Ni: Maridel S. Cruz
DI na marahil bago ang pagkakaroon ng isa o higit pa na overseas contract worker (OFW) sa bawat pamilyang Filipino. Marami ang tinitiis na mawalay sa kani-kanilang pamilya maranasan lamang ang kaunting ginhawa at maalwang buhay na pinapangarap. Isa sanang malaking sagot sa panalangin kung ito nga ang bunga ng sakripisyo at pagsisikap, ngunit paano kung kabaligtaran ang mangyari?
Sa mga taong nagdaan, di maikukubli ang dami ng ating mga kababayan na dumanas ng malagim at di makataong pagmamaltrato mula sa mga dayuhang amo. Ito ang dahilan kung bakit pinagtutuunan ngayon ng pansin ang paglutas sa panganib na dulot ng overseas employment ng ating gobyerno.
Anong Panganib ang Naghihintay?
Nito lamang Pebrero 16, isang malamig na bangkay ang inuwi mula sa bansang Kuwait. Siya si Joanna Demafelis, 29 taong gulang. Huli siyang nakausap ng mga kaanak noong 2016. Pinaniniwalaang dumanas sya ng matinding pambubugbog na ikinabali ng ka-nyang mga buto at internal bleeding. Marami ring natagpuang marka ng torture at palatandaan na siya ay sinakal hanggang sa mawalan ng hininga. Natagpuan ang kanyang katawan sa loob ng isang freezer kung saan siya itinago ng higit sa isang taon.
Dahil sa pangyayaring ito, nabuhay muli ang poot sa puso ng mamamayang Pilipino. Sino nga ba ang makakalimot sa mga nakaraang pang-aabuso na dinanas ng mga OFW sa kamay ng mga dayuhang employers lalo na sa mga bansa sa Gitnang Silangan?
Jennifer Dalquez: Limang Taong Pagkakakulong
Tumatayong ama at ina sa dalawang anak, si Jennifer Dalquez ay namasukan bilang domestic helper sa Abu Dhabi. Isang police officer ang kanyang naging amo.
Nakaligtas siya sa ekseku-syon sa bansang UAE matapos mapawalang sala sa kasong pagpatay sa kanyang emplo-yer matapos siyang pagtangkaang gahasain at tutukan ng kutsilyo, noong 2017. Kapalit naman nito ang pagkakakulong sa loob ng 5 taon.
Joselito Zapanta: Di Na Muling Nakauwi
Ang 35 taong gulang na construction worker na si Joselito Zapanta ay nasintensyahan ng kamatayan sa salang pagpatay sa Riyadh,Saudi Arabia noong April 2010. Ito ay sa kasong pagpatay sa isang Sudanese na nagngangalang Imam Ibrahim noong 2009.
Bagamat nag-ahin ng Affidavit of Forgiveness at pag-likom ng kanyang pamilya ng halos Php20 milyon para sa blood money, natuloy ang kanyang eksekusyon at ni katawan niya ay di nagawang maibalik sa Pilipinas. Ito ay dahil sa kinailangang sumunod sa batas ng Saudi Arabia na hindi maaring pabalikin sa sariling bayan ang sinumang sumailalim sa eksekusyon.
Flor Contemplacion: Pwersahang Pangungumpisal
Tumatak sa puso ng bawat Pilipino ang kaso ni Flor Contemplacion. Namasukan bilang isang katulong sa edad na 42 sa Singapore noong taong 1991. Bagamat napilitan lamang na aminin ang pagpatay, nasintensyahan ito ng kamatayan noong 1995 dahil sa pagpatay sa kapwa OFW na si Delia Maga at ang 4 na taong gulang na alaga nito, si Nicholas Huang. Ito ay sa kabila ng matinding negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Singapore. Ang resulta: pagkasira ng relasyon ng dalawang bansa at pagkagalit ng sambayanang Pilipino sa sinapit ni Contemplacion.
Sarah Balabagan: Sandaang Hagupit Kapalit ng Bala
Isang teenager na pineke ang edad makapagtrabaho lamang sa ibang bansa, si Sarah Balabagan ay kinasuhan ng pagpatay noong 1995 sa United Arab Emirates (UAE). Ito ay matapos nyang saksakin ng 34 beses ang ka-nyang employer dahil sa pagtatangkang gahasain siya ng makailang beses.
Sa tulong ng embahada ng Pilipinas sa UAE, ang sentensya niyang execution by a firing squad ay naibaba sa isang taon na pagkakakulong, sandaang hagupit at multa na nagkakahalaga ng halos 2 milyon.
Ilan lamang ang mga nabanggit na pangalan sa mga naging kontrobersyal na kaso at naging larawan ng pagharap sa realidad ng pa-nganib sa Overseas employment.
IPINASA ni Senator Grace Poe ang Senate Resolution No. 636 upang makagawa ng mga batas na naayon sa pagprotekta sa ating mga OFW’s at kanilang mga pamilya, bago, habang at matapos madeploy sa ibang bansa.
Ugat ng Pang-aabuso
Sa pananaw ni Susan Toots Ople, Head ng Blas Ople Po-licy Center, ang pang-aabuso ay naguugat sa pagtanggi na ituring na mga tao ang manggagawang Pilipino. Sa halip, ang mga manggagawa ay itinuturing na alipin at kala-kal. Isang bagay na kanilang nabili.
Sinabi pa ni Ople na mapaemosyonal o pisikal man ang pag-aabuso, ito ay nag-iiwan ng pangmatagalan at matinding trauma. Karamihan sa ating mga kababaihang domestic helper ay walang kalaban laban sa kanilang mga amo lalo na’t kinuha na ang kanilang pasaporte, cellphone para makausap ang pamilya at karapatang makapagpahinga.
Tunay nga na kailangan ng makialam ang ating gobyerno upang maiwasan ang pagka “robotize” ng ating mga kababayang OFW.
Paraan Para Protektahan
Ang katanungang dapat sagutin ngayon ay kung paano mapoprotektahan ang mga OFW at kung ano ang magagawa ng gobyerno upang maisakatuparan ang mga ito?
Ayon kay Raul Dado, Exe-cutive Director for the Office for Migrant Worker Affairs of the Department of Foreign Affairs (DFA), ang malakas na paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga mapang-abusong employer sa ibang bansa ay isang malaking tulong para labanan ang maling pagtrato sa ating mga OFW. Ito ay nagbigay daan para mabuksan ang negosasyon para sa mas maayos na pagtrato sa ating mga manggagawa.
Dagdag pa ni Ople, parte ng ating karapatang sobe-ranya bilang isang bansa na magdesisyon kung saang pinakamainam na bansa tayo na malayang makapagpapadala ng ating mga manggagawa.
Nito lamang Pebrero 19, ipinasa ni Senator Grace Poe ang Senate Resolution No. 636, upang ipatawag ang Se-nate committees on labor, employment at human resources development, pati na rin ang foreign relations upang im-bestigahan ang mga namatay at biktima ng pagmamaltrato sa OFWs sa mga nakaraang taon.
Ito ay kinailangang gawin upang matulungan ang ating mga mambabatas sa paggawa ng polisiya na poprotekta sa mga OFWs at kanilang mga pamilya, bago, habang at pagkatapos nilang mangibang bansa.
Ang resolusyon ay naglalayon din na masolusyonan ang mga karaniwang pro-blema na kinakaharap ng mga OFW tulad ng illegal recruitment, mapangabusong employer, mataas na placement fee at pagkakasangkot sa mga krimen na hindi naman nila ginawa.