inilalaan rin ang ligtas na materyales na ginagamit sa pagbuo ng mga produkto.
Ang DAISO ay kinikilala bilang “Japanese dollar store.”
Daiso
Ang Daiso ay naitayo noong 1972 sa pangunguna ni Hirotake Yano. Una itong pinangalanan bilang Yano Shoten subalit sa di kalaunan ay naging isang corporate company at tinawag itong Daiso noong 1977.
Dulot ng kanilang magandang konsepto na 100 yen store, nabigyan sila ng pansin nang inilabas ito noong Abril taong 1991.
Sa kanilang misyong “Find Surprises & Fun!” ay talagang binabalik-balikan ng maraming kostumer ang tinaguriang Japanese dollar store. Bukod sa napaka-cute na disenyo ng kanilang mga produkto ay talaga namang mura pa at pasok na pasok sa budget.
Tulad ng Miniso, ang Daiso ay nagbebenta rin ng produkto na may kinalaman sa health and beauty, mga kagamitang pang-opisina at eskuwelahan, mga budget-friendly na panregalo para sa magulang, kapatid, kaibigan o kasintahan at marami pang iba pa.
Sa ngayon ay may mahigit na 4,000 stores na ang Daiso sa buong mundo kabilang na rito ang Pilipinas. Good news ito para sa mga gustong makatipid dahil mabibili ang kanilang produkto sa nagsisimulang halaga na P88.
DITO sa Japan Home Center, makikita mo ang kanilang kakaibang istilo sa mala-Pinoy na produkto.
Japan Home Center
Taong 2004 nang nagsimula ang Japan Home Center mula sa isang seksyon lamang ng nangungunang hardware chain store dito sa Pilipinas. At bago matapos ang taon ay napunan ng biyaya ang JHC at nagbukas ito ng sarili nilang store sa Market Market, Bonifacio Global City at mainit na sinalubong ng publiko. At matapos ang isang taon ay nagbukas ang nasa labinlimang branches sa Metro Manila. Sa ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang paglawak ng JHC sa buong bansa.
Sa kanilang prinsipyong “Costumer First,” ang Japan Home Center ay may pareho ring layunin tulad ng iba pang budget store, ang makapagbigay ng magandang serbisyo sa pamamagitan ng kanilang mataas na kalidad, mababang presyo at ang pagkaengganyo ng kanilang mga mamimili. Ipinagmamalaki nila ang kanilang slogan na “Check Us First.”
Kakaiba ang istratehiya ng Japan Home Center. Ito ay isang Japanese store ngunit ang kanilang mga produkto ay mala-Filipino ang istilo. Tulad ng Daiso, nagsisimula ang presyo ng kanilang produkto sa halagang P88 at hindi na ito tutumbas sa minimum wage.
Hindi lang mga milenyal ang namimili dito. Natuklasan na rin ito ng mamimili mula sa iba’t-ibang sektor at iba’t-ibang edad dahil sa dami ng mabibili rito.
Ang mga nais magtayo ng negosyo na tutugon sa panlasa ng mga Pinoy na budget-friendly ay makakapulot ng kaalaman at inspirasyon sa mga stores na nabanggit. Sa mga naghahangad ng maunlad na pagkakakitaan, ang susi ay nasa pagiging malikhain pagdating sa pagpaplano o pagtatayo ng negosyo.