JHOMEL SANTOS
NANGAKO ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi na mangyayari muli sa Marawi City ang pag-atake ng teroristang Maute Group noong taong 2017.
Ayon kay AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) Spokesperson Lieutenant General Cirilito Sobejana, hindi na mangyayari ulit ang pag-atake sa nasabing siyudad dahil nabawasan na ang lakas ng mga teroristang grupo.
Sinabi ni Sobejana na patuloy ang pagtugis ng tropa ng gobiyerno sa mga natitira pang miyembro ng Maute Group na patuloy na nagtatago.
Bukod sa nasabing grupo ay patuloy din umanong tinutugis ang iba pang mga terrorist group tulad ng Abu Sayyaf Group (ASG), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Jemaah Islamiyah.
Batay sa datos ng WestMinCom, walo pang terorista ang kumpirmadong nasa bansa habang animnapu ang patuloy pa nilang bina-validate.
Aniya, ang mga teroristang ito ay walang kakayahan na magsagawa ng atake tulad ng nangyari sa 2017 Marawi Siege.