Ni: Rommel Placente
ANG bunsong kapatid ni Ara Mina na si Batching ay may Down syndrome. Kaya naman malapit ang loob ng aktres sa mga batang may ganitong mental condition. Bilang suporta ni Ara sa mga may Down syndrome, gumagawa siya ng mga proyekto, na ang part ng proceeds ay napupunta sa Down Syndrome Association of the Philippines. Inc. (DSAPI) kung saan miyembro nito si Batching.
Taong 2007 nang u-nang mag-fund raising si Ara para sa DSAPI sa pamamagitan ng isang concert sa Araneta Coliseum billed as “Loving Ara” This time, isang fun run, na tinawag ni Ara na “tARA na sa ARena..Celebrity Fun Run” ang proyekto niya para sa nasabing foundation. Ito ay ginanap noong May 27 sa Philippine Arena sa Bocaue Bulacan. Tumakbo si Ara kasama ang ilang celebrities at participants paikot sa Phi-lippine Arena visinity. Ang ilan sa mga celebrities na nagpa-participate sa “tARA na sa ARena” ay sina Jaycee Parker, Jenny Miller, LJ Moreno, Say Alonzo, Cristine Bersola Babao, Jan Marini, Diana Zubiri, Ken Chan, at ang mag-asawang Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado. Ang DSAPI ay kasing-edad ni Batching.
“Taong 1992 kasi siya itinatag at 1992 din ipinanganak si Batching. Pareho na silang 26 years old,” sabi ni Ara.
ANG PAGKAKAROON NG KAPATID NA MAY DOWN SYNDROME
Kamusta ang pagkakaroon ng kapatid na may Down syndrome?
“Mahirap,” sagot ni Ara
“Kasi ang mga may Down syndrome, may tantrums sila. Minsan, nananakit sila. Ka-ilangan lagi silang may acti-vity, para run ang focus nila.
“Dati sa akin nakatira si Batching, pero ngayon dun muna siya sa mommy ko. Kasi pag nasa akin siya, tumataba siya e, lagi ko siyang pinapakain. E, sa mommy ko, diyeta siya. May diabetis kasi siya. Kapag tumaba siya nang husto, tapos pag nagkasugat matagal gumaling,”
HINDI LANG MAY DOWN SYNDROME ANG TINUTULUNGAN
Kahanga-hanga talaga si Ara, dahil hindi lang ang mga batang may Down syndrome ang tinutulungan niya kundi pati yung mga batang may malalang sakit, na hindi ka-yang magbayad para magamot o maopera.
“Meron ding isang bata, si baby Jane, nag-heart surgery siya. I think last year ko siya natulungan. At yung isa pang bata na si Angelo, napa-liver transplant ko siya nu’ng 2007.
“Hindi lang naman mga batang may Down syndrome ang tinutulungan ko, kapag may mga kids na lumalapit sa akin, na kung kaya naman, tinutulungan ko sila,”
OPEN ULIT SA POLITIKA
Sinubukan ni Ara noon na pumasok sa politika. Tumakbo siya bilang konsehal sa District 5 ng Quezon City noong 2010, pero hindi siya pinalad na manalo. Pero sa kabila nito, hindi pa rin nawala sa sistema ni Ara ang pagiging matulungin. Bakit hindi niya ulit subukang pumasok sa politika?
“Pinag-iisipan ko pa, pero hindi pa 100% sure. May mga gustong tumakbo ako ulit sa Quezon City.
“Open naman ako, pero marami pa akong wini-weigh na things. Kasi siyempre, a-nother responsiblity kung kakayanin ko,”
NAGKABATI SA LAMAY
Samantala, natutuwa si Ara na pagkatapos ng mahabang taong hindi pagkakaunawaan, ay nagkabati na rin sila ni Aiko Melendez, noong nagkita sila sa isang lamay last year.
“Before, kapag nagkakasalubong kami, ramdam na ramdam mo na may tensiyon, eh. Pero this time, dun sa lamay, nakakatuwa kasi mapi-feel mo yung sincerity niya, nung batiin niya ako.
“Wala kasi akong katabi sa upuan ko, e wala na ring space, yun na lang yung space sa upuan ko, tumabi siya sa akin.”
“Tapos sabi niya,”Kamusta ka na?” Ayun, nag-usap na kami, ganun,” kwento pa ni Ara sa pagbabati nila ni Aiko.
After magkaayos, nagti-text-an na sina Ara at Aiko.
“Minsan, umo-order siya sa akin ng cake sa Hazelberry Cafe ko. Ilang beses na siyang nagpa-deliver. She ordered lechon for me also. Nagtitinda rin kasi ako ng lechon.”
May time ba na lumabas na sila ni Aiko?
“Hindi pa. Pero nag-usap naman kami na magkikita kami soon, coffee-coffee, ganun. Kaya lang busy siya, busy rin ako, kaya hindi pa yun nangyayari.”
HINDI SINULOT SI JOMARI
Si Jomari Yllana ay naka-relasyon dati ni Aiko, na nagkaroon pa sila ng isang anak, si Andrei. Nung naghiwalay sina Aiko at Jomari, si Ara ang sumunod na nakarelasyon ng aktor. Yun ang naging dahilan para magkagalit sina Ara at Aiko. Nagkaroon daw kasi ng sulutan, na ayon kay Ara, wala itong katotohanan.
“Lagi ko namang sinasabi before, na hiwalay na sila (Jomari-Aiko) nung naging kami ni Jom. Kasi magka-partner kami sa Kiss Muna (dating sitcom ng GMA 7 noong 2000), dun nagsimula yung friendship namin. Hanggang sa naging kami na,” pagpapaliwag ni Ara.