Ni: Edmund C. Gallanosa
MATAAS ang kumpiyansa ng koponang Pilipinas sa FIBA Asia Qualifier. Buhay na buhay pa ang pag-asa natin sa liga.
Matiyagang nag-aantay ang sambayanan sa susunod na round ng FIBA Asia Qualifier ngayong buwan na ito. Una, sabik ang nakakarami na mapanood ang muling pagtitimon ng ganap nang Philippine national coach na si Yeng Guiao. At ikalawa, pinakaa-abangan ang pagkabuo ng mas malakas pang koponan sa pagdating ng ilan pang manlalaro.
Papasok muli ang Pilipinas sa panibagong yugto ng pambansang basketbol. Ang pagkakaiba ngayon, may basbas na pagtutulungan ang ibinibigay kay Coach Yeng mula sa SBP (Samahang Basketbolista ng Pilipinas) at ng PBA (Philippine Basketball Association). At sa pagkakataong ito, umayon ang lahat ng koponan sa PBA na magpahiram ng kanilang mga players —ilan at sinoman ang kakailanganin. And the rest, anila, ay history na.
Si Coach Yeng ang masasabi nating susi sa pagkakatahi-tahi ng iba’t ibang pananaw ng SBP, PBA at ng FIBA na magkaroon ng isang highly competitive na koponan ang Pilipinas.
Kung hindi sa kaniyang pagpupursige, hindi na sana nakasali sa 2018 Asian Games ang Pilipinas. Naging blessing-in-disguise pa ang pagsabak ng Pilipinas sa Asian Games, na bagama’t panlima lamang tayo, nakakita ng bagong stratehiya ang mga opisyales ng SBP at PBA. Kung sakaling si Guiao ang hahawak ng tropa ng national team, ano kaya ang mangyayari sa ating koponan?
Ngayong bukas na bukas muli ang pinto para sa pagpili ng manlalaro ni Coach Yeng, inaasahang babalasahin niyang maigi ang talentong nasa sa kamay na niya. Isa ang siguradong magaganap—masusulyapan ngayon ang pinaka-matangkad na lineup sa kasaysayan ng basketbol sa Pilipinas.
Tignan natin ang posibleng mga winning combination na gagamitin ni Coach Yeng Guiao para sa Team Pilipinas.
Greg Slaughter at June Mar Fajardo; Ian Sanggalang at Japeth Aguilar.
Ito ang pinaka-aantay ng nakakarami, ang makitang maglaro nang sabay ang dalawang higante ng PBA. Kung tutuusin pupwede talaga itong mangyari. Si Greg ay natural na sentro samantalang si June Mar naman ay puwedeng maglaro bilang center-forward. Si Ian naman at Japeth ay maaaring kapalitan nina Greg at June Mar subalit mas kapana-panabik kung sakaling magsabay ang apat sa loob ng court. Sentro si Slaughter, habang magkabilang forward ang laro nina Sanggalang o Aguilar, kasama si Fajardo. Maaaring mag-slide bilang big guard-forward sina Japeth at Ian — ang imposible sa iba, posible kay Coach Yeng.
Kai Sotto at Ricci Rivero; Jayson Castro, Paul Lee, at LA Tenorio.
Huwag mabibigla kung makikita sa line-up ang batang-bata na 7’1 na si Kai Sotto. Tinuturing na national treasure si Kai at para kay Coach Yeng, mainam nang maisabak na habang maaga sa international scene si Kai at nang maturuan ito ng aktwal na diskarte sa paglalaro kasama ang mga kuya na sina Slaughter at Fajardo. Iba naman ang kalidad ni Ricci Rivero na sanay sa pisikal na laro, mabilis, may outside shooting at mas lalong deadly sa open court.
Ang tulad nila Castro, Lee at Tenorio naman ang magbibigay ng sakit ng ulo sa backcourt. Madami pa itong pahihirapan sa mga darating pang laro ng Pilipinas. Mga wais at beterano, hindi madaling mabasa ang galaw nila para magpahirap sa mga makakalaban. Shooters ang mga ito at mabalasik sa open court at bihasa pa sa fastbreaks.
Matthew Wright, Marcio Lassiter at Alex Cabagnot
Pinaka-matitinik na wingman at deadly shooters sina Matthew, Marcio at Alex para sa bansa. Guwardiyado ang ilalim ng malalaki samantalang kanan at kaliwa silang pwedeng pagpasahan para sa mga long shot. Malaki ang pag-asa nating pumantay sa ibang koponan tulad ng malalaking Iranians at Australians kung magagamit nang wasto ang malalaki natin kasabay ng mga wingmen na deadly accurate sa 3-point area.
Beau Belga, Troy Rosario, Gabe Norwood, JP Erram.
Ang apat na ito ay hindi naman matatawaran pagdating sa depensa. Malalaki at ready sa banggaan, hindi rin naman aatras ang mga ito kung takbuhan naman ang pag-uusapan. Kapag lumabas ang tatlong malalaki, maaaring pamalit ang sinoman sa kanila at maiiba nanaman ang tema ng depensa para sa mga kalaban.
Stanley Pringle, at Christian Standhardinger; Arwind Santos at Scottie Thompson.
Naipakita na kung ano ang magagawa nina Stanley Pringle at Christian Standhardinger bilang miyembro ng Team Pilipinas-FIBA. Hindi sasayangin ni Coach Yeng ang pagkakataong gamitin nang wasto ang dalawang ito—bilang alternate naturalized players. Hindi naman matatawaran ang madadalang hussle nina Arwind Santos at guard-rebounding Scottie Thompson sa international scene. Siguradong madaming gugulantangin ang dalawang ito.
Hindi pa natin lubos na nakikita ang full strategy ni Coach Yeng para sa Team Pilipinas. Nasulyapan natin nang kaunti noong Asian Games ang tirada niya, at kaunti pang muli noong magsimula ang 4th round ng FIBA kontra sa Iran at Qatar. Ngayong mas mahaba ang panahon nang paghahanda ng koponan, inaasahang ibubuhos ni Coach Yeng ang kaniyang nalalaman sa pagbuhat sa Team Pilipinas para sa FIBA.